Showing posts with label successful. Show all posts

0

Ipaubaya sa Iba ang Hindi kayang Gawin at Huwag Kaiinggitan ang Tinamo nilang Tagumapy

Posted on Friday, 13 November 2015

Ipaubaya sa Iba ang Hindi Kayang Gawin,
at Huwag Kaiinggitan ang Tinamo nilang Tagumpay
Ni Apolinario Villalobos

Marami sa atin ay kakambal na yata ang inggit. Ito ang mga taong ang gusto ay kilalanin sila na pinakamagaling kahit wala naman napatunayan o di kaya ay hanggang salita lang ang kayang gawin. Sila rin yong halos ay dapaan ang mundo, dahil lahat ay gustong gawin, at ayaw magbigay ng pagkakataon sa iba. At sila pa rin yong mga taong mahilig mangpuna o mag-criticize pero wala namang nakahandang suhestiyon.

Dahil sa utak na taglay, lahat ng taong normal ay may kakayahang gumawa ng iba’t ibang bagay subalit ang antas ng kagalingan at tagumpay ay hindi pareho, kaya nga sa bokabularyo ay merong mga katagang naghahambing. Inggit ang dahilan kung bakit ayaw tanggapin ng ibang mayroong mas magaling sa kanila. Ang tao ay may kakayahang magsikap upang makaakyat sa mga baytang ng buhay at marating ang tugatog ng tagumpay. Pero hindi lahat ng tao ay may kakayahang gumawa nito, katotohanan na dapat ay tanggapin. Hayaan na ang ibang makapagpatuloy dahil sa kakayahan ng kanilang talino at yaman. Huwag silang kaiinggitan, sa halip ay pagsikapang makagawa ng mga paraang angkop sa inabot na baytang ng pagsisikap. Halimbawang ang kaya lang na negosyo ay isang sari-sari store, at hindi big time na grocery, pagkitaan na lang na mabuti ang sari-sari store at pagpursigihin ang pag-ipon, sa halip na umutang upang maging grocery ang maliit na tindahan. Applicable ang “no guts, no glory” sa mga angkop na larangan, hindi sa lahat, kaya piliing mabuti kung saang larangan ka magaling at doon mo patunayan ang kasabihang yan, sa halip na isiping kung nagawa ng iba ay kaya mo ring gawin.

May mga tao namang hindi nakakaalam kung sa aling larangan sila magaling kaya kailangan nila ang payo ng iba bilang pag-alalay sa kanila. Kapag nagtagumpay sila sa ini-suggest na gawain, sila mismo ay nagugulat at nagsasabing hindi nila akalain na kaya pala nila. Kabaligtaran ang nabanggit, ng ugali ng ibang Pilipino na mahilig magsabi ng, “kaya ko rin yan”, kahit alam nilang hindi nila kayang gawin ang ginagawa ng taong kinaiinggitan. Sa isang banda,  ang ibang Pilipino ay mahilig ring magsabi ng “nakakainggit ka” na hindi maganda ang dating. Sa halip, ang sabihin dapat ay “nakabibilib ka, gagayahin kita”.

Tulad na lang ng kuwento tungkol sa isang nanay na mahilig maiinggit sa kanyang mga kaibigang magaling magluto, at ang expression ay, “nakakainngit ka”. Ang isang sinabihan ay napuno na kaya binara siya ng “gumaya ka!”. Puro salitang inggit kasi ang palaging lumalabas sa bibig ng nanay na ito sa halip na gayahin ang magandang ginagawa ng iba, kaya hanggang sa nakapag-asawa ang mga anak, ay hindi man lang natutong magluto ng adobo! Kung makita namang maayos ang hitsura ng mga kaibigan dahil marunong mag-manage ng oras, kaya may panahong maligo at maglinis ng katawan, siya namang tamad maglinis man lang ng bahay ay burara pa sa katawan, kaya sa tingin pa lang ay mabaho na!

