Paanong Nagsimula ang Anting-anting na Bala at iba pang anting-anting sa Pilipinas
Posted on Thursday, 5 November 2015
Paanong
Nagsimula ang Anting-anting na Bala
At
iba pang anting-anting sa Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos
Ayaw ko sanang magsulat tungkol sa
anting-anting, pero dahil sa isyu ng “tanim- bala” sa international airport, ay
kailangang maglabas ako ng saloobin upang maisama na rin ang iba pang
itinuturing na anting-anting sa Pilipinas. Makababanggit ako ng mga bagay na
may kinalaman sa nakaraang awayan ng mga Muslim at Kristiyano sa Mindanao, kaya
kaunting pang-unawa ang hinihingi ko.
Ang “anting-anting” na gawa sa bala ay
nagsimula sa Mindanao noong dekada sitenta, kainitan ng away sa pagitan ng mga
Blackshirt (Muslim) at Ilaga (Kristiyano). Ang gumagamit ng bala bilang
anting-anting PERO WALANG LAMANG PULBURA ay ang mga Ilaga. Napupulot lang ang
mga basyo ng bala sa mga encounter areas, pati na ang malalaking basyo ng
kanyon. Nilalagyan ng maliit na papel na sinulatan ng orasyon ang basyo ng
bala, at tinatakpan uli ng kung hindi man kahoy ay nilusaw na tingga o pilak.
Naging “fad” ang mga gamit na yari sa mga
basyong bala, lalo na ang mga ginamit sa kanyon at ginawa bilang ash tray at
flower base. Ang mga bala namang basyo subalit may orasyon ay pinapalawit sa
kuwentas. Hindi ginagamit na anting-anting ang balang may lamang pulbura, dahil
ipinagbawal ito ng mismong mga lider ng Ilaga. Ang kailangan sa basyong bala ay
ang tansong nilagyan ng pulbura dahil ang material na ito talaga ang panlaban
daw sa masamang espiritu, isang paniniwala na galing sa mga Intsik, maliban pa
sa paniniwala nilang nakakagamot din kaya may mga bracelet na yari sa tanso.
Naging popular na souvenir ang mga items na yari sa mga basyong bala kaya ang
mga pumupunta sa Mindanao – naging malaking negosyo. Sa mga lugar kung saan may
mga putukan, may mga bata ring nakaabang upang mamulot ng mga basyo pagkatapos.
Yong ibang namumulot ay sako-sako ang naiipon. Yong hindi nalulusaw upang
gawing agimat na medalyon ay ginagawing palawit na lang subalit may mga ukit na
disenyo.
Ang isa pang ginamit na anting-anting ng
mga Ilaga noon ay ang pabango na ang tatak ay “X-7”, na ang pinakamaliit na
sisidlan ay kapareho ng sisidlang maliit ng “White Flower”, isang uri ng herbal
oil na ginagamit laban sa baradong ilong at nananakit na kalamnan, at sakit ng
tiyan. Palatandaan ang amoy ng “X-7” na ang isang tao ay kasapi ng Ilaga, kaya
nagkakaalaman ang mga taong nagkakasalubong kahit saan. Ang kumpirmasyon ng
kanilang pagiging magkasapi ay isa pang senyas.
May mga classmate ako noon na kasapi sa
Ilaga subalit hindi na lang namin sila pinapansin kung nangangamoy “X-7” sila
sa loob ng classroom. Maliban sa pabango na hinaluan ng dinasalang langis ng
niyog, ang bote ay may laman ding orasyong nakasulat sa maliit na papel at
binilot upang magkasya sa bote, o maliit na bahagi ng tenga ng napatay na
Blackshirt. Kung may laban, nagpapahid ng maraming “X-7” ang mga Ilaga, at
upang epektibo ang anting-anting, kung nakatayo man sila at sumugod, hindi
patakbo o palakad ang kanilan ginagawa – nauuna ang kaliwang paa, kaya
nakatagilid sila habang sumusugod at nagpapaputok.
Maraming namamasyal sa Mindanao noon na ang
unang binibili ay mga palawit sa kuwentas na basyo ng balang binibenta sa
palengke, pati na mga ash tray at flower vase na gawa rin sa bala. Lalong
naging popular ang bala nang kumalat ito sa Manila dahil binenta na rin sa mga
tindahan ng anting-anting sa gilid ng simbahan ng Quiapo. Isang taga-amin ang
minsan ay natiyempuhan kong nagdeliver sa Quiapo ng mga ginawa niyang
“souvenirs”, sinamahan ko pa siya sa puwesto ng matandang babae na taga-Baguio.
Yan ang kuwento ng kawawang balang dapat ay basyo kung gamiting palawit dahil
anting-anting lang, hindi pampatay, subalit ginamit na kasangkapan ng mga
kawatan sa airport ng Manila upang makapangikil.
May nakilala ako noong matanda, si Ba Endo,
na nakatira sa paanan ng Sierra Madre. Una siyang nakilala ng mga miyembro ng
UP Mountaineers na nag-imbita naman sa aming mga taga-PAL Mountaineering Club
upang mag-camping sa nasabing bundok. Dahil naging malapit ako sa matanda,
naging kampante akong mag-camping sa tabi ng bahay niya o matulog mismo sa
bahay niya kahit ako lang mag-isa. Kung minsan ay kasama ko ang isa pang
miyembro ng PAL Mountaineering Club na si Fabie Espino.
