Ang Negosyo sa Kuryente...at ang maagang pangangampanya ni Jericho Petilla
Posted on Sunday, 7 June 2015
Ang Negosyo sa
Kuryente
…at ang maagang
“pangangampanya” ni Jericho Petilla
Ni Apolinario Villalobos
Kasama sa pagnenegosyo ang agam-agam sa pagbagsak o
pagkalugi nito. Ang negosyante ay dapat maging handa kung ano ang gagawin
sakaling ito ay mangyari. Kasama sa kahandaan ang pagbalik ng nawalang puhunan
at pagtanggap ng pagkakamali. At, upang hindi na maulit pa, dapat kilalanin ng
negosyante ang uri ng kanyang mga kostumer upang makaisip siya ng angkop na
istratehiya o pamamalakad.
Ganyan dapat ang MERALCO at iba pang ahensiya na may
kinalaman sa negosyo ng kuryente. Ang palaging sinasabi nilang dahilan upang makapagtaas
ng singil ay ang pagkalugi daw. Paano silang malulugi, ganoong sila lang naman
ang nagpapatakbo ng industriyang ito? Ang mga tao ay walang mapagpilian dahil
ang MERALCO ay nag-iisa, kaya walang kakumpetensiya na maaaring maging dahilan
ng agawan ng mga kostumer.
Mismong MERALCO ang umaamin na malaking boltahe ng kuryente
ay ninanakaw dahil sa mga illegal na koneksiyon. Bakit hindi nila gawan ng
paraan upang matigil ito? Bakit nila ipapataw ang kalugian sa ibang mga
kostumer na hindi naman gumagawa nito? Ibig bang sabihin, halimbawa, ay
magtataas ng presyo ang isang grocery dahil madalas silang kupitan o di kaya ay
holdapin?
Yong sinasabi namang “nawawala” na kuryente dahil sa haba ng
dinadaluyan nito, kaya pagdating nito sa malalayong customer ay mahina o
manipis na, ay isinasama pa rin sa paniningil sa lahat. Kasalanan ba ng mga
kostumer kung palpak ang paraan nila sa paglatag ng mga kable? Ibig bang sabihin, sa pagdeliber halimbawa ng
buhangin, dahil hindi maganda ang disenyo ng trak kaya maraming natatapon, ang
mga natapon ay ipapataw sa omorder?
Hindi makatarungan na ang ganitong uri ng “pagnanakaw” ay
gawin ng mga negosyante ng kuryente sa mga kostumer. Subali’t dahil umiiral, pagpapakita
lamang ito ng kahinaan at pagka-inutil ng pamahalaan at ng ahensiyang may
kinalaman dito, ang Department of Energy. Dapat, anuman ang mga kalugian ng mga
negosyante sa kuryente ay sarilinin nila, dahil inaasahan silang handa sa
ganitong pangyayari. Kung hindi naman napaghandaan, dapat ay aminin nila at
bitiwan ang negosyo upang mahawakan ng ibang responsable, matino, at matapat –
hindi mapanlinlang!
Ang masakit pa ay ang paggastos ng milyones para sa
informercial ng hepe ng Department of Energy, si Jericho Petilla na animo
ay nangangampanya na sa pagka- senador
sa 2016 election. Ginagawa niyang tanga ang mga tao sa pagsasabi ng mga dapat
gawin upang makatipid sa kuryente, ganoong, ang mga ito ay matagal nang alam
maski ng mga bata.
Discussion