May isa namang kakilala lang ang tahasang nagsabi sa aking, “kaya ko ring gumawa ng tula”. Nagulat ako sa sinabi niya dahil hindi naman ako nagbabanggit sa kanya ng ginagawa kong blogging. Siya ang nagpasimula ng usapin tungkol sa mga tula na nababanggit pala sa kanya ng mga kakilala naming nakakabasa ng mga isinulat kong ina-upload ko sa facebook. Inisip ko na lang na talagang magaling siya dahil taal siyang “Tagalog”, taga-Batangas kasi, samantalang ako ay hindi dahil taga-Mindanao. Upang hindi na humaba ang usapan, sinagot ko siya ng, “okey lang…trying hard lang naman ako”. Inimbita ko siyang magbigay ng isang tula upang ma-ipost sa mga sites ko….mag-iisang taon na ngayon, ni isang talata ng tula ay wala siyang naibigay sa akin. Mataas ang puwesto niya sa isang kumpanya, kaya feeling niya, dahil sa kanyang trabaho, walang ibang dapat lumamang sa kanya – sa lahat ng bagay, pati na sa paggawa ng tula. Kawawa naman ang tula, ginamit sa walang kapararakang naramdamang inggit!

Hindi magandang pairalin ang inggit dahil nakakahila ito pababa ng ibang taong nagsisikap na mabuhay nang maayos sa abot ng kanilang makakaya. Lalong maganda sana na yong mga nakakaangat na sa buhay, na may napansing nagsisikap na kaibigan o ibang tao kahit hindi kilala, dapat ay tumulong sa pamamagitan ng pagtulak sa mga ito upang mapadali ang kanilang  pag-angat o pagsulong. Ang pagsisikap ng mga taong ito ay hindi naman nakakasakit ng kapwa nila tao, at ang layunin lang nila ay upang magkaroon ng marangal na pamumuhay at upang maiwasan nilang umasa sa limos ng iba!

Kaya bilang pangwakas, sa halip na maiinggit, tanggapin ang mga kahinaan, o kung hindi kayang tanggapin ay doblehin ang pagsisikap sa abot ng makakaya…makipagtulungan sa magagaling na nakakatulong naman sa kapwa at bayan…at, higit sa lahat, tumulong sa pag-asenso ng iba, sa halip na manghila, upang hindi sila makadagdag sa bilang ng mga taong binibigyan ng limos!



0

Palaging nasa Huli ang Pagsisisi

Posted on Monday, 8 June 2015



Palaging Nasa Huli ang Pagsisisi
Ni Apolinario Villalobos


Sa Ingles ay may mga kasabihang, “no pain, no glory” at “no guts, no glory”. Sa literal na katumbas, ang ibig sabihin ay, “kung walang pasakit, walang tagumpay”, at “kung walang lakas ng loob, walang matatamong tagumpay”. Kailangang maging handa tayo sa anumang pasakit na idudulot ng pagkabigo at kailangang mayroon tayong tapang sa pagharap sa anumang pagsubok upang tayo ay magtagumpay. Kung mabigo man, may kasabihan pa rin sa Ingles na, “at least, we tried”, kaya hindi tayo dapat magsisi. Subalit kung wala talaga tayong ginawa dahil sa pag-alinlangan at nakita nating okey naman pala kung tumuloy tayo…diyan papasok ang pagsisisi.

Ang tagumpay ay hinahanap dahil inaasam, hindi hinihintay na baka dumating sa ating buhay. Kaya kung tayo ay lalampa-lampa, gigising na lamang tayo isang umaga at magugulat dahil nalaman nating napag-iwanan na pala tayo ng panahon, na nakanganga, samantalang ang ibang nagsikap ay milya-milya na ang narating. Magsisi man tayo…huli na.

Sa isang banda naman, dahil sa sobrang desperasyon ng iba kung minsan, nakakagawa sila ng mga bagay na pinagsisisihan nila, bandang huli. Halimbawa ay ang pagbitiw sa trabaho nang wala sa panahon, dahil gusto nilang magpasarap agad sa buhay, nainggit kasi sa mga kaibigan nilang ganoon ang ginawa. Nang halos maubos na ang pera, saka sila magsisisi, at kung maghanap man uli ng trabaho, wala na silang mapasukan.

