Malaking Sakripisyo ang Maging Chairman o Maging Iba Pang Opisyal ng Maliit na Barangay Tulad ng Real Dos (Bacoor City)
Posted on Thursday, 26 November 2015
Malaking
Sakripisyo ang Maging Chairman O Maging Iba Pang Opisyal
ng
Maliit na Barangay Tulad ng Real Dos (Bacoor City)
ni Apolinario Villalobos
Hindi nakakapagpayaman ang maging opisyal
ng isang maliit na Barangay, na ang pinaka-kunsuwelo ay kasiyahan namang
nararamdaman dahil sa tulong na naibibigay sa mga ka-barangay.
Matapat na sinabi sa akin ni Barangay
Chairman BJ Aganus (Real Dos, Bacoor City) na sa wala pang dose mil niyang
suweldo, ang kabuuang sampung libo lamang ang kinukubra niya. Ang butal ay
“iniiwan” niya sa pondo ng Barangay upang magamit na pandagdag sa mga gastusin
tulad ng para sa kuryente at iba pa na wala sa regular payroll na binadyetan,
subalit kailangan upang mapaganda ang operasyon nila. Ganoon din ang ginagawa
ng mga Kagawad ng Barangay na kusang nag-aambagan din sa kabila ng kaliitan ng
kanilang allowance. Hindi nila alintana ang sakripisyong nabanggit dahil
nababawasan naman ng suportang binibigay ng kani-kanilang pamilya sa
pamamagitan ng lubus-lubusang pag-unawa.
Ang nanay ni Kapitan BJ na si Aling Sofie
ay umaming sa kabila ng katungkulan ng kanyang anak, silang mag-asawa ay tumutulong pa rin dito.
Isang umagang napadaan ako sa bahay nina Kapitan BJ ay natiyempuhan ko si Aling
Sofie na nagpaunlak sa request kong samahan ako sa kagagawa pa lang, pero
kulang pa rin sa gamit, na Multi-Purpose Hall ng Real Dos. Bilang isang ina,
natutuwa siya na nagkaroon ng bunga ang katututok ng kanyang anak sa City Hall,
upang magkaroon ng Multi-purpose Hall ang Barangay, kaya kahit sabihin pang
damay siya sa sakripisyo ng anak ay okey na rin sa kanya. Natiyempuhan din
namin ang “volunteer” na si Aling Amparing na siyang naglilinis ng kapaligiran
ng Multi-Purpose Hall, kasama na ang basketball court na nasa harap nito. Wala
siya ni pisong kabayaran, subalit dahil nakita niya ang kabuluhan ng maliit na
gusali ay hindi siya nagpatumpik-tumpik sa pagkusa ng tulong sa abot ng kanyang
makakaya na paglilinis tuwing umaga.
Nadagdagan din ang mga street lights sa
Barangay Real Dos dahil na rin sa “pangungulit” ni Kapitan BJ sa city
government, kahit pa ang naging resulta ay dagdag-bayarin sa kuryente na
maituturing na malaking kabawasan sa budget ng barangay. Subalit naalala ko
noong nabanggit niya na mas mabuti daw na nakikita ng mga taong nagagastos sa
maayos ang pera ng barangay, kaysa naman daw nakatabi lang. Ibig sabihin, hindi
baleng sagad ang gastos basta napapakinabangan naman agad ng mga tao ang
pinagkagastusan.
Ipinapakita ng Barangay Real Dos ang kahalagahan
nito bilang matatag na pundasyon ng lunsod ng Bacoor sa pamamagitan ng maayos
na pamamalakad. At, pinapakita ring lalo ng mga opisyal ng nasabing barangay na
hindi totoong lahat ng nagsisilbi sa bayan o sa madaling salita ay mga opisyal
ng gobyerno ay korap…dahil sila mismo ay abunado at naghihirap. At, alam ko
ring marami pang Real Dos sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na sumasagisag sa
tunay na kahulugan ng “tamang paninilbihan sa bayan”.
Discussion