1

Mga Likas o Natural na Bagay ang Ginagamit na Anting-anting...HINDI BALA NA MAY LAMANG PULBURA

Posted on Thursday, 19 November 2015

Mga Likas o Natural na Bagay ang Ginagamit na Anting-anting
…HINDI BALA NA MAY LAMANG PULBURA
Ni Apolinario Villalobos

Kawawa ang mga taong nagpapauto sa mga arbularyo o kung sino man na nagsasabing ang bala, lalo na ang “live” o ang may lamang pulbura ay isang anting-anting. Ang ganitong pang-uuto ay sinimulan ng mga taong nagnanakaw ng bala mula sa kung saan mang imbakan at binibenta sa mga taong tanga na naniwala naman. Sinabi ko na sa isang blog ko noon tungkol sa isyu ng tanim-bala, na kung ituring man na anting-anting ang bala, dapat ay yong walang lamang pulbura dahil ang ginagamit lang ay ang “metal” na nilalagyan ng pulbura na kung hindi yaring tanso ay tingga. Puwede ngang baguhin ang porma tulad halimbawa ng pagpepe o pag-flatten ng basyong bala upang maipormang pendant, o di kaya ay lagyan ng dalawang “kamay” upang magmukhang krus at magamit na palawit sa kuwentas….ganoon lang. Hindi kailangang bumili sa mga nagtitinda ng mga ninakaw na bala, sa halagang Php1,500.00 ang isang piraso! Ayaw ko na lang isulat kung bakit nagkakaubusan ng bala sa mga imbakan nito. Ang isang ordinaryong mamamayan ay hindi naman nakakabili ng paisa-isang bala.

Batay sa mga nasagap kong impormasyon galing mismo sa mga nagtatago ng balang may pulbura, “panlaban” daw ito sa mga taong may masamang balak sa kanila, kaya swak sana sa mga OFW na ayaw mabugbog o magahasa ng mga malupit o manyak na employer. Ang masama, pati mga matatanda ay napagpaniwala din ng mga unggoy na nangraraket! Sabihin ba naman ng mga hangal na ito na hahaba ang buhay ng taong may itinatagong bala, kaya ang mga uugud-ugod na gusto pa yatang mabuhay nang mahigit 100 taon, ay hindi rin magkandaugaga sa pagbili, sa halip na gamitin ang perang galing sa pension, na pambili ng gamot sa rayuma man lang!

Matagal nang ginagamit ang tanso o copper at tingga o lead, na panlaban sa masamang ispiritu, lalo na sa kapre, pero  hindi sa kapwa-tao. Bumibigat daw ang taong mayroon nito kaya hindi basta naitatakas ng kapre, kaya pati sanggol ay palaging may katabing bala na nakabalot sa pulang tela dahil ang kulay pula ay kalaban din ng masamang espiritu. At tungkol pa rin sa kulay pula…yong ayaw masaniban ng masamang espiritu, maliban sa balang nakabalot sa pulang tela ay nagsusuot din ng pulang bra o kamison at panty kung babae at ang lalaki naman ay palaging may pulang panyo. Sa ilalim ng unan nila ay mayroon ding pulang panyo. Sa panahon ng pagreregla ng babae, lalo silang ligtas!  Pinaniniwalaan na ito bago pa dumating ang mga Kastila. 

Ang ginagamit na panlaban sa kapwa-taong may masamang balak ay dinasalang langis na umaapaw sa sinidlang maliit na bote kapag nasa harap mo ang taong may masamang balak. Hindi nakokontra ang isang masamang balak ng kapwa- tao sa pamamagitan ng balang nasa bulsa o pitaka, dahil kung totoo man, wala sanang inuuwing OFW na nasa kabaong o buntis dahil na-rape ng employer, o di kaya ay naka-wheel chair, o di kaya ay lalaking Pilipinong ni-rape o binugbog ng Arabo! At, lalong wala sanang namamatay sa pagkabaril o natutusok ng patalim, at nakitang nakahandusay na lamang sa isang tabi. Ang isang nakausap ko, tatlong bala nga daw ang palagi niyang dala, pero sa kasamaang palad pa rin, mahigit limang beses pa rin daw siyang naholdap sa Cubao! Kaya ngayon hinahanting na niya ang co-boarder niyang dating pulis na natanggal sa trabaho dahil sa katiwalian, upang pakainin ng mga balang ibinenta sa kanya! Dalawa daw sila sa boarding house nila ang binentahan ng mga bala ng ungas na dating pulis.

