Showing posts with label values. Show all posts

0

Kung Babaguhin ang Ugali, Isama na rin ang Pananaw sa Buhay

Posted on Wednesday, 10 February 2016

Kung Babaguhin ang Ugali, Isama na rin ang Pananaw sa Buhay
Ni Apolinario Villalobos

Walang silbi ang pagbago ng pagkatao kung ugali lang ang magbabagong anyo, at ang pananaw sa buhay ay hindi. Ang isang halimbawa ay ang pagbago ng isang lasenggo na nabawasan nga ang pag-inom ng alak subalit hindi pa rin naniniwala sa kahalagahan ng pag-impok para sa kinabukasan….kaya kahit hindi na lasenggo, ay bulagsak pa rin sa pera. Ang ugali ng tao ay tungkol sa mga nakasanayang gawin at sabihin. Kung ang isang tao ay hindi na nga nagmumura pero mapanira pa rin ng kapwa, wala ring silbi an kanyang pagbabago.

May mga ugali ring mahirap baguhin dahil lulutang at lulutang ang likas na nakagawiang hindi kayang takpan ng pagpapaka-plastik o pagkukunwari. May mga taong sensitibo sa ugali ng iba kaya nararamdaman nila kung bukal sa kalooban ang sinasabi ng mga kausap nila dahil naipagkakanulo o betrayed sila ng ekspresyon ng kanilang mukha, at kahit ng simpleng galaw ng mata…sa Ingles, ito ang tinatawag na “body language”.

Ang paniniwala ay nagsisimula sa isip ng tao at ito ang nagpapakilos ng iba’t ibang bahagi ng katawan. Dalawang lakas ang nakakaapekta sa isip – positibo at negatibo….sa simpleng salita – mabuti at masama. Kung hindi tutugma ang ikinikilos ng isang tao sa kanyang iniisip, “nadudulas” siya sa pagsalita, na kung sa Ingles ay tinatawag na “slip of the tongue”. Ang tawag sa pilit na pagtatakip ng tunay na ugali ay pagkukunwari.


Upang maging kapani-paniwala ang pagbabago na ginagawa tuwing Holy Week at Bagong Taon, piliin ang mga ugaling “kayang baguhin”. Hindi kailangang mag-ambisyong maging santo o santa ang isang tao upang mabago ang masama niyang ugali. Kahit hindi siyento por siyentong mababago ang masamang ugali ng isang tao, basta aminin niyang siya ay talagang masama, ito ay katanggap-tanggap na, dahil nangangahulugang alam niya kung ano ang dapat baguhin sa kanyang pagkatao. Sa ganyang paraan, kahit papaano ay mauunawaan ang kanyang pagpipilit  kaysa naman siya ay magpaka-plastik pero madalas namang madulas!!! 

0

Ang Kalasingan

Posted on Thursday, 28 January 2016

Ang Kalasingan
Ni   Apolinario   Villalobos

Hindi lamang sa alkohol ng alak, ang tao’y nalalasing
Kundi sa mga bagay na sa hinagap ma’y di natin akalain
Nariyan ang kalasingan sa biglang yaman na naangkin
At  kalasingan sa karangalang, sa katagala’y nakamit din.

Hindi masama ang uminom ng alak kung ilagay sa wasto
Lalo na’t sa Misa, ito ay  simbolo rin ng dugo ni Hesukristo
Subali’t sadya yatang may mga taong sa katakawan nito
Sa labis na natunggang alak, ang alkohol ay napunta sa ulo.

Kung minsan ‘di natin masisisi, taong sinwerte ang kapalaran
Na dati ay lagi na lang kumakalam ang sikmurang walang laman
Subali’t sa pag-angat ng isinusumpa-sumpa niyang kinalalagyan
Kayamanang nakamit,  halos hindi niya alam kung paano dapaan.

Yong iba naman, lahat ng paraan, walang humpay nilang ginawa
Mangiyak-ngiyak na kung minsan dahil sa kawalan nila ng pag-asa
Makamit lang ang inaasam na karangalang sa kanila’y napakahalaga  -
Subali’t nang makamit , mga paang umangat,   hindi na maibaba sa lupa!




0

Jaime Mayor...honest "kutsero" of Luneta

Posted on Sunday, 27 December 2015

Jaime Mayor
…honest kutsero of Luneta
By Apolinario B Villalobos

At dawn, from his humble home in Caloocan
He diligently pedals his way to Luneta
The same he does when he goes home at night
But all these he does with unpretentious delight.

