0

Ang Mga Dahilan kung bakit Hindi Puwedeng "Puro" ang Ginagamit sa Pagsalita at Pagsulat sa Wikang Pilipino

Posted on Thursday, 5 November 2015

Ang Mga Dahilan Kung Bakit Hindi Puwedeng “Puro”
ang Ginagamit sa Pagsalita at Pagsulat sa Wikang Pilipino
Ni Apolinario Villalobos

Sa titulo pa lang ng blog ay kita nang hindi purong Pilipino ang ginamit ko. Kung gagawin kong
“purong Pilipino” ang titulo, ito ang kalalabasan: “Ang mga Dahilan kung Bakit Hindi Maaaring Lantay na Pilipino ang Ginagamit sa Pagsalita at Pagsulat….”. Siguradong marami ang magri-react sa “lantay” na ibig sabihin sa Ingles ay “pure”. Hindi maaaring gamitin ang “tunay”, dahil ang ginamit ko ay tunay namang Pilipino ngunit, makabago nga lang kaya tanggap ng lahat.

Masakit sa tenga at mata ang ibang katagang Pilipino na halaw o batay sa wikang Tagalog, at may pagka-imoral pa. Halimbawa na lang ay ang salitang “upuan” na kung misan ay tinatawag na “silya”, pero sa tunay na Tagalog ay “salumpuwet” o “salo ng puwet”. Ang “brief” ng lalaki ay hindi puwedeng “karsonsilyo” na may pagka-Kastila o di kaya ay “karsones”, at lalong hindi maaaring “shorts” o “puruntong” na pinasikat ni Dolphy. Kung gagamitin ang “salumpuwet” bilang batayan sa pagsalin ng mga katawagan sa iba pang kasuutan ng tao, ang “brief” ng lalaki ay magiging “salumbayag” o “salungtiti”, ang “bra” ay magiging “salungsuso” at ang “panty” ay “salungpuke”, ang “guwantes” ay dapat “salongpalad” o “salongdaliri” o “salongkamay”, ang medyas ay dapat “salongtalampakan”, at ang sombrero, maliban sa katumbas na “sambalilo” ay dapat “saklob-ulo”. Kahit papaano ay umiiral pa rin ang moralidad ng mga Pilipino dahil ang “condom” ay binigyan na lang ng simpleng katumbas na “supot”, pero para sa mga pilosopo ay siguradong may tanong pa na: “supot ng ano?.”

Hindi rin maaaring maging puro sa paggamit ng wikang Pilipino ang karamihan sa mga makabagong manunulat, para sa kapakanan ng mga taga-ibang rehiyon ng Pilipinas na hindi nagta-Tagalog. Ang mga taga-Norte, halimbawa, lalo na yong sa Cordillera region na nasanay sa Ingles at hindi sa Tagalog, upang maintindihan ay dinideretso na nila sa English ang mga katagang hirap sila sa pagbigkas o talagang hindi nila alam. Ganyan din ang kalagayan ng mga taga-Visayas at Mindanao na akala ng mga taga-Manila ay nagpapasosyal din sa pagsalita ng Ingles. Ang totoo ay hirap din silang mag-Tagalog, lalo pa at pinagtatawanan sila sa pagbigkas at sa “punto” o accent. Upang hindi mapahiya, halos 40% ng mga katagang gamit  ng mga Bisaya at Muslim kapag nakikipag-usap sa mga Tagalog, ay Ingles. Yan din ang dahilan kung bakit sa buong mundo, alam na Ingles ang second language ng mga Pilipino.

Sa totoo lang, talagang gusto kong magsulat ng tula o sanaysay sa purong Pilipino, pero baka isipin ng ibang mambabasa na taga-ibang planeta ako. Noong minsang may ini-translate akong Ingles na talumpati sa Pilipino, ang kaibigan kong taga-National Library of the Philippines mismo ay tawa ng tawa dahil sa mga “lantay” na katagang ginamit ko. Kailangan kong gawing “lantay” ang pagsalin o pag-translate dahil ang gagamit  ng talumpati ay hepe ng isang ahensiya na may kinalaman sa kulturang Pilipino. Sa kasamaang-palad, mismong taga-National Library ay hindi alam ang ibig sabihin ng maraming katagang ginamit ko.

