Ipaubaya sa Iba ang Hindi kayang Gawin at Huwag Kaiinggitan ang Tinamo nilang Tagumapy
Posted on Friday, 13 November 2015
Ipaubaya
sa Iba ang Hindi Kayang Gawin,
at
Huwag Kaiinggitan ang Tinamo nilang Tagumpay
Ni Apolinario Villalobos
Marami sa atin ay kakambal na yata ang
inggit. Ito ang mga taong ang gusto ay kilalanin sila na pinakamagaling kahit
wala naman napatunayan o di kaya ay hanggang salita lang ang kayang gawin. Sila
rin yong halos ay dapaan ang mundo, dahil lahat ay gustong gawin, at ayaw
magbigay ng pagkakataon sa iba. At sila pa rin yong mga taong mahilig mangpuna
o mag-criticize pero wala namang nakahandang suhestiyon.
Dahil sa utak na taglay, lahat ng taong
normal ay may kakayahang gumawa ng iba’t ibang bagay subalit ang antas ng
kagalingan at tagumpay ay hindi pareho, kaya nga sa bokabularyo ay merong mga
katagang naghahambing. Inggit ang dahilan kung bakit ayaw tanggapin ng ibang
mayroong mas magaling sa kanila. Ang tao ay may kakayahang magsikap upang
makaakyat sa mga baytang ng buhay at marating ang tugatog ng tagumpay. Pero
hindi lahat ng tao ay may kakayahang gumawa nito, katotohanan na dapat ay
tanggapin. Hayaan na ang ibang makapagpatuloy dahil sa kakayahan ng kanilang
talino at yaman. Huwag silang kaiinggitan, sa halip ay pagsikapang makagawa ng
mga paraang angkop sa inabot na baytang ng pagsisikap. Halimbawang ang kaya
lang na negosyo ay isang sari-sari store, at hindi big time na grocery,
pagkitaan na lang na mabuti ang sari-sari store at pagpursigihin ang pag-ipon,
sa halip na umutang upang maging grocery ang maliit na tindahan. Applicable ang
“no guts, no glory” sa mga angkop na larangan, hindi sa lahat, kaya piliing
mabuti kung saang larangan ka magaling at doon mo patunayan ang kasabihang yan,
sa halip na isiping kung nagawa ng iba ay kaya mo ring gawin.
May mga tao namang hindi nakakaalam kung sa
aling larangan sila magaling kaya kailangan nila ang payo ng iba bilang
pag-alalay sa kanila. Kapag nagtagumpay sila sa ini-suggest na gawain, sila
mismo ay nagugulat at nagsasabing hindi nila akalain na kaya pala nila.
Kabaligtaran ang nabanggit, ng ugali ng ibang Pilipino na mahilig magsabi ng,
“kaya ko rin yan”, kahit alam nilang hindi nila kayang gawin ang ginagawa ng
taong kinaiinggitan. Sa isang banda, ang
ibang Pilipino ay mahilig ring magsabi ng “nakakainggit ka” na hindi maganda
ang dating. Sa halip, ang sabihin dapat ay “nakabibilib ka, gagayahin kita”.
Tulad na lang ng kuwento tungkol sa isang
nanay na mahilig maiinggit sa kanyang mga kaibigang magaling magluto, at ang
expression ay, “nakakainngit ka”. Ang isang sinabihan ay napuno na kaya binara
siya ng “gumaya ka!”. Puro salitang inggit kasi ang palaging lumalabas sa bibig
ng nanay na ito sa halip na gayahin ang magandang ginagawa ng iba, kaya
hanggang sa nakapag-asawa ang mga anak, ay hindi man lang natutong magluto ng
adobo! Kung makita namang maayos ang hitsura ng mga kaibigan dahil marunong
mag-manage ng oras, kaya may panahong maligo at maglinis ng katawan, siya
namang tamad maglinis man lang ng bahay ay burara pa sa katawan, kaya sa tingin
pa lang ay mabaho na!
May isa namang kakilala lang ang tahasang
nagsabi sa aking, “kaya ko ring gumawa ng tula”. Nagulat ako sa sinabi niya
dahil hindi naman ako nagbabanggit sa kanya ng ginagawa kong blogging. Siya ang
nagpasimula ng usapin tungkol sa mga tula na nababanggit pala sa kanya ng mga
kakilala naming nakakabasa ng mga isinulat kong ina-upload ko sa facebook.
Inisip ko na lang na talagang magaling siya dahil taal siyang “Tagalog”,
taga-Batangas kasi, samantalang ako ay hindi dahil taga-Mindanao. Upang hindi
na humaba ang usapan, sinagot ko siya ng, “okey lang…trying hard lang naman
ako”. Inimbita ko siyang magbigay ng isang tula upang ma-ipost sa mga sites
ko….mag-iisang taon na ngayon, ni isang talata ng tula ay wala siyang naibigay
sa akin. Mataas ang puwesto niya sa isang kumpanya, kaya feeling niya, dahil sa
kanyang trabaho, walang ibang dapat lumamang sa kanya – sa lahat ng bagay, pati
na sa paggawa ng tula. Kawawa naman ang tula, ginamit sa walang kapararakang
naramdamang inggit!
Hindi magandang pairalin ang inggit dahil
nakakahila ito pababa ng ibang taong nagsisikap na mabuhay nang maayos sa abot
ng kanilang makakaya. Lalong maganda sana na yong mga nakakaangat na sa buhay,
na may napansing nagsisikap na kaibigan o ibang tao kahit hindi kilala, dapat
ay tumulong sa pamamagitan ng pagtulak sa mga ito upang mapadali ang kanilang pag-angat o pagsulong. Ang pagsisikap ng mga
taong ito ay hindi naman nakakasakit ng kapwa nila tao, at ang layunin lang
nila ay upang magkaroon ng marangal na pamumuhay at upang maiwasan nilang umasa
sa limos ng iba!
Kaya bilang pangwakas, sa halip na maiinggit,
tanggapin ang mga kahinaan, o kung hindi kayang tanggapin ay doblehin ang
pagsisikap sa abot ng makakaya…makipagtulungan sa magagaling na nakakatulong
naman sa kapwa at bayan…at, higit sa lahat, tumulong sa pag-asenso ng iba, sa
halip na manghila, upang hindi sila makadagdag sa bilang ng mga taong
binibigyan ng limos!
Discussion