0

Imposible ang Pagbabago Kung Ang Mga Balakid ay Kaalyado ng Namumuno

Posted on Friday, 19 September 2014



Imposible ang Pagbabago
Kung Ang Mga Balikid ay Kaalyado ng Namumuno
Ni Apolinario Villalobos

Nagsisimula ang lahat ng kahirapan sa pagpapatupad ng mga panununtunan tungo sa pagbabago, kung ang mga taong itinalaga ng namumuno upang umalalay sa kanya ay pinagkakautangan niya ng loob. Hindi niya basta maaalis sa puwesto kahi’t hantaran na ang pagka-inutil at pagkatiwali ng mga ito. Kapag ganito na ang situwasyon, anumang galing ng namumuno, ang mga inutil at tiwali niyang alalay ay humihila sa kanya upang hindi siya makausad…sa halip na makatulong, nagiging mga pabigat ang mga kaalyado niya.

Ang mga alalay na inutil at tiwali ay hindi lang mistula, kundi talagang balakid sa patuloy na pag-usad tungo sa kaunlaran kahit na ang namumuno ay nakikitang may masidhi at tapat na adhikain. Kadalasan nakikitaan sila ng matinding kayabangan dahil ang isinasangkalan nila ay ang “amo” nilang namumuno, at pakiramdam nila ay hindi sila matitinag sa kanilang kinalalagyan. Dahil sa ganitong sitwasyon, nababalewala  ang mga nakatala sa nakaraan na magagandang bagay tungkol sa pinagmulan ng pinuno. Wala ring magagawa ang pagiging matalino nito.

Kung hindi magawan ng paraan ng namumuno na mabuwag ang mga balakid, lumalabas na siya ay mahina din, hindi marunong makipaglaban, hindi marunong mangatawan ng responsibilidad para sa nakararami. Dahil damay na rin ang namumuno, lumalabas na may sabwatan sila ng kanyang mga kaalyado sa mga pangyayaring hindi maganda sa bayan, tulad ng pangungurakot sa kaban ng bayan at hindi pagtagumpay ng mga proyekto. Pati ang pagkatao ng namumuno ay nakakalkal upang hanapan ng butas. Napapansin tuloy ang mga kahinaan niya na sana ay pinalalampas na lang ng taong bayan.

Ang gagawin na lang ng namumuno ay humanap ng paraan upang hindi sumingaw ang baho ng kanyang administrasyon kaya, magkukumahog siya sa pagtakip. At, ang pinakahuling paraan ay ang pananatili niya sa poder …subali’t ang tanong ay “hanggang kaylan siya mananatili upang mailigtas sa mga kaso ang kanyang mga kaalyadong malinaw namang may mga dapat panagutan”…at pati na rin siya?

Discussion

Leave a response