Hindi Kailangang Magbasa ng mga Mamahaling Libro Upang Malaman ng Isang Tao ang mga Layunin niya sa Mundo
Posted on Sunday, 15 November 2015
Hindi
Kailangang Magbasa ng mga Mamahaling Libro
Upang
Malaman ng Isang Tao ang mga Layunin niya sa Mundo
Ni Apolinario Villalobos
Nagtataka ako kung bakit kailangan pang
bumili ng mga mamahaling na libro ang isang tao upang mabasa niya sa mga ito
kung ano ang mga layunin niya sa mundo. Para lang masabi ng ibang nagbabasa
sila ng mga librong isinulat ng mga dayuhan, ipinagyayabang pa ang mga titulo.
Ang kayabangang ito ng tao ang isa sa mga hindi matanggal na mantsang nakabahid
sa kanyang pagkatao.
Para sa mga naniniwala sa Diyos, ang isang
simpleng tanong lang tungkol dito ay, “bakit ginawa ng Diyos ang tao?”. At, sa
mga hindi naman naniniwala sa Diyos, “ano ang layunin niya o bakit siya
nabubuhay sa mundo?” Sa mga naniniwala sa Diyos, bibliya dapat ang basahin
dahil doon ay malinaw na sinasabing kaya ginawa ng Diyos ang tao ay upang may
magsamba sa Kanya. Sa mga hindi naman naniniwala sa Diyos, ang pinakamagandang
sagot, ay “malay ko, basta ako ay nabubuhay”.
Ang pagsamba ay nadadaan sa maraming paraan,
kaya HINDI DAPAT IPILIT NG ISANG TAO NA TAMA SIYA AT ANG IBA AY MALI….DAPAT
MAGRESPETUHAN SA GANITONG BAGAY DAHIL IISANG DIYOS LANG NAMAN ANG SINASAMBA –
ANG ITINUTURING NA PINAKAMAKAPANGYARIHAN SA LAHAT.
Kaakibat ng paniwala sa Diyos at pagsamba
ang dapat ay pagmamahal sa kapwa…na kung hindi gawin ay nagpapawala ng silbi sa
pagsamba sa Diyos, dahil lumalabas na ang ginagawang pagsamba ay ka-ipokrituhan
lang pala. Ang isa sa mga nakikitang kawalan ng pagmamahal sa kapwa ay ang
pagpuna sa kanilang ginagawa upang palabasin ng pumupuna na siya lang ang tama.
Dapat manalamin din paminsan-minsan ang mahilig mangpuna ng ibang tao.
Sa mga hindi naniniwala sa Diyos, kailangan
nilang makisama sa kapwa man lamang upang mabuhay o maging ligtas. Kung hindi
nila ito gagawin, baka isang araw na lang ay makita silang nakahandusay at
duguan sa isang sulok. Dapat isipin ng mga taong ito na hindi man sila
naniniwala sa bibliya ay mayroon pa ring kasabihang dapat gumabay sa kanilang
buhay, ang: “huwag mong gawin sa iba, ang ayaw mong gawin ng iba sa ‘yo” na
babala tungkol sa masamang gawin…o ang positibong “gawin mo sa iba ang gusto
mong gawin nila sa ‘yo” na may kinalaman sa pagtulong at pagmamahal sa kapwa.
Ang nakatikim ng “masarap” na buhay sa
mundo ay lalo pang naghahangad ng matagal na pamumuhay. Mangyayari lamang ito
kung kabutihan ang dapat umiral sa mga kilos at pananalita…ibig sabihin,
mamuhay ng marangal at may pagmamahal sa kapwa, lalo na sa Diyos! ‘Yan ang mga
layunin ng tao…iilang kataga, na hindi kailangang basahin mula sa kung ilang
daang pahina ng mga mamahaling libro na isinulat ng mga dayuhan!
Discussion