Ang Pagbitiw ni Binay bilang Cabinet Secretary
Posted on Wednesday, 24 June 2015
Ang Pagbitiw ni Binay
bilang
Cabinet Secretary
Ni Apolinario Villalobos
Ang pagbitiw ni Binay bilang Cabinet Secretary na sinabayan
pa ng maanghang niyang salita ay lalong nagpatagilid sa administrasyon ni
Aquino. Sumentro ang talumpati niya sa
itutuloy niyang pagtakbo bilang presidente dahil kailangan upang ipagpatuloy sa
buong Pilipinas ang kaunlarang inumpisahan niya sa Makati. Pagpapakita rin ang
kanyang pagbitiw bilang pag-alma dahil ginagawa daw na punching bag ng administrasyon
ang kanyang pamilya na sa kabila ng mabuti nilang ginagawa ay gusto pang
ipakulong.
Siguradong matatabunan ang mga kasong inihain kay Binay ng
mas mabibigat na paratang niya sa administrasyon, tulad ng: hindi pagkamit ng
mga nasa liblib na bahagi ng bansa ng tulong lalo na sa pag-ipit sa IRA na
inaasahan ng mga barangay, iresponsableng paghawak sa Mamasapano operation na
humantong sa massacre ng 44 SAF members, pork barrel at Presidential
Development Acceleration Fund (PDAF) scams, at palpak na operasyon ng MRT dahil
sa corruption.
Kung idadagdag ni Binay ang palpak na rehabilitation program
para sa Zamboanga evacuees na biktima ng MNLF attack at mga biktima ng bagyong
Yolanda, at ang kawalan ng aksyon sa simula pa lang ng administrasyon ni Aquino
sa kaso ng West Philippine Sea, ay lalong madidiin ang administrasyon.
Ang lamang ni Binay ay kontrolado niya ang maraming LGUs sa
mga liblib na bahagi ng bansa na siya namang may control sa mga tao. Ang nakakaalam ng mga kaso niya ay puro mga
taga-Manila at iba pang malalaking lunsod at bayan. At, ang mga tinatanong para
sa mga survey ay hindi maaasahang nagri-represent ng kalooban ng mga Pilipino,
kaya kahit naungusan siya dito ni Grace Poe ay malakas pa rin ang loob niya. Si
Grace Poe naman ay hindi pa rin nagdi-deklara ng balak na pagtakbo bilang
presidente at hindi kilala sa mga liblib na lugar. Si Roxas ay napatunayan nang
mahina kaya walang epek kung i-endorso man siya ng pangulo. Kaya bago magkaroon
ng malinaw na kalaban si Binay, milya-milya na ang narating nito sa pangangampanya…na
baka umabot pa sa mga barangay sa kabundukan, upang maniguro.
Subalit kung pipilosopohin ang ilan sa mga balak ni Binay,
mangangahulugang ang ginawa niyang pangungumisyon sa Makati ay gagawin na rin
niya sa buong Pilipinas, dahil gusto nga niyang palawakin ang ginawa niya sa
Makati. At, dahil sa dami ng mga senior citizens sa buong bansa, bilyong piso
na ang kikitain sa mga cake na ipamimigay sa kanila bilang birthday gift.
Ang panlaban naman niya sa mga bintang ay simpleng
deklarasyon: “bakit may napatunayan ba sila?” Gasgas na at nakakasawa ang
“pinupulitika lamang ako”. Sa batas kasi hangga’t walang napatunayan sa
husgado, ang akusasyon ay walang silbi, kaya diyan din makikita ang kawalan ng
malayong pananaw ng mga senador na nanguna sa pag-akusa kay Binay. Pwede siyang
i-impeach pero hindi pwedeng akusahan sa husgado dahil sa immunity bilang
Vice-President…pero may panahon pa ba? Tulad ng dati, marami pa ring taong
maiiwang nakatunganga…nakanganga! At, ang mga Pilipinong umaasa sa mga “bright”
na senador na malinaw na naisahan, ay nagkakanda-high blood sa inis!
Discussion