Ang Pagbaba ng Standards ng Moralidad at Values...dahil naging subjective o pangsarili na ang mga ito
Posted on Thursday, 18 June 2015
Ang Pagbaba ng
Standards ng Moralidad at Values
…dahil naging
subjective, o pangsarili na ang mga ito
Ni Apolinario Villalobos
Malaki na talaga ang ipinagbago sa ugali ng mga tao dahil sa
mga makabagong pangyayari sa kanyang paligid. Katulad na lamang ng pagbaba ng
standards ng moralidad at values. Kung noon, ang umiiral ay todo-todong
pagmamalasakit sa kapwa, ngayon ay kawalan ng pakialam ang madalas mangyari.
Ang sabi ng iba, mas maganda na daw yong hindi nakikialam upang hindi masangkot
sa problema kung sakali. Subalit kung sa mga taong ito naman mangyari ang hindi
maganda at walang makialam, nagagalit naman sila. Kaya masasabing ang moralidad
at values ngayon ay naging “one way”, kabaligtaran ng mga dating nangyayari na
nagpapakialaman upang maipairal ang tulungan o bayanihan.
Ang isang halimbawa ay mga problema na dulot ng droga.
Marami nang nababalitaan tungkol dito. Pero may isa akong kaibigan na
kibit-balikat lamang dahil ang mga anak daw niya ay mababait kaya walang
problema sa droga. Subalit minsan ay nabugbog ang anak niyang binatilyo ng mga
nangingikil na kilala sa lugar nila na mga adik. Naospital ang kanyang anak.
Dahil sa pangyayari, “naramdaman” ng kaibigan ko ang masamang epekto ng droga,
na kahit hindi binibisyo ng kanyang anak ay nakakaapekto din pala sa kanilang
pamilya. Dahil sa nangyari sa kanyang anak, ang kaibigan ko ay galit na sa
mundo!
May isang pamilya naman na lahat ng miyembro ay kumpleto sa
mga bisyo, tulad ng sugal, sigarilyo, at droga. Ang katwiran ng ina, basta
hindi naman sila nananakit o nakikialam sa kanilang mga kapitbahay, okey lang.
Nakakaraos sila sa pakikisama sa mga katulad nilang ganoon din ang mga bisyo.
May pansarili silang standards ng moralidad na pinaiiral, hindi na yong
sinusunod na dapat ay may dulot na kabutihan para sa lahat.
Ang pagbaba ng moralidad ay nakikita rin sa buhay ng mga
pulitiko. Ang mga pulitikong pamilya na bistado namang may ginagawang hindi
maganda ay walang pakialam kahit binabatikos na. Baka sa harap ng hapunan kung
magkita sila ay nagpapalakihan pa ng nakurakot sa kaban ng bayan! Kaya sa
panahon ngayon, ang kasabihan sa Ingles na “it runs in the family” ay hindi
lang tumutukoy sa ganda, talino, sipag, atbp…kundi pati sa pagka-corrupt!
Sa isang banda, mayroon pa rin namang iilang pulitiko na
nagpipilit na magpairal ng mataas at katanggap-tanggap na antas ng moralidad at
values sa trabaho nila. Mahirap man, kailangan nilang gawin ito upang hindi
tuluyang mawala ang batayan ng mga nararapat na gawin ng isang tao…saludo ako
sa kanila!
Discussion