In Luneta, for years, he worked as kutsero
Guiding his tame horse, he fondly calls Rapido
Both of them braving the rain and searing sun
Even  pangs of hunger as best as they can.

A typical Filipino, this guy - Jaime Mayor
For earning honestly, he could not ask for more
With perpetual smile on his sun-burned face
He and Rapido, in Luneta, strollers can’t miss.

One day, his honesty was put to a test
When a purse was left behind by a tourist
Whom he pursued just before she was gone
And who was amazed by such an honest man.

Tightly he was hugged and praised to heavens
In a language that sounded strange to him
But just the same, these he took in stride
Though, his appreciation, he could not hide.

He said, he is proud to be a Filipino
And proud that he lives in a beautiful country
His modest knowledge of English, then…
Is always ended with –
“It’s more fun to be in the Philippines”!


(Jaime Mayor is a driver (kutsero) of a horse-driven rig (kalesa) in Luneta (Rizal Park) of Manila. His average daily earning is Php200.00. This is carefully budgeted to suffice for the needs of his wife and four children. One day he drove around the park, four French ladies, one of whom left her purse in the back seat of the rig. After finding it, he took time in looking for the group. The ladies were surprised as they were not aware that one of them left her purse in the rig. The amazed owner of the purse gave him a tight hug. On September 13, 2012, the Rizal Park administration gave him a plaque of appreciation.

After three years, I finally met Jaime Mayor. On December 27, 2015, a Sunday, while I was gathering materials for blogging, I happened to talk to a rig driver if he knew Mr. Mayor. He nonchalantly pointed to the rig that just passed by. I practically ran after the rig up to its unloading station where he obliged some photo opportunities.

Mr. Mayor is among the rig drivers of Castillan Carriage and Tour Sevices which is based at Fort Santiago. According to Mr. Herson Magtalas, Checker/Operations Coordinator of the said agency, despite the popularity of Mr. Mayor, he remained humble as the nationwide recognition given him did not affect him a bit. He is still the same guy whom they knew – unassuming, hardworking and a man of few words. Mr. Magtalas added that the former Department of Tourism, Mr. Gordon gave him profuse praises, and the same recognition was followed by other government officials. He was also given a spot in a commercial, the earning from which helped his family a lot.)



0

Ang Department of Social Welfare...kaylan kaya magpapakatotoo?

Posted on Sunday, 6 December 2015

Ang Department of Social Welfare
…kaylan kaya magpapakatotoo?
Ni Apolinario Villalobos

Kaylan lang ay bumulaga sa buong Pilipinas ang balita tungkol sa nadiskubreng 20 sakong relief packs na ibinaon sa isang lugar ng Dagami, Leyte na inilaan dapat sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Ang mga relief packs at sako ay may tatak ng DSW at ang masama, mag-iimbistiga daw ang ahensiya pero ang resulta ay ilalabas sa susunod na buwan!...ibig sabihin ay Enero 2016! Ganoon na ba kabagal kung kumilos ang gobyerno? Nang nakawin naman ang mga relief sa isang bodega sa Cebu noong nakaraang taon at nakunan pa ng video, inimbistigahan din daw, pero inabot na ng mahigit isang taon ay wala pa ring narinig tungkol dito. Malinaw na kaya malakas ang loob ng mga kawatan sa gobyerno ay parang may nagkukunsinti sa katiwaliang ito dahil wala man lang napaparusahan…na dapat ay saklaw ng batas tungkol sa “command responsibility”.

Ang pagkasinungaling ng DSW ay lumilitaw na naman dahil sa kabila ng sinasabi ng kalihim nito mismo na si Dinky Soliman na “inililigtas” lang daw nila ang mga batang kalye tuwing may darating na bisita ay malinaw na ganoon na nga….pagsisinungaling lang. Balik na naman sa mga kalye ang mga “batang hamog” sa iba’t ibang kalsada ng Maynila at namemehuwisyo ng mga motorista. At, ngayon dahil pasko, ay nakikipag-patintero pa sa mga sasakyan at humahabol sa mg bus at jeep na kanilang pinagkakarolingan. Nasaan ang katotohanan sa sinasabi ni Soliman na inililigtas ng ahensiya ang mga ito mula sa delikadong kalagayan ng mga kalsada?

