Palaging nasa Huli ang Pagsisisi
Posted on Monday, 8 June 2015
Palaging Nasa Huli
ang Pagsisisi
Ni Apolinario Villalobos
Sa Ingles ay may mga kasabihang, “no pain, no glory” at “no
guts, no glory”. Sa literal na katumbas, ang ibig sabihin ay, “kung walang pasakit,
walang tagumpay”, at “kung walang lakas ng loob, walang matatamong tagumpay”.
Kailangang maging handa tayo sa anumang pasakit na idudulot ng pagkabigo at
kailangang mayroon tayong tapang sa pagharap sa anumang pagsubok upang tayo ay
magtagumpay. Kung mabigo man, may kasabihan pa rin sa Ingles na, “at least, we
tried”, kaya hindi tayo dapat magsisi. Subalit kung wala talaga tayong ginawa
dahil sa pag-alinlangan at nakita nating okey naman pala kung tumuloy tayo…diyan
papasok ang pagsisisi.
Ang tagumpay ay hinahanap dahil inaasam, hindi hinihintay na
baka dumating sa ating buhay. Kaya kung tayo ay lalampa-lampa, gigising na
lamang tayo isang umaga at magugulat dahil nalaman nating napag-iwanan na pala
tayo ng panahon, na nakanganga, samantalang ang ibang nagsikap ay milya-milya
na ang narating. Magsisi man tayo…huli na.
Sa isang banda naman, dahil sa sobrang desperasyon ng iba
kung minsan, nakakagawa sila ng mga bagay na pinagsisisihan nila, bandang huli.
Halimbawa ay ang pagbitiw sa trabaho nang wala sa panahon, dahil gusto nilang
magpasarap agad sa buhay, nainggit kasi sa mga kaibigan nilang ganoon ang
ginawa. Nang halos maubos na ang pera, saka sila magsisisi, at kung maghanap
man uli ng trabaho, wala na silang mapasukan.
Yong ibang mga nagretiro naman, dahil sa laki ng hawak na separation
pay, hindi nila alam kung paano ito gagastusin. Pero dahil nakitang
nagpa-renovate ang mga kapitbahay ng bahay, nakigaya…nagpadagdag ng mga kuwarto
para sa mga anak daw. Subalit, nang nakapagtrabaho na ang mga anak, nagsi-alisan
sa bahay, iniwan na silang mag-asawa dahil ang gusto ay sa condo tumira. Sa
laki ng ginastos sa renovation, halos wala nang natira sa separation pay.
Silang mag-asawa naman ay naiwang kakalog-kalog sa bahay. Mahirap nang ibenta ang
bahay dahil lumaki ang halaga, gawa ng mga renovation. Naramdaman nila ang
pagsisisi nang magsimula na silang magpa-admit sa ospital dahil sa maya’t
mayang pag-atake ng mga sakit nila.
Madaling maramdaman ang ugali ng mga anak kung walang
interes sa mga ginagawa ng mga magulang nila para sa kanila. Halimbawa ay ang
binanggit kung pag-alis nila sa ancestral house nang makapagtrabaho na. Ang
masakit ay ang pagsabihan nila ang kanilang magulang na ibenta na lamang ang
bahay na pinaghirapan nilang ipundar, subalit wala namang babanggiting plano
pagkatapos, tulad halimbawa ng pag-imbita upang tumira sa kanilang condo. Para
na rin nilang sinabihan ang mga magulang nila ng, “bahala na kayo sa buhay
nyo”. Sa pagkakataong ito, walang magawa ang mga magulang kundi maghinagpis
dahil ang pera na sana ay inilaan nila sa kanilang pagtanda, ay nauwi sa wala!
Hindi na sila appreciated, nawalan pa sila ng sana ay pambili ng maintenance na
gamot at pampa-ospital.
Iba naman ang kaso ng mga kaibigan kong mag-asawa na
nakatira sa isang exclusive subdivision. Nang pareho silang magretiro, itinodo
nila ang pagbiyahe kung saan-saan. Noong pumirmi na sa bahay, sa umpisa ay
masaya silang nagsi-share ng mga karanasan nila sa ibang bansa. Nang kalaunan,
napansin kung malungkot na sila at palaging nagsisinghalan kung mag-usap, lalo
na pagdating sa mga gastusin sa loob ng bahay. May isa pa kasi silang
pinapaaral sa kolehiyo. Noong minsang napadaan ako at kinausap ko ang kumpare
ko sa labas ng gate, nilapitan siya ng kumare ko at humingi ng pamalengke. Ang
sagot sa kanya ng kumpare ko, “gamitin mo yong itinabi mong gamit nang mga
tiket ng eroplano…litse ka!...aga-aga, eh, nambubuwisit!”. Sagot naman ng kumare
ko, “litse ka ring matanda kang panot!...gusto mong biyahe nang biyahe, ngayon,
maninisi ka!”. Ganoon sila kasaya kapag nag-uusap…with feelings!
Sa sinabi ng kumare ko, naalala ko tuloy ang isang taong
panot din na walang konsiyensiya kahit marami nang naperhuwisyo dahil sa mga desisyon na akala
niya ay da best, dahil akala niya ay bright siya! Pinuno siya ng isang bansa……at
lahat ng ginawa ay puro bulilyaso. Magsisi man siya ngayon dahil sa mga maling
desisyon niya, ay huli na!
(Note: Exception sa title ang hindi ko pagsisisi dahil sa
pag-type ng huling paragraph. May kasabihan naman kasi sa Ingles na, “for every
rule, there’s an exception”. Kaya itinuring kong exception yong panot na
binanggit ko sa last paragraph! Gusto ko pa ring ipaliwanag na ang ibang panot
basta hindi nangmumulestiya at nang-aapi, ay hindi ko tinutukoy….exception din
sila….dahil ang pagkapanot ay tanda ng pagkamatalino!)
Discussion