0

Ang Mag-asawang Survivor ng Kahirapan at Sakit...sina Emmy at Tony Sagenes

Posted on Thursday, 26 November 2015

Ang Mag-asawang Survivor ng Kahirapan at Sakit
…sina Emmy at Tony Sagenes
Ni Apolinario Villalobos

Junk shop ang pinagkikitaan ngayon ng mag-asawa. Nagsimula sa kakarampot na puhunan, nagsikap dahil sa harap ng mga problema tulad ng matagal na sakit ni Tony Sagenes sa bagᾁ at sakit naman ni Emmy na cancer nagsimula sa isang bukol sa kanyang dibdib na naging sanhi ng kanilang pagkatanggal. Mga survivor sila ng kahirapan at sakit…na kanilang nalusutan. Masaya sila tuwing umaga sa kanilang paggising upang makipaglaro sa kanilang dalawang apo na sina Abby at Richanne, mga anak ni Meanne ang panganay nila, kay Richard Borras.

Tuwing umaga habang naglilinis ng kanilang paligid ang mag-asawa, ang dalawang apo naman ay nakamasid. Pagkatapos nilang maglinis, mataman na nilang  aasikasuhin ang dalawang apo, ibibilad sa init ng araw at Ibibili nila ng lugaw sa isang malapit na karinderya.

Ang maliit nilang bahay ay nagsimula sa isang kuwadradong yari sa inipong hollow blocks, yero at mga plywood. Ang mga bintana ay walang takip na butas kundi kurtinang bigay ng mga kaibigan. Mahilig magtinda si Emmy kaya ang maliit na tindahan ay nakatulong sa kanila noong dalawa pa lang ang anak nila, sina Meanne at Michelle. Si Tony naman ay namasada ng tricycle at dahil sa loob lang ng subdivision ang pinapasadahan ay maliit ang kita. Nadagdagan ang problema nila nang dumating ang ikatlong anak na si Ian, at lalong nadagdagan pa nang dumating ang bunso na si Nene.

Lahat ay ginawa ng mag-asawa upang kumita. Si Emmy ay tumanggap ng labada mula sa mga kapitbahay, Kung talagang kapos ay nilalakasan nila ang loob sa pag-utang kay “Mommy” na katabi nila pero binabayaran agad dahil ang sabi nila ay hindi sila nakakatulog nang maayos sa pag-alala kung may utang sila. Iniingatan din nila ang reputasyon ng pamilyang Sagenes dahil ang tatay ni Tony ay kauna-unahang Barangay Chairman ng Real Dos, si Ka Pedro.

Bandang huli ay gumawa ng marahas na desisyon si Tony – ang magnegosyo at dahil hindi naman nakatapos ng pag-aaral, ang naisip niya ay mamili ng mga junk mula sa mga kapitbahay. Maliit ang kanyang puhunan subalit kapag may mga abiso siyang natatanggap tungkol sa mga dadalhing malaking bulto ng junk mula sa mga kapitbahay na may planong maglinis ng bahay, nilalakasan niya ang loob sa pag-utang upang magamit na puhunan. Binabayaran naman agad niya upang hindi siya mapatawan ng malaking interes. Ang ginamit niyang imbakan ay likurang bahagi ng kanilang lote – masikip subalit nagagawan niya ng paraan upang magkasya ang mga kalakal hanggang ang mga ito ay pik-apin ng suki niyang buyer.

Ilang taon lang ang lumipas, ang lupain nilang naisangla ay nabawi ni Tony, at kinapapalooban na ngayon ng junk shop. Markado na ang mga hangganan ng lupa kung hahatiin na ito sa apat niyang mga anak. Pinatayuan na nina Meanne at asawang Richard ang kanilang bahagi  ng maliit na computer shop, at ilang linggo na lang, matatapos na rin ang second floor na titirhan nilang mag-anak.
Sa piling nila si Danica, anak ng namayapang bunsong kapatid ni Tony, at pinapaaral nilang mag-asawa. Si Meanne ay secretary ng Barangay nila. Ang sumunod sa kanya, si Michelle ay nagtatrabaho naman sa isang malaking supermarket at siya na rin ang namumuhunan sa maliit na sari-sari store na sinimulan ng kanyang nanay. Ang nag-iisang nilang anak na lalaki, si Ian, ay nagsisilbing “utility man” ng pamily – tumutulong sa lahat ng pangangailangan, habang ang bunsong si Nene ay nag-aaral pa.

Kung hindi nagtiyaga si Tony nang siya sumailalim sa mahabang gamutan upang gumaling sa sakit niya sa bagᾁ malamang ay isa na siyang “teseko” (taong ang katawan ay halos buto at balat dahil sa sakit na TB), o di kaya ay namamahinga na siya ngayon. Si Emmy naman na Batangueἧa ay malakas ang loob at matapang sa kabila ng mga panibagong dinaramdam na maya’t mayang kirot dahil sa paghina ng kanyang mga buto, na ang ibang bahagi ay tinubuan pa ng mga bukol.

At lalong, kung hindi malakas ang loob nila sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay nila, malamang ay nakanganga sila ngayon. Subalit dahil ayaw nilang umasa sa mga tulong, literal na nagdildil sila ng asin upang makaraos sa kahirapan noong nagsimula pa lamang sila bilang mag-asawa. Kung ang Eat Bulaga ay may magandang pormula upang magtagumpay ang “Aldub”, ang mag-asawang Emmy at Tony naman ay mayroong sariling paraan upang makaraos mula sa kahirapan – tiyaga at pagsisikap at hindi umasa sa utang upang gawing pangmatagalang puhunan.


Discussion

Leave a response