Napaga-alaman pa na mismong mga “Street Facilitators”, mga seasonal contract workers ng DSW, na siyang naghahakot ng mga batang kalye tuwing may bisitang darating, hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng allowance sa serbisyo nila noong APEC. Ano ang ginagawa ni Soliman sa pondo ng DSW para sa mga ganitong proyekto?

Marami ang bumabatikos  tungkol sa napakalaking pondo ng DSW at kung anu-anong idinadahilang proyekto na kuwestiyonable naman ang relevance o katuturan. Pinagdududahan ng mga bumabatikos na baka ang malaking pondo ay gagamitin lang para sa kampanya ng mga manok ng administrasyon. Ayaw ko sanang maniwala….subalit ilang buwan na lang eleksiyon na at nagsimula na nga ang paglabasan ng mga ads ng mga kandidato na nangangailangan ng milyon-milyong pondo.






0

Kung Pangkaraniwang Tao...Weird, Pero Kung Sikat na Tao...Kahanga-hanga!

Kung Pangkaraniwang Tao…Weird,
Pero Kung Sikat na Tao…Kahanga-hanga!
ni Apolinario Villalobos

Kung ordinaryong tao ang magsuot ng damit na may butas at kupas, sinasabi ng iba na weird siya at hindi marunong mag-ayos, pero kung sikat na tao ang gumawa nito, siya ay kahanga-hanga at dapat tularan. Kung isang ordinaryong tao ang gagamit ng mga herbal alternative medicines na hindi ginagawa ng iba, ang turing sa kanya ay weird kaya hindi ginagaya, pero kung artista o sino mang sikat ang gagawa nito, mabilis pa sa alas-kwatro kung sila ay gayahin.

Kung ang isang pangkaraniwang tao ay naglalakad patungo sa opisina o eskwela, sinasabi ng iba na poor kasi, walang pamasahe, kawawa naman, pero kung sikat na tao ang gagawa nito…good for the health daw kaya tinutularan. Kung ordinaryong misis ang magsasalita tungkol sa buhay niya o di kaya ay tungkol sa buhay ng iba, ang tawag sa kanya ay tsismosa, pero kung kilalang tao, lalo na si Kris Aquino ang gagawa nito, tawag sa kanya ay “taklesa” o walang preno o careless lang.

Ganyan ang ugali ng KARAMIHANG tao, tumitingin sa panlabas na anyo ng kapwa. Para bang sinasabi nila na kung hindi simpleng shorts at t-shirt lang ang suot ay ayaw na halos pagkatiwalaan. At kadalasan din na kung walang alahas na suot, etsa puwera na siya dahil walang class. At ang pinakamatindi ay ikinahihiya pa ng mga kaanak!

Sa isang sosyal na kainang napuntahan ko, ang nagpa-party ay nagtalaga ng mga professional receptionists na kasama sa package ng caterer. May nakasabay akong babaeng may edad na at napaka-ordinaryo ang suot, simple lang din ang ayos, yon nga lang ay nakasapatos ng lumang klase na kulay itim, pero wala rin maski mumurahing hikaw man lang. Nagpakilala siya sa receptionist pero ang apelyido niyang binanggit ay hindi kapareho ng nagpa-party kaya may pinuntahan sa di-kalayuan, may kinausap na isang babae, sabay turo sa matandang babae, na nilapitan naman ng kinausap ng receptionist. Narinig kong tinawag na “auntie” ng lumapit ang matandang babae at halos inakay  palabas ng venue, pinaupo sa isang sofa. Nang umalis ang tumawag ng “auntie”, nilapitan ko ang matandang babae at tinanong ko kung kaanu-ano niya ang nagpa- party. Ang sagot niya ay pamangkin daw, anak ng kapatid niya, at inalagaan daw niya hanggang makaalis  papuntang Amerika noong tin-edyer pa lang. Matagal na daw silang hindi nagkita kaya nang malaman niyang nasa Maynila ito ay lumuwas pa mula sa Lemery, Batangas!

Bisita lang din ako sa binanggit kong party, pinilit lang akong isama ng kaibigan ko upang ipakilala sa nagpa-party at sabi sa akin ay may ipapa-edit daw na blueprint ng librong isinulat niya sa States. Hindi pa ako nakilala ng nagpa-party dahil hinintay ko pa ang kaibigan kong kaibigan niya. Naisip kong pagkakataon ko na sanang kumita ng perang pandagdag ko sa pondong iniipon ng maliit naming grupo para pambili ng mga regalo sa mga natutulog sa mga bangketa bago magpasko, kaya kahit umiiwas ako sa mga party ay pinagbigyan ko ang kaibigan ko.