Isang beses na sa bahay niya ako natulog,
ginising niya ako bandang hatinggabi at sinenyasang huwag maingay, sabay turo
sa labas ng bintana. Noong umpisa hindi ko maaninag ang itunuturo niya, subalit
bandang huli ay malinaw kong nakita ang isang parang maliit na light bulb sa
isang sanga ng puno. Gumalaw ito at nawala. Sabi niya, “karbungko” daw ang
nakita ko, isang bato na inaalagaan ng mga ahas at ang nagdadala ay ang
pinaka-lider nila. Bago namatay ang matanda, inamin niyang may kaalaman siya sa
panggagamot at pangkukulam, kaya pala natataymingan ko kung minsan ang mga
batang dinadala sa kanya upang mahilot at may mga bisita din siyang binibigyan niya ng mga dahon at ugat.
Binigyan niya ako ng buhok daw ng tikbalang na nakabalot sa balat ng usa.
Nahalata niyang hindi ko ito sineryoso, kaya winisikan niya ng konting tubig,
at nabigla ako nang biglang parang “nagkikisay” ang balahibo na parang
nasaktang uod!
Bago dumating ang mga Kastila, ang mga agimat na ginagamit ng ating
mga ninuno ay mga bahagi ng halaman tulad ng balat at ugat, bato at korales.
Ang paniniwala sa mga bato at korales ay galing naman sa mga Intsik na
nakikipagkalakalan sa ating mga ninuno noon. Hanggang ngayon, marami pa rin ang
naniniwala sa bisa ng “pulang korales” (red corral), “itim na korales (black
corral), susong dagat, pinatuyong “kabayong dagat” (sea horse), balat ng “walo-walo)
(sea snake), taklubo, tambuli (giant conch), at marami pang iba. Ang mga bato
naman ay pinangagalingan din daw ng lakas at humihigop ng pera at suwerte, kaya
ngayon ay popular pa rin ang mga kuwentas at bracelet na yari sa mga korales at
bato, at nadagdagan pa ng mga kristal.
Ang iba pang tanyag na anting-anting daw ay
buntot ng page na kinatatakutan ng mga mangkukulam at aswang. Ang mga
naniniwala dito ay nagsasabit sa likod ng pintong nasa sala. Ang iba ay
nagsasabit naman ng bote o garapong may langis ng niyog na binabaran ng mga
ugat at bahagi ng hayop at dinasalan daw ng manggagamot. Malalaman ng maybahay kung ang taong papasok
sa bahay ay may masamang intensiyon kung ang aapaw ang langis sa bote o garapon.
Nang dumating ang mga Kastila, saka
naglabasan ang mga agimat na yari sa tanso, may iba’t-ibang hugis at may
nakaukit na orasyong hindi maintindihan, pero halata namang may pagka-Kastilang
salita na binaluktot. Nakabatay sa Kristiyanismo ang mga sinasabing agimat. Ang
impluwensiya ng relihiyon ay makikita sa hugis tatsulok ng ibang medalyon na
may malaking mata sa gitna, at nagpapaalala sa Trinity at kapangyarihan ng
Diyos. Ang ibang hugis ay kuwadrado naman o bilog at may mga mukha ng mga santo
o ni Hesus mismo. Yong mga nagtitinda nito sa Quiapo, sinasabihan pa ang mga
bumibili na “nabendesyunan” na daw ng pari
ang anting-anting. Yong ibang hindi kumbinsido, patagong nilulublob ang
anting-anting sa lagayan ng sagradong tubig na pang-antada o sign of the cross
sa loob ng simbahan.
Naging uso noong dekada otsenta ang
bracelet na yari sa “agsam” isang uri ng baging na sa Surigao at ilang bahagi
ng Mindanao lang matatagpuan. Ito ay nilala (woven), sa tantiyadong sukat na
maisusuot lamang kung ibabad muna sa tubig upang lumambot. Kapag naisuot na at
natuyo, bumabalik ito sa dating sukat na tamang-tama lang sa braso. Pantaboy
daw ito ng masamang ispiritu, kaya naging popular din sa mga mapamahiing
naniniwala sa agimat, kaya bumaha ng mga ito sa Maynila at in-export pa!
May tinatawag na batong “ipot ng
bulalakaw”, kulay itim na sa totoo lang ay “tektite” o natirang bahagi ng
bumagsak na meteorite. Karamihan sa maliit na batong ito na may iba’t ibang
laki at hugis ay matatagpuan sa Mindoro at Batangas at binebenta rin s Quiapo.
Mayroon pa ring sinasabing “puting bato balani” na nakita ko ngang dinidikitan
ng bakal na bagay, at sa karagatan naman daw ng Infanta (Quezon) ito
matatagpuan. Maliit lang ang sukat nito na parang holen pero irregular ang
hugis, hindi bilog na bilog.
Ngayon, tinatangkilik ng mga Pilipino ang
mga alahas na yari sa mga kristal na galing sa Tsina, dahil nakakagamot daw
sila at humihigop pa ng swerte at pera. Dahil sa mga ganoong katangian,
itinuring na rin silang mga anting-anting. Naglabasan na rin ang mga talagang
bato pa lamang subalit ang laman ay mga kristal, lalo na ang quartz na iba’t
iba ang kulay. Marami ang bumibili nito upang maipandispley sa bahay at tuloy
makapagtaboy ng malas.
Ano pa nga ba’t at kahit na maituturing
nang makabago ang pamumuhay sa panahon ngayon, marami pa rin ang naniniwala sa
mga anting-anting. Ang Amerika na nirerespeto ng buong mundo ay merong Superman
na ang lakas ay galing sa isang bato. Pero hindi patatalo ang Pilipinas, as
usual, na mayroon namang Darna na may anting-anting din na bato!...dapat ito na
lang ang lunukin ng mga ayaw paawat na nagbibitbit ng anting-anting…sigurado
pang hindi sila mapapasama sa eroplanong babagsak dahil sa pagka-aberya sa ere!
Discussion