Ang wika ay isa sa mga batayan ng pag-asenso ng isang lahi. Hangga’t maaari, taun-taon ay may nadadagdag na mga bagong kataga sa ating wika upang ito ay maging “buhay” o  magpakita ng “paglago” o “pagyabong”. Hindi masamang manghiram ng mga kataga sa ibang wikang banyaga lalo pa at napatunayang nagagamit silang tulay upang lalong madali tayong maunawaan ng mga lahing hiniraman natin ng mga kataga o salita nila. Kung mapapansin, ang mga banyagang turista na nagpipilit na maunawaan ng mga Pilipino ay gumagamit ng iba’t ibang kataga ng Kastila, na pandagdag sa Ingles at pagmumuwestra o pag-action upang sila ay maunawaan. Ganyan din ang ginagawa natin kung tayo ay pumunta sa ibang bansa, dinadaan natin sa pag-aksyon at pa-Barok na paggamit ng kanilang wika, na pandagdag din sa English o Spanish upang tayo ay maunawaan nila…at, kaya ko binabahagi ay nadanasan ko mismo ang ganyang sitwasyon. Noong nakarating ako sa isang liblib na bahagi ng Germany, upang makahanap ako ng ihian ay kailangan kong hawakan ang harap ko…yong sa ibaba, sabay gamit ng daliri na parang “kuwan” upang maipaunawa na ako ay iihi. Ganoon din nang gusto kong magbawas na ang itinuro ko naman ay puwet ko sabay ang pag-emote na umiiri.

Kung lahat ng mga tao sa buong mundo ay maghihiraman ng mga kataga o words, darating ang panahon na magkakaroon ng “global language” ang sangkatauhan. At, hudyat o palatandaan din ito sa pagbalik ng sangkatauhan sa nakaraang panahon “noong hindi pa binuwag ng Panginoon ang tore ng Babel”…panahong ang lahat ng tao ay iisa ang wika…kung pagbabatayan ang alamat na ito sa Bibliya. Ito ang isa sa mga dapat na gawing project ng United Nations…ang magkaroon ng “Global Dictionary”.

Ang problema natin ay kung paanong magkaroon ng kataga o mga kataga na ang tunay na katumbas ay “welcome” kung bumabati tayo sa mga dumarating na mga turista o balikbayan. Kung “Maligayang Pagdating” na literal translation, napakahaba naman at okey lang kung nakasulat sa tarpaulin pero kung bibigkasin ay tunog-corny. Mahirap din itong isigaw sa airport o pantalan dahil ang dating ay pang-rally. Ang “Mabuhay” ay parang hindi angkop dahil hindi tugma sa pagdating kundi parang wish na “mabuhay” ang isang patay o huwag tuluyang mamatay ang maysakit. Tatanggapin kaya ang katumbas na: “Tuloy Kayo” para sa “Welcome”?  Okey lang ang “Paalam” kung paalis na, subalit hindi rin natin ginagamit dahil ang naririnig sa mga nagsi-send off ay “Bye” o “Goodbye”...ang “Paalam” kasi para sa iba ay napakamatulain o pangtula lang, nakakaiyak, na para bang pang-dialogue lang sa drama.

Bilang pagtatapos, marubdob p akong nagpapasalamat sa inyong lahat na nagtiyaga at matamang nagbasa nitong aking ibinahagi na pinig ko pa mula sa kasuluk-sulukan ng aking diwa. At, nawa ay mapagmuni-muni ninyo upang maunawaan na sa abot ng malinggit kong kakayahan ay pinilit kong magbigay-linaw sa usapin kung bakit sa panahong kasalukuyan ay mahalagang nagkakaunawaan tayong lahat na magkababayang Pilipino. Ito ay kahit na sa kabila ng katotohanang magkakalayo  ang ating kinalalagyan dahil sa watak-watak na kalagayan ng mga isla ng ating bansa. Malayo sa hinagap at layunin ko na may mawalan sa inyo ng katinuan sa pag-iisip o di kaya ay manggalaiti sa inis at tuloy ay isumpa ako dahil lang dito, na baka umabot pa sa inyong pagkakaila na ako ay isang abang kaibigan ninyo sa fb at sa tunay na buhay….huwag naman sana. Ayaw kong gamitin ang dialogue ni Gloria Arroyo na, “ I am sorry…”



Discussion

Leave a response