Ang Pangangasiwa ng Manila International Airport (MIA)
Posted on Monday, 23 November 2015
Ang
Pangangasiwa ng Manila International Airport (MIA)
Ni Apolinario Villalobos
Hindi pala alam ni G. Honrado na saklaw ng
kanyang responsibilidad bilang General Manager, ang buong Manila International
Airport. Ibig sabihin, hindi pala niya alam na Manila International Airport
Authority (MIAA) ang nag-iisyu ng mga temporary pass sa buong airport para sa
lahat ng mga taong may kaugnayan sa operasyon nito. Hindi pala niya alam na
para maisyuhan ng temporary pass ay kailangang i-surrender ang company ID, o di
kaya ay dapat magsumite lahat ng mga ahensiya ng listahan ng mga empleyado nila
upang maisyuhan ng pangmatagalang temporary pass. Hindi pala niya alam na
ang malalaki hanggang sa kaliit-liitan
gamit ng MIA, ay may tatak na “MIAA Property” at may control number.
Nakalimutan rin siguro niya ang malaking “insidente” na nangyari noong panahon
ni Gloria Arroyo tungkol sa pagsugod nito sa MIA nang walang pasubali o abiso
upang makita talaga ang mga kapalpakan sa mga parking areas, kaya nang mabisto
nga ay “sinabon” niya on the spot ang pinsan nitong in-assign din na tulad niya
bilang General Manager.
Ang Manila International Airport ay parang
shopping mall. Ito ay may pinaka-hepe na dapat mangasiwa sa lahat ng mga
nagtatrabaho sa loob, kasama na ang security, mga concessionaires, contracted
agencies at mga namimili o namamasyal lang. Ibig sabihin ang pinaka-hepe nito
ay may responsibilidad na sumasaklaw sa buong operasyon ng mall. Ganoon din sa
MIA na dapat lahat ng bahagi nito ay pinangangasiwaan sa kabuuhan ng General
Manager – mula sa runways, tarmac, terminals at parking lots. Siya ang nasa
itaas at sa ilalim niya ay iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at mga
concessionaires na nagkakanya-kanya ng pagkontrol ayon sa saklaw nilang
operasyon na nakasaad sa mga Operating Manual nila, na nakabatay naman sa
Operating Manual ng MIAA. Sa pinakagitna ng kani-kanilang operasyon ay ang
Manila International Airport Authority.
Dapat ang susunod na itatalaga bilang
General Manager ng MIA ay taong may “managerial skill” (kaya nga tinawag na
General Manager) at may malawak na kaalaman sa airline operation. Saklaw ng
airline operation ang iba’t ibang kaalaman tungkol sa mga bagay na may
kinalaman sa “aviation security” kaya hindi kailangang manggaling ang taong
itatalaga mula sa anumang military branch ng Pilipinas. Bilang isang industriya,
ang international aviation ay may mga pinatutupad na mga patakaran upang
masigurong ligtas ang mga pasahero ng iba’t ibang airlines. Napapag-aralan ang
mga patakaran sa pagpapatupad ng security sa airport, at palagi ring ina-update
batay sa pangangailangan ng panahon, na tulad ngayon ay hantad sa terorismo.
Dahil dito, hindi kailangang may actual exposure sa military operation, na
napakalayo sa isang civilian airline operation, ang General Manager. Dapat ay ituring na malaking leksiyon dito ang
nakaupo ngayong General Manager na nagpipilit na wala siyang pakialam sa ibang
operasyon ng MiA.
Ang malaking problema nga lang ay kung
umiral uli ang napakakorap na pag-iisip ng uupong Presidente na magtatalaga na
naman ng pinsan, o kapatid, o bayaw, o tiyuhin, o dating driver, o dating
messenger, o dating masahista, bilang General Manager. May napapagbatayan na
kasi…kung sa Ingles – may “precedent”….may mga una nang ginawa kaya gagayahin
na lang!
Discussion