Kung anting-anting ang gusto dahil ang inaasam ay karagdagang “lakas”, ang dapat gamitin ay mga kristal, bato, o mga bahagi ng mga halaman. Balutin mo man ang katawan mo ng mga ito ay walang sisita sa airport o pantalan kaya walang mangingikil na taga-AVESECOM o OTS. Pwede ka lang sigurong pigilan sa pagsakay dahil baka isipin nilang sintu-sinto ka, kaya sa halip na i-detain ka o hingan ng pera, baka ihatid ka pa pauwi sa inyo dahil sa awa nila!

Totoo naman talagang may iba’t –ibang uri ng “lakas” na nanggagaling sa mga bato at kristal dahil sa taglay nilang mga mineral. Ang isang pruweba rito ay ang bato-balani (magnet), quartz, jade, lalo na ang hindi pa gaanong kilalang batong “tourmaline” na napatunayang humihigop ng dumi sa loob ng katawan. Ang mga bahagi naman ng mga halaman ay talagang gamot kaya nakakapagpalakas ng loob kung may dalang maski pinatuyong dahon, ugat o balat man lang. May mga dahon na maski tuyo ay pwedeng amuyin upang mawala ang pagkahilo o pananakit ng tiyan dahil sa kabag, at mga pinatuyong ugat o balat ng kahoy na kapag ikinunaw (dipped) sa kapeng iniinom ay nakakagamot din….yan ang mga anting-anting na dapat ay palaging nasa bulsa at bag!

Ang mga tao namang nauto kaya nakabili ng bala sa halagang Php1,500.00, magmuni-muni na, lalo na yong mga OFW na ang pamilya ay nagkandautang-utang, may maipanlagay lang sila sa recruiter at pambili ng tiket ng eroplano, at ang kabuuhang halaga ay katumbas ng mahigit sa isang taong pagpapa-alipin sa ibang bansa. Huwag magpakatanga dahil lang sa bala. Kaya nagkakaroon ng mga tiwaling kawani sa airport ay dahil sa mga taong matitigas ang ulo. Nakasilip tuloy ang mga kawatan sa airport ng dahilan upang sila ay kikilan. Kung mahuli naman, at marami naman ang umaming may dala nga ng bala, ay saka sila magngunguyngoy at magsisisi! Ang masakit pa ay nadadamay ang mga taong wala talagang kaalam-alam sa “anting-anting” na ito.

Dapat tandaang kung walang tanga, ay walang nagagantso o nalilinlang ng kapwa! Kung totoo mang may nagtatanim ng bala sa mga bagahe, ang tanong ay… SINO ANG MGA NAGSIMULA SA PAGBIGAY NG DAHILAN KAYA NAGING RAKET ITO? HINDI BA MISMONG MGA PASAHERONG TANGA NA AKALA AY LIGTAS SILA KUNG MAY BALANG DALA? DAHIL SA TAKBO NG ABNORMAL NILANG ISIPAN, NAGKAROON NG KIKILAN SA AIRPORT KAYA NADAMAY ANG MGA INOSENTENG PASAHERO. Patunay sa raketang ito ang report na sa kabila ng naka-log na kulang-kulang sa isang libong “nahulihan”, wala pang kalahati ang nakasuhan. Ano ang ang nangyari sa iba?...eh, di “napag-usapan”!!


At, ang pinakamahalagang paalala: malakas na pananampalataya sa Pinakamakapangyarihan ang pinakamagaling na anting-anting ng tao…wala nang iba! Huwag lang magdasal ng malakas habang nagpapa-inspection ng bagahe sa airport….hinay-hinay lang sa pagpapakita ng matiim na pananampalataya upang hindi mapagkamalang “jet-setter” na baliw!

Discussion

  1. Hi sir! can i ask, based on your insights or opinion how can you define superstitions or superstitious belief?

    ReplyDelete