0

Diskarte ang Kailangan upang Makaraos sa Panahon ng Taghirap, at Mapaghandaan ang Katandaan

Posted on Wednesday, 11 November 2015

Diskarte  ang Kailangan Upang Makaraos
Sa Panahon ng Tag-hirap, at Mapaghandaan ang Katandaan
Ni Apolinario Villalobos

Ang pagpa-panic ng mga Pilipino ang kadalasang ginagamit ng mga switik na negosyante upang magtaas ng mga presyo ng basic commodities. Nagkakaroon ng panic buying dahil na rin sa pagsi-sensationalize ng media. Dahil sa panic buying mabilis ang pagkaubos ng mga pagkain sa outlets tulad ng palengke at groceries, kaya pasok sa eksena ang “law of supply and demand” – biglang sisirit ang presyo. Huling-huli ng mga switik na negosyante ang kiliti ng mga Pilipino kaya nagho-“hoarding” o nagtatago sila ng mga basic commodities upang magkaroon ng “artificial shortage”. Yong iba naman dinadahilan ang paghagupit ng kalamidad kahit halos o mahigit isang taon nang lumipas ito.

Dapat nagkaroon na ng leksiyon ang mga Pilipino, pero sa kasamaang palad ay hindi pa rin. Isang balita lang sa radyo na magkakaroon “pa lang” ng problema halimbawa sa supply ng sardinas dahil sa pagmahal ng tamban, karne ng baka, manok o baboy, nagtatakbuhan na sa palengke ang mga Pilipino at hindi magkandaugaga sa pagbili ng mga ito upang maitabi.

Ang isang paraan upang hindi mahirapan kung may mga pagkukulang man o kawalan ng anumang bagay na nakasanayan na, ay ang paggamit ng iba. Halimbawang nagmahal ang tilapia o iba pang isdang tabang, bakit hindi bumili ng isdang dagat? Kung parehong mahal sila, bakit hindi magtiyaga muna sa karne kung mura, pero kung mahal pa rin, bakit hindi lalong magtiyaga sa gulay muna? Kung mahal pa rin ang gulay sa palengke, bakit hindi na lang muna humingi ng malunggay at talbos ng kamote sa kapitbahay? …o di kaya, bilang huling remedyo ay magtiyaga sa ginisang isdang tanga na nagsiksikan sa maliit na lata, ang sardinas, na pwedeng igisa sa papaya, sayote,  talbos ng kamote,  kangkong,  upo, kalabasa,  o patola. Dalawang klaseng ulam ang pwedeng paggamitan ng kahit maliit na lata ng sardinas. Ang sarsa ay pwedeng pampalasa sa pansit at ang laman naman ay pwedeng panggisa sa gulay o gamitin sa tortang itlog.

Maaaring ihalo ang instant noodles sa mga gulay. Maliban sa malunggay, maaari rin itong ihalo sa ibang katutubong gulay, kahit na kangkong. Ang magdadala ng lasa ay ang nakapakete nitong flavoring na manok, baka o baboy. Kung ayaw ihalo ang mga noodles, ipunin mun at ang gamitin sa gulay ay ang flavoring. Kapag dumami na ang naipong noodles, maaari nang ilutong pansit o di kaya ay ihalo sa paa ng manok.

Maaari ring makapagluto ng dalawang klaseng ulam gamit ang mga paa ng manok. Pakuluan ang mga paa at makaraan ang ilang minuto ay hanguin ito, ang naiwang sabaw ay paglutuan ng papaya at kalabasa upang maging tinola. Kung ayaw ng tinola, haluan ng gulay na pangsigang, tulad ng kangkong. Ang lumambot na hinangong mga paa ng manok ay ilutong adobo. Ang mga paa ng manok ay mayaman sa collagen na panlaban sa sakit na rayuma at arthritis. Gusto rin ito ng mga bata dahil para lang silang naglalaro habang kumakain. (Paningit lang: ang iba pang source ng collagen para sa mga nabanggit na sakit ay sea cucumber (“balat” sa Bisaya), at litid ng baka. Nakakatulong din ang pagkain ng maanghang na sili upang labanan ang rayuma at arthritis.)

Huwag pairalin ang kaartehan sa panahon ng pagmahal ng presyo ng karne dahil maaari namang buto-butong sinigang na hinaluan ng maraming gulay ang pwedeng iluto o kahit one-fourth kilo na karneng giniling na panggisa pa rin sa gulay. Ang daing at tuyo ay pwedeng ilutong sarsiyado. Ipirito muna sila, at sa pinagpirituhang mantika maggisa ng kamatis at sibuyas saka sila ibalik at haluan ng kaunting tubig upang hindi matuyuan ng sabaw. Kung mahal ang gulay na galing sa Baguio, magpansit nang walang halo nito. Kung ayaw kumain ng mga maarteng miyembro ng pamilya, hayaan silang magutom muna dahil ang taong gutom ay hindi na namimili ng pagkain!...maliban lang kung may pera silang nakupit mula sa pitaka ng nanay o tatay upang maipambili ng chicherya sa sari-sari store!

Upang maiwasan ang palaging pagbili ng gulay, magtanim ng sayote, upo, patola, sitaw,o kalabasa sa ilalim ng mga mababang puno na magagapangan nila upang hindi na gumawa ng balag o trellis. Hindi alagain ang mga ganitong gulay dahil kahit hindi diligan palagi, mabubuhay sila.  Yong mga nakatira sa lunsod subalit may puwang pa naman sa labas ng bahay para sa mga malalaking mineral water container, tamnan sila ng mga gulay tulad ng kamote, alogbate, kangkong, petsay, talong, sibuyas, luya, kamatis, sibuyas, sili, maski guyabano na ang dahon ay panlaban sa cancer. Sa ngayon, ang isang maliit na tali ng dahon ng guyabano sa Quiapo ay Php30.00. Sa mga palengke naman sa Maynila, ang mga dahong gulay tulad ng kamote, alogbate, at kangkong ay piso ang isang tangkay o stem, ang ibang gulay ay hindi bababa sa isandaan ang isang kilo. Ang siling labuyo naman ay piso ang dalawang piraso, kapag minalas-malas pa, piso ang isa!

Para sa malalaking gastusin o mga bagay na hindi naman kailangan agad, gumawa ng pangmatagalang plano. Upang maisakatuparan ito, kailangan ang pagtitipid. Ang pisong pasimula ay magiging libo na rin kung dinadagdagan ito ng mga ekstrang pera araw-araw. Huwag bigyan ang mga anak ng perang gagamitin lang sa paglaro sa internet café. Palaging itanim sa isip na, dahil wala ang isang bagay sa loob ng bahay, ay hindi naman ito talagang kailangan, kaya nakakaraos kahit wala nito. Pero kung talagang gusto, pag-ipunan na lang, huwag utangin ang pambili.

Habang tumatanda, lalong paigtingin ang pagdiskarte upang makaipon ng pera. Hindi lahat ng magulang ay maswerte sa pagkaroon ng mabait na anak o mga anak. Marami diyan ay mga suwail, na pagkatapos mamulubi ang mga magulang sa pagpapaaral sa kanila, ay basta na lang mag-aasawa at lalayas. Meron din diyang, tinubuan na ng puting buhok ay nasa poder pa rin ng mga magulang dahil tamad. Dapat mag-ipon ang mga tumatanda upang may maipambili man lang ng gamot na pang-rayuma pagdating ng panahon…at, sa panghuling pangangailangang kabaong – kahit mura!




Discussion

Leave a response