Ang Punong Kahoy ay Parang Ahensiya ng Gobyerno
Posted on Friday, 20 November 2015
Ang
Punong Kahoy ay Parang Ahensiya ng Gobyerno
Ni Apolinario Villalobos
Ang ibang opisyal ng gobyerno ay nakakatawa
at nakakaawa tuwing magkamot ng ulo habang nagsasabing lahat ay ginawa na nila
sa sistema ng ahensiya nila, subalit wala pa rin silang natatamong pagbabago.
Ang tinutumbok ko rito ay ang wala pa ring pagbabago sa mga kulungan sa buong
Pilipinas, lalo na yong malalaking nasa Muntinlupa at ang Manila City Jail.
Pati si de Lima na nagpakita ng katigasan at katapangan ay wala ring nagawa
dahil ilang buwan pa lamang makalipas ang mga “raid” na siya pa ang nanguna sa
Muntilupa na nagresulta sa paglipat ng mga high-profile na mga preso, at
pagpalit ng hepe, ay bumalik uli sa dati ang sitwasyon makaraan lang ang ilang buwan na parang walang nangyari.
Napalitan nga ang hepe, pero ang tanong ay:
pinalitan ba nila ang mga nasa ibaba?. Kung ang sagot ay hindi, eh di, mauulit
pa rin talaga ang mga kapalpakan. Ang may diretsahang nakakakontak sa mga
nakakulong ay itong mga taong sa isang tingin ay aakalaing mga inosente at
walang kapangyarihan. Sino ba ang nakakadaupang-palad ng mga preso 24/7, hindi
ba itong mga bantay na maliit ang suweldo? Pero hindi ko pa rin nilalahat,
dahil siguradong marami pa ring tapat sa kanilang trabaho kaya nadadamay lang.
Kung may nalalaman man sila ay hindi pa rin sila makakapagsalita dahil maaaring
natatakot sa mga kasama nilang sangkot sa mga raket.
Lingguhan mang magpalit ng mga hepe kung
ang mga tauhang akala ng lahat ay “harmless” o inosente o walang
kamuwang-muwang ay nasa puwesto pa rin nila o di kaya ay inilipat lang ng duty
pero sa loob pa rin compound, hindi pa rin mawawala ang katiwalaan. Ang
suhestiyon ko noon ay drastic change – tanggalin lahat ang mga guwardiya mula
sa kasalukuyang puwesto nila at pagpalit-palitin ang area assignment. Halimbawa
ang mga nasa Maynila ay ilipat sa penal colony ng Palawan o Davao. Ang mga nasa
dalawang nabanggit na probinsiya naman ay ilipat sa Maynila. Sa ganitong paraan
ay mawawala ang halos ay “magkumpare” o “fraternal” nang relasyon ng mga preso
at bantay nila.
Para nang nakakaloko ang sinasabi palagi ng
pamunuan ng mga kulungan na kulang sila ng mga tauhan. Bakit hindi isinasama
itong problema sa mga rekomendasyon na ang pinakamagandang pagkakataon sana ay
nang mamuno ng raid si de Lima? Bakit
hindi isinasama sa nirerekomendang taunang budget? Samantala, kung hindi
maipatutupad ang drastic change na pagpalit-palit ng area assignment ng mga
guwardiya, baka pwedeng magtalaga ng mga sundalo para magbigay ng “task force duty” (TDY). Ang
pagtalaga ng mga sundalo bilang guwardiya ay mas makatao kaysa maka-hayop na
ginagawa sa Indonesia, kung saan ang ginagamit na guwardiya sa mga kulungan ay
buwaya!
Kailangang matanggal ang sinasabi nilang
“fraternal” na pakikisama ng mga bantay sa mga nakakulong lalo na ang mga
mayayaman. Hindi pwedeng ang ganitong pakisama ay walang katumbas na pera, kaya
sino ba naman ang hindi kakagat sa libo-libong nakakaakit na suhol? Ang mga
lumang modelo at second-hand na cellphone na nabibili daw lamang ng tatlong
daan sa mga bangketa ay nabebenta ng patago sa mga nakakulong sa libong halaga.
Dahil diyan, paanong mapuputol ang koneksiyon ng mga nakakulong na drug lords
sa mga tauhan nila sa labas ng kulungan? Nakakatawa na tuloy ang sinasabi ng
mga namumuno na tuwing nagri-raid sila sa mga kulungan, daan-daang mga
cellphone ang kasama sa mga nakukumpeska o nasasamsam na deadly weapons, at “sinisira”
daw nila! Bakit sinisira kung totoo man, ganoong dapat ay ipasailalim sila sa
forensic examination upang ma-check ang memory na naglalaman ng mga pangalan ng
kontak nila sa labas? Bakit pa sabihing gumagamit ng alyas ang mga kontak,
hindi ba pwedeng gawaan ng paraan upang mabusisi ang mga impormasyong makukuha?
Hindi kailangan ang sobrang katalinuhan
upang makapag-analisa sa totoong nangyayari sa loob ng mga kulungan….bakit
hindi magawa ng mga taong itinalaga dahil “matalino” naman yata sila tulad ni
Pnoy?
Ang punong kahoy na nagkaugat na ng
malalim, putulan man ng mga sanga at tanggalan ng lahat ng dahon, subalit hindi
bubunutin ay tutubuan pa rin ng mga bagong talbos na magiging dahon at sanga, at lalong
lalago pa. Patuloy pa rin itong mabubuhay dahil sa tumibay nang ugat na lumalim
pa ang pagkabaon. Ganyan din ang mga ahensiya ng gobyerno na hindi
natatanggalan ng mga taong nasa “ibaba” na may alam tungkol sa mga katiwalian.
Magpalit man ng mga namumunong itatalaga sa mataas na puwesto, na hindi
tumatagal dahil political appointees lamang, ay hindi pa rin mawawala ang
katiwalian dahil ang mga nasa “ibaba” na “malalim” na ang kaalaman sa
masistemang katiwalian ay nasa puwesto pa rin. Ang nangyayari sa mga kulungan
ay hindi malayong nangyayari rin sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno.
Ang mga ugat na nasa ilalim ng lupa ay
nakatago, hindi nakikita subalit malaki ang nagagawa upang mapalago ang isang
puno dahil sila ang sumisipsip sa lupa ng mga sustansiyang nagbibigay ng buhay
sa punong kahoy.
Discussion