Ang Moralidad at mga Moralista sa Bansang Pilipinas
Posted on Monday, 30 November 2015
Ang
Moralidad at Mga Moralista
Sa
Bansang Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos
Ang moralidad ay isang prinsipyo na may
kinalaman sa pagiging tama o mali ng isang gawain batay sa itinakda ng batas o
simbahan, kaya hindi ito dapat limitado sa gawaing may kinalaman lamang sa sex.
Ang pagnanakaw, pagpatay dahil sa masamang dahilan, pagsisinungaling,
panlalamang ng kapwa, paninira ng kapwa, at iba pang maling gawain ay
maituturing na mga imoral. Ang
kabaligtaran naman ng mga nabanggit ay may kinalaman sa kabutihan at
itinuturing na moral. Sa ganang ito, hindi lang ang mga taong may mahigit sa
isang asawa kung siya ay Kristiyano, halimbawa, ang maituturing na imoral dahil
sinusuway niya ang itinuturo ng simbahan, kundi pati na rin ang mga taong
nanlalalamang ng kapwa at lalo na ang mga opisyal na nagnanakaw sa kaban ng
bayan na naging sanhi ng kahirapan ng maraming mamamayan. Ang huling nabanggit
na imoralidad ay ang pinakamasidhi dahil hindi lang isa, dalawa, o tatlong tao
ang napaglalangan at naapi, subalit milyon-milyon!
Walang namumukod-tanging tao na walang
bahid ng imoralidad, lalo na sa panahon ngayon. Patunay dito ang nagpuputukang
mga isyu tungkol sa imoralidad mismo ng mga namumuno sa mga simbahan, lalo na
ang paglipana ng mga korap na opisyal sa mga pamahalaan ng anumang bansa.
May mga taong marami ang kerida o kabit at
hindi nila itinuturing na “asawa” kundi “parausan” lamang ng kanilang
kalibugan….YAN ANG IMORAL! At lalong imoral na gawain ang pag-abandona sa mga
ito dahil hindi man lang nila binibigyan ng sustento, at hindi kinikilala ang
bunga ng kanilang kalibugan.
Bakit binabatikos ng mga “moralista” ang
isang taong may tatlong asawa, ganoong umamin naman sa ginawa niya at hindi
naman tumatalikod sa responsibilidad, subalit ayaw naman nilang pamukhaan ang
mga opisyal ng bayan na hayagang nagsisinungaling, nagpapabaya sa gawain, lalo
na ang mga nagnanakaw sa kaban ng bayan, at
may gana pang ipagmalaki ang yamang galing sa masama? Dahil ba kapartido
nila?
Huwag nang magmaang-maangang banal ang mga
taong nagdadalawang mukha o nagdodoble-kara dahil lang sa ambisyong may
kinalaman sa pulitika. Alam naman nilang masama ang tinutumbok ng tinatahak
nilang daan tuwid man ito o liku-liko. Ang isang taong nagmamalinis ay hindi dapat
pumasok sa larangan ng pulitika na animo ay isang maputik na kwadra ng mga
hayop. Wala silang karapatang bumatikos sa mga kalaban na tingin nila ay may
masamang ugali dahil ang mga kasama nila sa partido mismo, kung hindi man
kasingsama ng binabatikos nila ay lalong higit pang masama.
Ang hirap sa mga nagmamaang-maangang taong
pumasok sa pulitika na tutulong daw sa bayan ay tumitingin pa sa malayo upang
makakita lang ng taong imoral daw, samantalang pinaliligiran na sila ng mga
taong hindi lang simpleng imoral subalit sagad sa buto ang pagka-imoral! Nagkakabanggaan
pa nga sila ng mga balikat dahil natataranta na kung ano ang gagawin dala ng nerbiyos
at baka matalo!
Discussion