Dahil sa pangyayari, hindi ko na lang hinintay ang kaibigan ko. Ang matandang babae naman ay nalulungkot at nahalata kong namumutla kaya tinanong ko kung kumain bago umalis ng Lemery. Sabi niya ay hindi pa…at sa oras na yon na halos ay alas dose na, talaga namang mamumutla siya. Sinubukan kong imbitahing kumain sa isang karinderyang nadaanan ko nang pumunta ako sa venue ng party, at pumayag naman siya. Sa karinderya ay sinabihan ko siya na unawain na lang ang pamangkin na talagang busy lang.  Pagkatapos naming kumain, tinanong ko siya kung may balak  pa siyang magpakita sa pamangkin niya….sabi niya ay wala na. Dahil mag-aalas dos na ng hapon, tinanong ko siya kung okey lang na ihatid ko siya sa Lemery…bahala daw ako. Dahil sa sinabi niya, dali-dali kaming kumuha ng taksi na maghahatid sa amin sa isang bus terminal sa Pasay na may mga bus na biyaheng Lemery.


Nasa terminal na kami ng bus sa Pasay nang tumawag ang kaibigan ko upang tanungin kung nasaan na ako. Sabi ko sa kanya, saka ko na lang siya kakausapin uli para magpaliwanag, dagdag ko pa, kausapin niya ang kaibigan niya at baka nalulungkot. Pero, sa pagkakataong yon, nagdesisyon na akong hindi ko na kakausapin ang kaibigan ng kaibigan ko na pamangkin ng babaeng bago kong kaibigan. Goodbye na lang sa kikitain sana!

0

Ang Pagmumura at si Duterte

Posted on Tuesday, 1 December 2015

Ang Pagmumura at si Duterte
Ni Apolinario Villalobos

Dapat mag-ingat kahit kaunti si Duterte dahil tumitindi ang smear campaign laban sa kanya. Noon ay ang patagong banat sa kanya laban sa kanyang “pambabae” daw at “salvaging”. Mabuti at siya mismo ay nagsalita na tungkol sa mga bagay na ito at umamin pa, kaya wala nang mauukilkil tungkol sa mga ito upang hantarang ibabanat sa kanya. Isa sa mga tinitingnan ngayon ng mga naninira laban sa kanya ay ang ugali niyang pagmumura. Masama mang banggitin, may ginagamit na mga taga-media ang mga kalaban niya kaya sa isang iglap, kalat agad sa buong bansa kung may masambit man siyang pagmumura. Wala tayong magagawa dahil yan ang kalakaran ng pulitika sa Pilipinas.

Ang malas, “tinuka” niya ang pain na tanong tungkol sa pagdating ng santo papa, sa pagsagot subalit may kasamang pagmumura. Pinagpipiyestahan ng mga maninira ang ugali niyang pagmumura at pagiging prangka. Dahil sa ginagawa niyang pagmumura ay nagiging tactless siya.

May mga taong naging ugali na ang pagmumura kaya automatiko ang pagsambit ng maaanghang na salita na naging bahagi ng kanyang bokabularyo. Dapat baguhin ang ganitong pag-uugali na hindi man dinidekta ng puso ay masama ang epekto lalo sa mga taong banal kuno pero mahilig namang magbanggit ng “for Christ’s sake” o “for God’s sake” na mas matinding blasphemy at laban sa isa sa mga kautusan sa Ten Commandments. Ang mga banal na ito ay nagsa-sign of the cross pa kapag nakarinig ng masama o nakakita ng masama. Bakit hindi na lang sila maglagay ng busal sa mga tenga o di kaya ay maglagay ng pantakip sa mga mata na ginagamit ng mga kutsero sa kanilang kabayo para diretso ang kanilang tingin kapag naglalakad sa kalye? Pero kung marinig lang sila kung murahin nila ang kapitbahay at kasambahay kahit pa kararating lang nila mula sa simbahan dahil dumalo sa misa……..nakuuuu!

