Hindi Nakukuha sa Pagpapa-trying Hard ang Pagpaganda ng Babae Para Mapansin ng Lalaki
Posted on Wednesday, 18 November 2015
Hindi
Nakukuha sa Pagpapa-trying Hard
ang
Pagpaganda ng Babae Para Mapansin ng Lalaki
Ni Apolinario Villalobos
Ang mga babae ay nagpapaganda upang
makaakit ng pansin ng lalaki, at dahil dito ay nagkakaroon sila ng paligsahan
at inggitan. Hindi lang mukha ang tinitingnan ng lalaki sa babae. Kasama sa
hinuhusgahan ay ang kalinisan ng katawan at ugali. May mga babaeng hindi
kailangang magsuot ng mamahaling damit at magsuot ng maraming alahas upang siya
ay mapansin. Ang isang halimbawa ay si Marian Rivera na kung wala sa shooting
ay simple lang ang damit, walang make-up ang malinis na mukha at maayos ang
buhok, kaya sa kabuuhan ay malinis at kaaya-aya siyang tingnan.
May mga babaeng binabagayan ng lipstick,
kaya huwag nang magpilit na maglagay nito sa bibig dahil naiinggit lang sa
kumare, kapitbahay, o sa kasambahay. Yong ibang nagpipilit talaga, lalo pa at
pulang-pula ang kulay ng lipstick na ginamit ay nagmumukha tuloy na inumbag kaya
namusarga at mukhang duguan ang bibig na na-emphasize ang kapal. Mag-ingat din
dahil may mga pekeng lipstick galing China (na naman!). May inilabas sa TV
noong mukha ng babaeng naglagay ng pekeng lipstick kaya animo ay kinuyog ng
putakte ang kanyang bibig na dumoble ang kapal. Kailangan ding “aprubado” o
approved ng asawa o boyfriend ang klase ng lipstick na gagamitin dahil
apekatado sila nito…at kung bakit ay hindi ko na dapat pang sagutin.
Ang buhok ay tinuturing na “frame” ng
mukha. Ang gupit at ayos ay binabatay sa hugis ng mukha. Ang TV newscaster na
si Susan Enriquez ay mahaba ang buhok noon na hindi bumagay sa may
pagka-masculine niyang mukha. Mabuti at may nagsabi sa kanyang magpalit ng
style, kaya nang ginawang “boy’s cut” ang buhok ay lumabas ang kanyang
“handsome beauty” at naging telegenic ang dating niya sa TV – gumanda. Ang
babaeng tinatawag sa English na “handsomely pretty” ay hindi nangangahulugang
tomboy. Ang katawagang nabanggit ay batay sa hugis ng mukha, kaya maraming
babaeng artista sa Holywood na kung ituring ay “handsome women”.
Ang ibang babae ay nagpapaka-trying hard
din sa pag-display ng kanilang mga asset. Hindi na ito kailangan dahil kung
gusto ng lalaking tumingin ng mga umaalagwang asset ay pupunta lang siya sa
beerhouse. Ang short shorts ay may binabagayan din kaya dapat manalamin muna
ang magsuot nito at yong mga kaibigan namang tinatanong ay dapat maging honest
sa mga “best friend” nila may maitim na kuyukot, kaya dapat ay pagsabihan
nilang huwag magsuot nito dahil pagtatawanan lang. Kung magandang hugis lang
naman ng binti ang gustong i-display, simpleng shorts at maigsing damit ay
pwede na, hindi yong pati ang singit ay halos pasilipin pa. Ang mga ganitong
pagta-trying hard ng mga babae ang dahilan upang sila ay bastusin sa kalye.
Alalahanin ang kasabihang: walang mababastos kung walang magpapabastos.
Pinagbabawal sa karamihan ng simbahang Katoliko
ang pagsusuot ng “masagwang damit” kung
dadalo sa misa. Subalit marami pa ring babeng nagsisimbang may katigasan ang
ulo…sila yong mga nagpapayabangan sa pagsuot ng mga damit na may “plunging
neckline”, sleeveless t-shirt, manipis na blusa, shorts, damit na may “spaghetti
strap”, etc. Subalit sa isang parokya ng Quezon City, may mabait na pari dahil pinapahiram
niya ang mga babaeng dumadalo sa misa ng bandana upang magamit na “pantakip” sa
mga hindi dapat i-displey sa loob ng simbahan. Sa bukana pa lang ng simbahan ay
may mga “manang” nang nag-aabang ng mga babaeng dapat pahiramin ng bandana.
Hindi rin dapat basta nagpapaniwala ang mga
babae sa itinuturing nilang mga “best friend” dahil baka ang pinapayo sa kanila
ay kabaligtaran ng mga dapat nilang gawin. Ito ang mga talagang naiinggit dahil
pagkatapos nilang magbigay ng baligtad na payo, pagtalikod ng pinayuhan nila,
sila naman ay namimilipit sa pagtawa….dahil nagtagumpay sa layunin nilang
maging katawa-tawa ang pinayuhan nila.
Ang ibinabahagi kong ito ay hindi
pag-alipusta sa mga babaeng nagpipilit na takpan o itago ang likas nilang
kagandahan sa pamamagitan ng mga artipisyal na bagay tulad ng iba’t ibang
klaseng make up at kung anu-ano pang
burluloy sa katawan dahil lang sa inggit. Hindi nila dapat sayangin ang likas
na kagadandahang ibinigay ng Diyos. Kung may kaunti mang pagbabagong gagawin sa
ibinigay ng Diyos, dapat ay gawin ito hindi upang inggitin ang kapwa babae, sa
halip ay upang maging lalo pang maging kabigha-bighani sa paningin ng boyfriend
o asawa…upang hindi sila mag-goodbye!
Discussion