"Maliit na bagay...": bagong kasabihan ng Presidente ng Pilipinas (tungkol sa mga isyu ng 'tanim-bala at "Maguindanao Massacre")
Posted on Monday, 23 November 2015
“Maliit
na bagay…”: bagong kasabihan ng Presidente ng Pilipinas
(tungkol
sa mga isyu ng “tanim-bala” at “Maguindanao Massacre”)
Ni Apolinario Villalobos
Ayon sa matalinong presidente ng Pilipinas,
maliit na bagay lang daw ang isyu tungkol sa tanim-bala sa airport at pinalaki
lang ng media. Para sa kanya, maliit palang bagay ang mga sumusunod na ilan
lang sa mga nangyari dahil sa eskandalong ito:
-
Ang mawalan ng trabaho sa ibang
bansa ang isang pasaherong hindi nagbigay ng suhol kaya pinigilang sumakay sa kanyang
flight.
-
Ang halos ikamatay ng isang
matandang pasahero ang ginawang pagbintang na nagbibitbit siya ng bala.
-
Ang kahihiyang idinulot ng
pagposas agad sa isang may katandaan nang pasaherong babae dahil lang sa iisang
balang nakita daw sa kanyang bagahe.
-
Ang mapagtawanan ang Pilipinas ng
buong mundo dahil pati ang inosenteng bala ay ginawang kasangkapan sa
pangingikil, kaya ang kahihiyang ito ay ginawan pa ng isang TV show sa Japan.
-
Ang maalipusta ng mga banyaga
na ang tingin sa Pilipino ay hindi mapapagkatiwalaan.
-
Ang masira ang imahe ng bansa
pagdating sa turismo dahil pati mga banyagang turista ay hindi pinatawad ng mga
nangingikil sa airport.
-
Ang maungkat uli ang literal na
mabahong amoy sa mga airport dahil sa mga sirang gripo, baradong inuduro at
tadtad ng mantsang mga lavatory o lababo, kaya hindi na nawala ang black eye ng
tourism industry ng bansa na hindi na nga nakakasabay kahit lang sa mga
kapit-bansa na kasapi sa ASEAN.
Pinsan ng pangulo ang nakaupong General Manager
ng MIAA, na tahasang nagsasabing wala siyang pakialam sa pangkabuuhang
operasyon ng airport sa kabila ng ipinakita na sa kanyang responsibilidad na
nakapaloob sa isang kauutusan. Bakit hindi na lang siya mag-resign upang
mapalitan ng talagang may kaalaman sa pagpapatakbo ng airport? Kung may
pagmamahal siya sa pinsan niyang matalinong president, dapat umalis na siya
upang mabawasan naman ang bigat na nakapatong sa balikat nito – mga problemang
siya rin ang may gawa.
Ang Maguindanao Massacre na ilang araw lang
ang nakaraan ay umabot na sa ika-anim na taon ay malamang “maliit na bagay”
lang din para sa matalinong pangulo. Nakalimutan yata niyang isa ito sa mga
pinangako niyang matutuldukan noong siya ay nangangampanya pa lang. Nakakatawa pa
sila sa Malakanyang dahil ngayong araw na ito lang, November 24, nagbigay ng
“reminder” sa Department of Justice na “bilisan” kuno ang pagpausad sa gulong
ng hustisya para sa mga namatayan!
Maliit din sigurong bagay ang pag-appoint
niya ng mga kakilala, kaeskwela, at kung ano pang kakakahan sa mga sensitibong
puwesto sa iba’t ibang ahensiya. Mabuti na lang at kahit paano ay nabistong ang
palagi niyang sinusumbat na cronyism kay Gloria Arroyo ay ginagawa din pala
niya – mas matindi pa! Bumaba man siya sa puwesto, hindi siya makakalimutan ng
mga Pilipino dahil sa pagduduro niya ng isang daliri kay Gloria, samantalang
ang tatlo pa ay nakaturo naman sa kanya!
Para sa isang taong hindi nakadanas ng
kahirapan, lahat ng bagay sa mundo ay maliit dahil malamang, iniisip niyang
lahat ito may katumbas na pera!...o hindi kaya dahil lang sa talagang ugali
niyang walang pakialam sa kanyang kapwa?
Discussion