Upang maipakita ko ang katapatan sa binabahagi ko tungkol sa pagmumura at upang maging makatotohanan ang mga sinasabi ko, aaminin kong nakikita ko ang sarili ko kay Duterte dahil naging bahagi na rin ng pananalita ko ang pagmumura tulad ng “tangna” na pinaiksing “putang ina”, ang “belatibay” na pinaiksing “latibay” upang hindi masyadong maanghang pakinggan, at ang pabulong na “..hit” na sana ay “shit”, pero hindi pa rin nawawala ang “yodiputa”. Tulad ni Duterte, marami rin ang nagalit at nakadanas din ako ng panlilibak dahil sa pagmumura ko. Ang masakit lang, ang iba pala sa kanila ay matindi naman palang manira ng kapwa!

Sa mga naging president ng Pilipinas ang kilala sa pagmumura ay si Manuel L. Quezon na ang ginagamit na kataga ay mula sa wikang Kastila…maraming nagalit sa kanya noon lalo na ang mga kasama niya sa gobyerno na karamihan ay nakatikim ng pagmumura mula sa kanya. May dati akong boss na ang ginagamit na salita ay “Jesus Christ” or “Jessezzzz” sabay hawak sa kanyang noo…at ngayon ay malamang kasama na niya dahil namayapa na siya. Yong isang kaibigan ko naman ay paborito ang “damn you” at “go to hell”, patay na rin siya at malamang ay nandoon na rin siya. Yong isa pa ay “demonyo ka” o di kaya ay “demonyo” lang kung walang kausap pero nadapa o nauntog o may nakalimutan sa bahay.

Ang pagmumura ay isang paraan upang lumuwag ang naninikip na dibdib ng isang taong galit. Sa halip na lakas ang gamitin niya sa pamamagitan ng pagsuntok sa kausap o manira ng anumang gamit na mahawakan ay dinadaan na lang niya sa pagmumura.  May nasimulan naman sa Japan na pantanggal ng tension na sanhi ng paninikip ng dibdib, at ito ay ang pagsigaw kahit halos namamaos na. Subalit may paraan na ngayon upang mapalitan ang ganitong uri ng paglabas ng galit, sa pamamagitan ng paghinga ng malalim o “deep breathing”. Sa kamalasan, may isa akong kaibigan na sa sobran galit ay pinilit ang sunud-sunod na deep breathing kaya hinimatay dahil na-choke…kinapos ng hangin! Ayaw kong mahimatay tulad niya.

Ang problema sa kultura natin na may pagka-colonial pa rin, kapag ang pagmumura ay ginawa sa English o Kastila, parang wala lang ang epekto, pero kung ang pagmumura ay ginawa na sa Pilipino, ang nakakarinig, lalo na mga banal daw ay para nang natapunan ng ipot ng pusa sa mukha. Hindi ko sinasabing hindi masama ang pagmumura. Subalit dapat ay maghinay-hinay sa paghusga sa mga taong nagmumura. Mabuti nga lumabas ang masamang salita lang mula sa kanya, hindi tulad ng ibang nagbabanal-banalan na ang masamang ugali ay nagkakaugat sa puso nila at diwa kaya habang tumagatal ay yumayabong pa. Ang pagmumura namang inilalabas ay walang pagkakataong yumabong dahil….yon nga, ibinuga na ng bibig!

Narinig ang tape tungkol sa pagmumura ni Duterte sa santo papa, kaya malinaw na ginawa nga niya. Isa itong maituturing na “tactlessness” o kawalan ng pasubali o ugaling bara-bara sa salitang kanto….na talagang mali. Subalit si Duterte ay kilala sa paghalo ng mga biro sa kanyang pananalita, kaya malamang, para sa kanya ay joke ang sinabi niya….pero joke na masama o hindi nararapat dahil si Francs bilang pinakamataas na lider ng simbahang Katoliko ay tinuturing na banal kay tinawag na “santo papa”. 

Kilalal sa pagbiro ang mga Bisaya, na kahit maanghang sa pandinig ay hindi naman bukal sa kalooban ng nagsabi, tulad ng pabirong “gi-atay ka”  o “lilinti-an ka” na ang mga kahulugan ay ayaw ko na lang sabihin. Mabuti na rin ang ginawang pagpuna kay Duterte, para hindi isipin ng santo papa na tino-tolerate ng mga Pilipino ang ganitong ugali…at baka hindi na siya magsalita ng blessing sa Pilipino tuwing mamintana upang magbasbas sa mga taong nag-aabang sa kanya.

