Ang Laro ng Mga Pulitiko...Pinaiikot ang Mga Pilipino sa Palad
Posted on Wednesday, 3 September 2014
Ang
Laro ng Mga Pulitiko
…Pinaiikot
ang Mga Pilipino sa Palad
Ni Apolinario Villalobos
Kung paglaruan ng mga pulitiko ang mga
Pilipino at ang bansa ay walang pakundangan. Ginagawa nilang parang trumpo ang
mga Pilipino. Uumpisahan nila sa mga pangakong nililitanya sa panahon ng
kampanya na may kasamang “pambalubag-loob” na ang halaga ay nagkakaiba depende
sa rehiyon, bayan o lunsod, at susundan ng paiwas-iwas na sa mga tao kung sila
ay nanalo na at nakaupo sa pwesto.
Ang pinaka-ispiritu ng larong pulitika sa
Pilipinas ay ang “utang na loob”. Utang na loob ng mga botante sa mga kandidato
dahil nabigyan sila ng “pampalubag- loob”, utang na loob ng mga pulitiko sa
malalaking taong tumulong at “nagdala” sa kanila upang manalo, at “utang na
loob” ng mga pulitiko sa mga kaalyado nila sa partido, kaya anumang mangyari,
sama-sama sila, lalo na sa panahon ng “paniningil nila” upang mabawi ang mga
nagastos sa lumipas na eleksiyon.
Dahil sa “utang na loob”, kahit hantad na
ang pagkasangkot sa anomalya ng kaalyado, ang mga kasama ay hindi na lang
kumikibo. Si Jejomar Binay nga na Bise-Presidente ngayon, ay tahasang sinabi na
utang na loob niya sa mga Aquino kung saan man siya ngayon. Si Binay ay maingay
na sa pangangampanya hindi man direkta, para sa kandidatura niya sa
pagka-Presidente ng Pilipinas. Si Pnoy na presidente ngayon ay may nakabinbin
na mga kasong graft dahil sa Development Acceleration Program (DAP) “funds”, na
ang pagkagamit ay mali ayon sa Korte Suprema. Maaaring abutin ang mga kaso ng
eleksiyon sa 2016 – magiging pending. Ano ang mangyayari sa mga ito kung
sakaling si Binay ang mananalong presidente?
Maraming pulitiko ang yumaman dahil sa
larong ito, na parang sugal na rin kung tutuusin, subali’t sugal na walang
pagkatalo dahil ang isinugal na pera ay
nababawi ng kung ilang doble pa! May mga kagawad nga ng bayan na makalipas ang
kalahati pa lang ng panunungkulan ay nakapagpa-repair na ng bahay at nagkaroon
pa ng sasakyan. Mayroon nga diyang Barangay Chairman lang, makalipas ang
dalawang taon, nakapagpatayo na ng bahay, may van pa. May mga kongresista na
makalipas lang din ng dalawang taon, may isa o dalawa nang condo sa Maynila.
Ang mga taong bayan na umasa sa mga
ipinangako ng mga pulitiko na mga inprastraktura tulad ng tulay at maayos na
kalsa, naiwang nakatunganga! Ultimo pampalubag-loob na basketball court,
mahinang klaseng materyales pa ang ginamit kaya karamihan, lalo na sa mga lugar
na madalas dalawin ng bagyo, mababang signal lang nito, nagliliparan na ang
bubong, ang mga posteng manipis na bakal na pinagdikit upang kunwari ay
makapal, nagmistulang baging sa pagkakalubay. May mga tulay ngang naipagawa,
nguni’t simpleng ragasa ng umapaw na ilog, inanod na. May mga highway at
kalsadang- bayan na naipagawa, ilang beses na ulan lang ang pumatak, nagkatuklap-tuklap
na, yong iba, animo mga lubak sa mukha ng buwan naman ang naging hitsura.
Kasama sa laro ng mga manlolokong ito ay
ang paggawa ng report tungkol sa mga proyekto na hanggang papel lamang. Kaya
may mga nagrereklamo na wala naman daw makitang tulay o eskwelahan o kung ano
pa, batay sa mga sinasabi sa report. Hindi natuldukan ng mga ginagawang
imbestigasyon kay Napoles ang mga panloloko sa mga Pilipino. Paanong
matutuldukan eh, ang pinagpipilitan ng adminstrasyon na pag-itsapwera sa pork
barrel ay nandiyan pa rin pala at nakakubli lang sa mga bagong pangalan ng
iba’t ibang budget. Ang inaasahan ng taong bayan na dapat ay hindi na
pakikialam ng mga senador at kongresista sa mga bagay na may kinalaman sa
proyekto ay paiiralin pa rin pala. Mabuti na lang at nagkabistuhan. Subali’t
malabo talagang mawala ang ungguy-ungguyang ito dahil karamihan sa mga
kongresista ay kaalyado ng pangulo, kaya kung boto ang pagbabatayan sa
pagpatupad, walang magagawa ang minorya kundi mag-ingay na lamang.
Kung sa larong tumbang preso, palaging
panalo ang may malalaking pamato at mabibilis umiwas sa “taga” – sila ang mga
tiwaling pulitiko at opisyal. At, ang kawawang “taya” na payatot dahil sa kawalan ng sustansiya sa katawan,
kaya mabagal tumakbo upang “tumaga” – ay ang taong bayan…hinihingal sa pagkabagoong!
Discussion