0

Ang Simpleng Karinderya ni Aling Myrna (Sanchez) sa "LTO"- Imus City

Posted on Friday, 27 November 2015

Ang Simpleng Karinderya
Ni Aling Myrna (Sanchez) sa “LTO”- Imus City
Ni Apolinario Villalobos

Hindi kailangang maraming nakadispley na paninda upang magpa-impress ang may-ari ng isang karinderya o sari-sari store. Ang karaniwang pagkakamali ng mga namumuhunan ng maliit ay ang kagustuhan nilang kumita agad ng malaki kaya pilit na pinupuno ang puwesto upang magpa-impress ganoong ang katotohanan ay matumal o mahina ang bentahan. Upang magawa ito ay nangungutang sila.  Okey lang sana kung sari-sari store dahil puwede pang tumagal ng ilang araw o kahit buwan ang mga kalakal nal hindi mabili bago maramdaman ang pagkalugi, subalit agarang kalugian naman ang epekto nito sa karinderya dahil sa hindi naubos na mga ulam sa maghapon.

Hindi makakamit ng isang negosyo ang tagumpay sa dami ng mga naka-display kung ang layunin ay magpa-impress lang. Dapat i-angkop sa kinaroroonan ng ngegosyo ang dami ng kalakal na binebenta. Napatunayan ito ni Aling Myrna, may-ari ng isang maliit na karinderya. Ang puwesto niya ay nasa bukana ng Government Center ng Imus City o mas kilalang “LTO” dahil ang unang nagbukas ng opisina dito ay ang Land Transportation Office. Nasa lugar na ito ang Cavite State University – Imus, Postal Office, Imus City Jail, mga korte, at Law Offices.

Nadiskubre ko ang karinderya isang umagang naghanap ako ng abogado sa lugar na nabanggit. Dahil maaga pa, naghanap ako ng isang tindahan na nagtitinda ng kape. Nakita ko ang maliit na karinderya na nasa isang “sulok”, isang tahimik na puwesto. Nang umagang yon, tatlong ulam ang nakalatag – pritong itlog, bistek/tapa (shredded beef). Maya-maya pa ay may mga dumating na estudyante upang magpabalot ng ulam. Nagulat ako nang malaman kong maliban sa murang halaga ng ulam na Php30 bawat order (ang standard ay Php35 hanggang Php40), at kanin na Php9 bawat order (ang standard ay Php10 hanggang Php12), ay may student discount pa!

Ang mga ulam na paninda ni Aling Myna ay kinikilala na ngayon sa local culinary world na “pagkaing Caviteo”. Sa kabila ng mura niyang paninda, hindi siya nalulugi dahil dinadaan niya sa dami ng namimili, isang sistema ng mga negosyanteng Intsik. Marami siyang suki dahil ang kanyang mga paninda ay hindi kapareho ng mga tinitinda ng iba pang karinderya na ang layo sa kanya ay ilang metro lang. Ang ibang mga karinderya ay marami ding katulong, samantalang siya ay wala maliban sa kanyang anak, kaya kontrolado niya ang operasyon, at higit sa lahat ay nakakatipid siya dahil wala siyang sinisuwelduhan. Upang makatipid sa tubig, ang mga platito at pinggan ay binabalot na niya ng plastic na itinatapon pagkatapos na pagkainan. Walang pinag-iba sa pagbalot niya ng ulam at kanin na pang-take out ang sistema. Ang hinuhugasan na lang niyang mabuti ay mga kubyertos at baso. Nakatipid na siya sa oras ay nakatulong pa siya sa pagtitipid ng tubig lalo na ngayong tag-init!

Lalo akong nagulat nang sabihin niyang tumagal siya sa negosyong pagkakarinderya sa loob ng halos pitong taon. Ang nakakatuwa ay ang sinabi niyang may mga dating estudyante na first year college pa lang ay suki na niya haggang magtapos ng kolehiyo sa Cavite State University. Ang iba naman, kahit graduate na, pero napapadaan sa lugar na yon ng Imus ay nagpapabalot ng bistek/tapa o adobo upang mai-take home. Maliban sa mga estudyante ay marami rin siyang suking empleyado ng gobyerno.

Pagtitiyaga ang puhunan ni Aling Myrna sa pagka-karinderya kaya malayo sa isip niya ang style ng ibang negosyanteng gustong kumita agad ng malaki. Malaking bagay din ang nabubukod-tangi niyang mga “ulam-Cavite” kaya binabalik-balikan. Mistulang family bonding din ang paghahanda ng mga itinitinda niyang ulam dahil ang isa niyang anak na lalaki ang nagluluto ng mga ito na dinadala sa puwesto nang maaga upang maibenta sa mga estudyanteng dumadating alas-siyete pa lang ng umaga. Bago magtanghali ay dinadagsa na siya ng mga suki kaya halos hindi sila magkasya sa mga mesa na ang iba ay hinahabungan laban sa init ng araw.


Nakita ko sa mukha ni Aling Myrna na nag-eenjoy siya sa pagtinda ng ulam kaya hindi ko man tinanong kung tatagal siya sa larangang ito ng negosyo, naramdaman ko nang umagang yon na maaaring mangyari…. dahil isa siyang larawan ng tagumpay na ang bigay sa kanya ay kasiyahan kahit hindi limpak-limpak ang kita!

Discussion

Leave a response