Pero, sa isang banda, kung papipiliin ako sa pagitan ng isang taong nagmumura subalit ang layunin ay magkaroon ng pagbabago sa isang sistema ng gobyerno na may makapal na kulapol ng korapsyon at may napatanuyan na, at sa isang taong namang dahilan ng kagutuman at kahirapan ng buong bayan dahil sa kawalan ng malasakit, kahit hindi pa nagmumura at animo ay larawan ng pagkabanal at pagka-santo na pagkukunwari lang pala….ang pipiliin ko ay ang nagmumura!

Ang ginawa ni Duterte kahit pa maituturing na joke ay patunay sa binitiwan niyang babala noon na kung maging presidente siya ay wala siyang sasantuhin….kaya humanda na sila!


0

Ang Pagbaba ng Standards ng Moralidad at Values...dahil naging subjective o pangsarili na ang mga ito

Posted on Thursday, 18 June 2015



Ang Pagbaba ng Standards ng Moralidad at Values
…dahil naging subjective, o pangsarili na ang mga ito
Ni Apolinario Villalobos

Malaki na talaga ang ipinagbago sa ugali ng mga tao dahil sa mga makabagong pangyayari sa kanyang paligid. Katulad na lamang ng pagbaba ng standards ng moralidad at values. Kung noon, ang umiiral ay todo-todong pagmamalasakit sa kapwa, ngayon ay kawalan ng pakialam ang madalas mangyari. Ang sabi ng iba, mas maganda na daw yong hindi nakikialam upang hindi masangkot sa problema kung sakali. Subalit kung sa mga taong ito naman mangyari ang hindi maganda at walang makialam, nagagalit naman sila. Kaya masasabing ang moralidad at values ngayon ay naging “one way”, kabaligtaran ng mga dating nangyayari na nagpapakialaman upang maipairal ang tulungan o bayanihan.

Ang isang halimbawa ay mga problema na dulot ng droga. Marami nang nababalitaan tungkol dito. Pero may isa akong kaibigan na kibit-balikat lamang dahil ang mga anak daw niya ay mababait kaya walang problema sa droga. Subalit minsan ay nabugbog ang anak niyang binatilyo ng mga nangingikil na kilala sa lugar nila na mga adik. Naospital ang kanyang anak. Dahil sa pangyayari, “naramdaman” ng kaibigan ko ang masamang epekto ng droga, na kahit hindi binibisyo ng kanyang anak ay nakakaapekto din pala sa kanilang pamilya. Dahil sa nangyari sa kanyang anak, ang kaibigan ko ay galit na sa mundo!

May isang pamilya naman na lahat ng miyembro ay kumpleto sa mga bisyo, tulad ng sugal, sigarilyo, at droga. Ang katwiran ng ina, basta hindi naman sila nananakit o nakikialam sa kanilang mga kapitbahay, okey lang. Nakakaraos sila sa pakikisama sa mga katulad nilang ganoon din ang mga bisyo. May pansarili silang standards ng moralidad na pinaiiral, hindi na yong sinusunod na dapat ay may dulot na kabutihan para sa lahat.

Ang pagbaba ng moralidad ay nakikita rin sa buhay ng mga pulitiko. Ang mga pulitikong pamilya na bistado namang may ginagawang hindi maganda ay walang pakialam kahit binabatikos na. Baka sa harap ng hapunan kung magkita sila ay nagpapalakihan pa ng nakurakot sa kaban ng bayan! Kaya sa panahon ngayon, ang kasabihan sa Ingles na “it runs in the family” ay hindi lang tumutukoy sa ganda, talino, sipag, atbp…kundi pati sa pagka-corrupt!

Sa isang banda, mayroon pa rin namang iilang pulitiko na nagpipilit na magpairal ng mataas at katanggap-tanggap na antas ng moralidad at values sa trabaho nila. Mahirap man, kailangan nilang gawin ito upang hindi tuluyang mawala ang batayan ng mga nararapat na gawin ng isang tao…saludo ako sa kanila!

0

Ang mga Hambingan at Magkapares subali't magkasalungat

Posted on Wednesday, 17 June 2015



Ang mga hambingan at
magkapares subali’t magkasalungat
Ni Apolinario Villalobos

Upang lumutang ang mga panlabas na katangian ng isang bagay, kailangang ihambing ito sa iba. Sa salitang kalye ang tawag sa paghambing na yan ay “tagisan” o kung sa Ingles naman ay “contest” o “competition”. Kaya upang may isang manalo, dapat marami ang kasali, o di naman kaya ay kahit dalawa lamang. Sa isang beauty contest halimbawa, paanong masasabing pinakamaganda ang isang contestant kung wala siyang katunggali? Pwede siguro kung isabotahe ang contest sa pamamagitan ng pagpakain ng pagkaing nakaka-LBM ang mga contestants, maliban sa nag-iisang gustong papanalunin….siguradong panalo siya by deafault!