Yong ibang mga nagretiro naman, dahil sa laki ng hawak na separation pay, hindi nila alam kung paano ito gagastusin. Pero dahil nakitang nagpa-renovate ang mga kapitbahay ng bahay, nakigaya…nagpadagdag ng mga kuwarto para sa mga anak daw. Subalit, nang nakapagtrabaho na ang mga anak, nagsi-alisan sa bahay, iniwan na silang mag-asawa dahil ang gusto ay sa condo tumira. Sa laki ng ginastos sa renovation, halos wala nang natira sa separation pay. Silang mag-asawa naman ay naiwang kakalog-kalog sa bahay. Mahirap nang ibenta ang bahay dahil lumaki ang halaga, gawa ng mga renovation. Naramdaman nila ang pagsisisi nang magsimula na silang magpa-admit sa ospital dahil sa maya’t mayang pag-atake ng mga sakit nila.

Madaling maramdaman ang ugali ng mga anak kung walang interes sa mga ginagawa ng mga magulang nila para sa kanila. Halimbawa ay ang binanggit kung pag-alis nila sa ancestral house nang makapagtrabaho na. Ang masakit ay ang pagsabihan nila ang kanilang magulang na ibenta na lamang ang bahay na pinaghirapan nilang ipundar, subalit wala namang babanggiting plano pagkatapos, tulad halimbawa ng pag-imbita upang tumira sa kanilang condo. Para na rin nilang sinabihan ang mga magulang nila ng, “bahala na kayo sa buhay nyo”. Sa pagkakataong ito, walang magawa ang mga magulang kundi maghinagpis dahil ang pera na sana ay inilaan nila sa kanilang pagtanda, ay nauwi sa wala! Hindi na sila appreciated, nawalan pa sila ng sana ay pambili ng maintenance na gamot at pampa-ospital.

Iba naman ang kaso ng mga kaibigan kong mag-asawa na nakatira sa isang exclusive subdivision. Nang pareho silang magretiro, itinodo nila ang pagbiyahe kung saan-saan. Noong pumirmi na sa bahay, sa umpisa ay masaya silang nagsi-share ng mga karanasan nila sa ibang bansa. Nang kalaunan, napansin kung malungkot na sila at palaging nagsisinghalan kung mag-usap, lalo na pagdating sa mga gastusin sa loob ng bahay. May isa pa kasi silang pinapaaral sa kolehiyo. Noong minsang napadaan ako at kinausap ko ang kumpare ko sa labas ng gate, nilapitan siya ng kumare ko at humingi ng pamalengke. Ang sagot sa kanya ng kumpare ko, “gamitin mo yong itinabi mong gamit nang mga tiket ng eroplano…litse ka!...aga-aga, eh, nambubuwisit!”. Sagot naman ng kumare ko, “litse ka ring matanda kang panot!...gusto mong biyahe nang biyahe, ngayon, maninisi ka!”. Ganoon sila kasaya kapag nag-uusap…with feelings!

Sa sinabi ng kumare ko, naalala ko tuloy ang isang taong panot din na walang konsiyensiya kahit marami nang  naperhuwisyo dahil sa mga desisyon na akala niya ay da best, dahil akala niya ay bright siya! Pinuno siya ng isang bansa……at lahat ng ginawa ay puro bulilyaso. Magsisi man siya ngayon dahil sa mga maling desisyon niya, ay huli na!

(Note: Exception sa title ang hindi ko pagsisisi dahil sa pag-type ng huling paragraph. May kasabihan naman kasi sa Ingles na, “for every rule, there’s an exception”. Kaya itinuring kong exception yong panot na binanggit ko sa last paragraph! Gusto ko pa ring ipaliwanag na ang ibang panot basta hindi nangmumulestiya at nang-aapi, ay hindi ko tinutukoy….exception din sila….dahil ang pagkapanot ay tanda ng pagkamatalino!)