Nagiging OA ang mga Militanteng Grupo...nakakawalang ganang panigan tuloy!
Posted on Thursday, 19 November 2015
Nagiging
OA ang mga Militanteng Grupo
…nakakawalang
ganang panigan tuloy!
ni Apolinario Villalobos
Malaking bagay ang nagagawa ng mga
militante sa pagpapaliwanag ng mga bagay na nangyayari sa ating bansa, sa iba’t
ibang larangan lalo na sa ekonomiya at pulitika. Kung baga ay sila ang
tagapag-gising ng mga Pilipino dahil sa ingay na ginagawa nila. Subalit ang
magpasimula sila ng karahasan o violence tuwing may rally ay hindi maganda.
Ang pinakabagong pangyayaring mababanggit
tungkol dito ay ang APEC Summit sa Manila.Sinamahan pa ang mga local na mga
militante ng mga kasapakat o kaalyado na galing sa ibang bansa. Hindi nagkulang
ang mga local na pamahalaang nakakasaklaw ng mga lugar na kinampuhan ng mga
grupong militante sa pagbigay ng kaluwagan. Ang mga ahensiya naman ng gobyerno
ay hindi nagkulang sa pagbigay ng paalala, lalo na sa mga schedule ng pagsara
ng mga kalsada at babala kung hanggang saan lang dapat ang mga raleyista.
Subalit may mga balitang nagpipilit pa rin ang mga militanteng grupo sa pagpapakita
ng “tapang” sa pamamagitan ng pagsugod sa hanay ng mga nakaharang lamang na mga pulis.
Ayon
sa mga field reporter ng radio, ang mga grupo ng mga militante ang unang
nangdadarag o nagpo-provoke sa hanay ng mga kapulisan na humaharang sa kanila sa
pamamagitan ng pag-agaw ng kanilang mga truncheon o kalasag at pagtutulak sa
mga ito. Mabuti na lang at hindi natitinag ang disiplina ng mga kapulisan na
nagpakita ng matinding pasensiya sa kabila ng nakakatulig na pagmumura mula sa
mga estudyanteng militante.
Narinig ko mismo ang live coverage sa isang
pangyayaring pinarinig ng isang AM radio station. Sa background ng coverage ay
maririnig ang tilian at sigawan ng mga nagra-rally, na sinisingitan ng komento
ng reporter kung paanong itulak ng mga estudyante ang mga pulis na ang iba ay
inaagawan pa ng kalasag, subalit nang gumanti ng tulak ang mga pulis, narinig
agad ang pagsigaw ng isang estudyanteng: “….hayan mga kababayan, nakikita ninyo
ang karahasan ng mga pulis…”. Napamura tuloy ako – pero sa hangal na estudyanteng
lider pa man din yata ng grupo. Sila itong nanguna sa pagtulak, pero sila pa
ang may ganang magreklamo at magpakita sa taong bayan na sila ay inaapi ng mga
pulis!
May nagsabi sa akin na karamihan sa mga
militanteng grupo sa Pilipinas ay sinusupurtahan ng mga Komunistang lumalaban
sa Demokrasya, kaya kung mapapansin, dominante sa mga kulay na ginagamit nila sa
mga streamers at banners ay pula, simbolo ng komunismo at sosyalismo. Isa sa
mga pinag-aaralan din daw nila ay kung paanong epektibong makadarag o
maka-provoke ng mga anti-riot police na humaharang sa kanilang daraanan tungo
sa mga bawal na gustong pagdausan nila ng rally, tulad ng harapan ng mga
embassy, Mendiola, at Malakanyang. Maituturing na nagtagumpay sila sa
pag-provoke kung papaluin na sila ng mga pulis na makukunan ng retrato. Nang
mabisto ang strategy nilang ito, gumamit na lang ng water cannon ang mga
anti-riot police.
Sa ganang akin, hindi masama ang mag-rally
pero dapat ay sa tamang paraan, sa
pamamagitan ng pagrespeto sa mga itatalagang alituntunin ng mga ahensiya, lalo
na ng mga local na pamahalaang masasakop ng aktibidad. Kung ano ang bawal,
dapat ay sundin. Kahit saan ay pwedeng gawin ang rally dahil kokoberan naman
talaga ito ng mga reporter ng diyaryo, radio at TV. Kahit halimbawa ay laban sa
Kongreso na nasa bandang Quezon City ang rally, ito ay maaaring gawin sa Luneta
o Liwasang Bonifacio o sa bakuran ng UP, atbp. Ang ilalabas naman sa TV, diyaryo at
ibo-broadcast sa radio na layunin ay aabot pa rin sa lahat ng sulok ng
Pilipinas. Dahil dito, hindi kailangang mag-provoke ng mga pulis na naatasan
lamang na magmintina ng kaayusan at pumigil sa anumang pinsala na mangyayari,
upang masabing nagpakita ang mga ito ng “police brutality”. Trabaho lang ang
ginagawa ng mga pulis. Maaaring marami rin sa kanila ang galit sa gobyerno pero
hindi lang nila mailabas…yan ang dapat ding isipin ng mga nagra-rally.
Hindi kailangang sumigaw na ang background
ay Congress o Malakanyang dahil ang importanteng malaman ng mga Pilipino ay
mensahe ng mga nagsasalita sa rally. Bakit kailangan pang may masaktan o
dumanak ng dugo? Paanong papanigan ng maraming Pilipino ang mga bistado nang
mga komunistang nagra-rally, kung sila mismo ay naninira ng mga gamit ng mga embassy,
plant boxes, poste ng ilaw, nang-aagaw ng truncheon ng pulis na nakaharang
lamang sa kanila, at nag-iiwan ng basura mula sa sinunog na mga effigy, at mga balot
ng pinagkainan nila, pati mga basyo ng mineral water?
Dahil sa hindi magandang gawi ng mga
militanteng nagra-rally, ipinapakita nila na kailangan pang maging marahas upang
magtagumpay sa pagpaparating ng mga mensahe. May napagtagumpayan ba naman sila?
Hindi na ba pwedeng gumamit ng mahinahong paraan? Ang orihinal at tunay na
layunin ng rally ay upang magkaroon ng pagkakataon ang mga grupong
makapagparating ng kanilang mga hinaing sa mga kinauukulan. Nasira lamang ang
layuning ito nang makarating sa bansa ang ideyolohiyang sosyalismo na ang
pamamaraan sa pagtamo ng inaasam ay idinadaan sa karahasan.
Kawawa ang mga Pilipinong ang kaisipan ay hindi na nga “nahinog” sa ideyolohiyang
Demokrasya na ibinigay ng mga Amerikano, ay ginulo pa ng “Sosyalismo” na talaga
namang hindi angkop sa kultura ng mga ito na nakasalig sa mga relihiyong
Kristiyanismo at Islam!
Kalaban din ako ng korapsyon pero malayo sa
isip ko ang patayan o pagdanak ng dugo upang matanggal lamang ito sa gobyerno…
Discussion