Kahit may ganitong katotohanan, hindi dapat malungkot ang nag-aakalang sila ay pangit, dahil kung hindi dahil sa kanila, walang maganda sa mundo. Ganoon din ang mga pandak, maitim, atbp. (kasama na ako diyan). Hindi dapat malumbay dahil mahal ng Diyos ang nagpaparaya o nagsasakripisyo para sa kapakanan ng iba pagdating sa hambingan…maliban na lang kung pangit, pandak at maitim na nga ay masama pa ang ugali, maitim ang budhi, at nanlalamang ng kapwa!

Ganyan din sa buhay ng tao….dahil may mahirap na madaling apihin, ay lumutang din ang maraming korap na nang-aapi at nanlalamang; dahil may maaalipin, marami ang nang-aalipin; maraming drug pushers dahil marami ang gustong maging adik na mababaw ang kaligayahan, at marami pang ibang magkapares subalit magkasalungat na pagkatao.

Ang paghahambing ay bahagi na ng buhay ng tao. Sa paghahambing umiikot ang ating buhay, dahil hindi natin malalamang tayo ay tama kung walang paghahambingan na dapat ay lumabas na mali. Kaya nalalaman natin halimbawa, na may mga taong mala-anghel ang ugali, ay dahil inihambing sila sa ibang mala-demonyo naman ang ugali.

Sa pagkakamali naman, madali sanang magdiin sa nagkamali kung hindi dahil sa mga butas ng mga batas. Itong mga butas ng mga batas ang ginagawang dahilan ng mga malinaw nang guilty upang magpalusot, o di kaya ay magpaikot-ikot pa, basta magaling lang ang abogado nila. Ang madalas gamitin ng magagaling na abogado naman ay ang aspetong teknikal, at ang panuntunang, “hangga’t hindi napapatunayang nagkamali, ay dapat inosente ang isang tao”. At yan ang pinaglalaban ng mga Binay….na pinupulitika lamang sila upang lumabas na guilty! Clean daw sila…walang bahid ng kasalanan, kaya busilak sa ka-inosenthihan!...sagot naman ni Mercado…”umamin ka na, dahil umamin na ako, pareho lang naman tayong may kasalanan!”.

Bilang panghuli:
ang pangarap na nakatuntong sa nakaw na yaman –
babagsak, madudurog, kakalat, at lalangawing parang basurahan!

0

Ang Kultura ng Pilipino...at ang mga hindi magandang aspeto nito

Posted on Monday, 18 May 2015



Ang  Kultura ng Pilipino
…at ang mga hindi magandang aspeto nito
Ni Apolinario Villalobos

Bilang Pilipino, ipaglalaban ko ang aking lahi. Subali’t masakit mang aminin, may ilang aspeto ng ating kultura o pag-uugali, ang pumipigil sa patuloy sanang pag-asenso natin. Dahil dito, kailangang matuto tayong tumanggap ng katotohanan upang maiwasto  ang mali.

Ang isa sa mga ugaling ito ay ang madali nating paglimot ng hindi magandang nakaraan na dapat sana ay nagbibigay sa atin ng gabay sa kasalukuyan. Halimbawa ay ang nakaraang Martial Law na naging dahilan ng pagdanak ng dugo dahil sa pagsupil ni Marcos ng mga karapatan, lalo na sa pamamahayag. Napatalsik nga si Marcos, hindi naman natuldukan ang kaso ng pagkamatay ni Ninoy Aquino at ng nawalang mga estudyante. At ang sa umpisa na pagmamatigas ng mga Pilipino na huwag pabalikin ang pamilyang Marcos sa Pilipinas, kalaunan ay nagkabiglaan na lang dahil, animo sa isang iglap, lahat sila ay nakabalik na pala! Ang pakikipaglaban ng pamahalaan upang mabawi ang sinasabing ninakaw ni Marcos na yaman ng bayan, wala ring narating. Ang pagbawi ay nagsimula sa kapanahunan ni Cory Aquino, at inabot ng mga kompromiso sa ilalim ng mga pumalit na administrasyon…at ang masakit ay ang sinasabi pang nangyaring kurakutan!

