Pag-ipunan ang mga Pangangailangan...huwag umasa sa pangungutang
Posted on Friday, 6 November 2015
Pag-ipunan
ang mga Pangangailangan
...huwag
umasa sa pangungutang
Ni Apolinario Villalobos
Pera ang isa sa mga dahilan ng pagkasira ng
samahan ng magkakaibigan at magkakapamilya. Sa diretsahang salita, ito ay dahil
sa pangungutang ng mga oportunista na umaasang hindi sila sisingilin, kaya kung
siningil naman ay sasama ang loob nila. Dapat baguhin na ang ganitong ugali –
ang umasa sa ibang nakakaluwag. Kung may mga tao mang nakakaluwag sa buhay, ito
ay dahil ngsikap sila para sa kanilang mga pangangailangan. At, hindi dahil
“nakakaluwag” na sila sa buhay ay milyonaryo na sila. Ang kaluwagan ay
nangangahulugang mayroon silang naitatabi upang madukot sa panahon ng kanilang
pangangailangan. Tinatapatan naman ito ng mga mga oportunista ng linyang,
“ipagamit mo muna sa akin yan….hindi mo pa naman kailangan”, subalit wala naman
palang balak magbayad, o magbayad man ay masama ang loob at may panunumbat pa.
Dapat matutong mag-ipon para sa ibang
pangangailangan. Ang piso ay dumadami kung ito ay dadagdagan, kaya huwag itong hayaang nag-iisang piso lang. May iba
kasi diyan na kapag mababa sa isandaang piso ang hawak, ang tingin nila dito ay
hindi na pera, kaya kung waldasin ay ganoon na lang. Nariyang ibigay na lang sa
mga anak upang gastusin sa internet games, o di kaya ay hayaang nakakalat lang
sa loob ng bahay. Sa isang bahay na pinasyalan ko, ang mga barya, pati
beyntehin at limampu ay nakapatong lang sa isang ibabaw ng mesa sa sala.
Subalit bistado ko rin ang may-ari ng bahay na walang patlang ang pangungutang
sa Bombay.
Ibatay sa uri ng pinagkikitaan ang paraan
ng pag-ipon. Kung arawan ang kita tulad ng pagtitinda, dapat, araw-araw din
kung magtabi ng ipon. Kung suwelduhan naman na 15/30, dapat tuwing suweldo
naman magtabi ng extra. Dapat hindi galawin ng kumikita araw-araw ang kanilang
puhunan upang hindi mapilitang makapangutang. Ang iba kasi na may ganitong
pinagkikitaan, ang tingin sa kinita sa buong araw ay talagang “kinita”
lang…hindi nila naisip na kasama dito ang puhunan at tubo, kaya ang dapat
galawin ay ang tubo lang. Ang mga
suwelduhan naman, kapag natanggap na ang sahod, ang papasok naman sa isip ay
may susunod pang suweldo, kaya okey lang na waldasin ang katatanggap lang na
sahod.
Hindi na natuto ang iba sa kasabihang “kung
maiksi ang kumot, matutong mamaluktot”. Kahit ang badyet halimbawa ay kapos,
ayaw nilang magtipid. Kung ano ang gastusin nila sa panahong nakakaluwag sila
sa pera, ganoon pa rin ang ginagawa nila kahit kinakapos sila kaya dinadagdagan
nila ng perang inutang ang kakulangan. Sa panahon namang may pagkakataong makaipon
sila, todo pa rin ang gastos hanggang maubos ang pera. Kaya lumalabas na
talagang walang limitasyon ang gastos nila hangga’t mayroon silang hawak na pera.
Walang pagkakaiba sa kanila kung ang hawak nila halimbawa ay sampung libo o
isandaan libo, dahil parehong ubos pa rin. Ang lalong nagpasama sa inaasal ng
mga taong iresponsable kaya walang naiipon ay ang ugali nilang pandadamay ng ibang
tao. Nag-aalala ang mga talagang walang maipahiram na pera. Ang iba namang ayaw
magpautang ay gusto lang turuan ng leksiyon ang mga walang konsiyensiyang
oportunista na kaibigan o kamag-anak.
Dapat alam na ng mga madalas umutang kung
ano ang kanilang mga pangangailangan at kung kaylan dumarating ito, upang
mapaglaanan nila ito ng karampatang ipon. Hindi maaaring idahilan ang maliit na
sweldo o kinikita, dahil ang mga gastos ay dapat ibatay sa mga ito. Halimbawa,
kung hindi kaya ng sweldo ang bayad sa tuition ng anak sa private school, bakit
hindi ito ipasok sa public school? Kung kaya namang ihatid at sunduin sa
eskwela, bakit iuupa pa ng school bus o tricycle? Kung ang kayang ulam sa
araw-araw ay isda at gulay, bakit hindi gumawa ng paraan upang lalo pang
makatipid sa halip na umasam pa ng karneng baboy, baka o manok? Wala namang
namatay sa hindi pagkain ng karne. Maari rin namang kumain ng karne isang beses
sa loob ng isang linggo. Ang matindi ay
ang pagsanay ng mga magulang sa mga anak sa pagkain ng hotdog, hamburger at
kung anu-ano pang hindi naman masustansiya, at dinadagdagan pa ng mga chicherya
na pang-meryenda. Kaya tuloy may ibang bata na ayaw kumain ng kangkong o talbos
ng kamote o sitaw, o galunggong man lang. Sino ang may kasalanan ngayon? May
iba pang magulang na nagmamalaki sa pagkuwento na ang anak nila ay hindi
kumakain ng gulay at kunwari ay may pahimutok pang sinasabi na, “ewan ko ba”,
ganoong alam naman ng iba na kung hindi sila mangutang ay wala silang
maisasaing na bigas. Yan ang kaplastikan at kaartehan ng iba!
Ang diskarte ng isa kong kaibigan, si Liza,
ay ang pagkaroon ng “food bank” sa kusina. Pagkatapos niyang bayaran ang mga
buwanang obligasyon tulad ng kuryente, tubig, at ipa ba, ang natirang pera ay
binibili niya ng mga sangkap para sa mga pagkaing karaniwang inihahanda sa
party, tulad ng pansit at spaghetti, kaya nakakaipon siya ng mga de-lata,
pasta, behon, miki, olive oil, tomato sauce at iba pa. Ginagamit niya ang mga
ito sa paghanda kung magbertdey ang mga anak, pasko at bagong taon. Basta may
sale, at may ekstra siyang panggastos, bumibili din siya ng mga pangregalo sa
pasko. Dahil sa diskarte niya, hindi siya natataranta at lalong hindi
nakapangungutang pagdating ng pangangailangan niya.
Ngayong papalapit na ang pasko, hindi na
magkandaugaga ang iba sa pag-isip kung ano ang ihahanda o idi-display sa mesa,
lalo na ang pagkain sa kapaskuhan at bagong taon. Ang hindi nila naisip ay wala
silang pera, kundi mangungutang lang sa iba, lalo na sa Bombay! Kung gusto nila
ng maluhong pasko at bagong taon, dapat, Enero pa lang ay nag-iipon na
sila….ganoon lang kasimple. At, para naman sa iba pang bagay, dapat paglaanan
man lang ng baryang inaalkansiya!
Discussion