Mahilig gumaya ang Pilipino. Okey lang sanang gumaya pero dapat ay may limitasyon sa abot lamang ng makakaya upang hindi malubog sa utang kung may involve na pera ang panggagaya. Okey rin ito kung ang pakay ay upang mapahusay o mapaganda kung anong meron ang taong nanggaya, at hindi dahil lamang sa inggit.  May isang kalihim ng Department of Tourism noon na gumaya sa tourism slogan ng isang bansa sa Europe, at dahil sa kahihiyan nang mabisto ay nag-resign. Ang lalong napahiya ay ang Pilipinas. At, ang gobyerno naman, sa kagustuhang makapanggaya sa asenso, inihanay pa ang bansa sa Tsina at Japan na milya-milya ang layo ng narating. Inireport lang ng isang survey na may “tiger economy” ang Pilipinas, ganoong nakakaduda naman, pumalakpak na agad ang mga tenga ng mga taga-gobyerno na nag-akalang mabobola nila lahat ng mga Pilipino.

Karamihan sa mga Pilipino ay ayaw ng murang bigas, murang pagkain,  murang damit, etc. Ibig sabihin, may ugali tayong mapagmataas, class, kahit na ang katotohanan ay halos gumapang na sa kahirapan ang buhay. Kaalinsabay nito, mas gusto ng mga Pilipino ang imported kaya ultimo toothpick ay imported mula sa Tsina. Umabot pa sa punto na pati basura ay ini-import na. Sumikip tuloy ang container yard sa pantalan dahil napuno ng mga container ng basura galing sa Canada, at sa loob ng maraming taon pa…na hindi naman pinansin ng Customs kung hindi pa pumutok sa media. Ni hindi nila mahabol ang mga importer. At ang mga nagmamagaling namang grupong maka-nasyonalismo kuno, sa harap ng Canadian Embassy nag-rally, sa halip na sa labas ng Bureau of Customs dahil sa kapabayaan nito. Ang kaswapangan nga naman! Lahat ay gagawin makagawa lang ng ingay upang malagay sa diyaryo at mahagip ng kamera!

Sobra sa pagiging masayahin ang mga Pilipino, kaya noong panahon ni Marcos ginamit ito ng todo. Upang hindi maramdaman at mapansin ang mga problema noon ay maraming pakulo ang pinaggagawa ng gobyerno upang mabaling sa larangan ng musika, pagandahan at show business ang atensiyon ng mga tao. Dahil nakasanayan na, ngayon, ang mga mahahalagang isyu na dapat seryosohing pag-usapan upang maramdaman ang mga kahalagahan ay hindi pinapansin dahil mas gusto pa ng mga Pilipinong manood ng mga Korean nobela sa TV, o makinig ng mga tsismis sa radyo. Ang mga usapin tungkol sa West Philippine Sea, ang mga ilegal na pagmimina ng mga dayuhan sa Pilipinas, ang isyu ng K-12, illegal logging, katiwalian ng mga Binay, gutom, kawalan ng trabaho, at iba pa  ay halos wala sa kanilang kamuwangan.

Madaling magsawa ang mga Pilipino, kaya ang madalas sabihin ng mga masasamang pulitiko na binabatikos ng ilang grupo ay “magsasawa din sila”. Noong bago pa lang sumabog ang mga isyu laban sa mga Binay at iba pang mga eskandalo sa gobyerno na may kinalaman sa pork barrel at PDAF, ang mga ito ay malimit na laman ng mga diyaryo, tinatalakay sa radyo at TV, pinag-uusapan sa mga terminal ng sasakyan, kahit sa inuman at barber shop. Kalaunan, kahit na tuloy pa rin ang mga hearing tungkol sa mga kaso, iisang maliit na istasyon na lamang ng TV ang tumututok…ni isang radio station ay hindi na pumansin – puro nagsawa na. Sa madaling salita, magaling lang sa simula ang mga Pilipino – isang ningas cogon na pag-uugali.

Naipagpatuloy ng ibang bansa sa Asya ang kanilang pagka-exotic, kaya pagdating sa turismo, wala sa kalingkingan nila ang Pilipinas. Hirap ang Pilipinas sa pagmintina ng mga historic landmark at pag-ayos ng mga likas na pasyalan upang makaakit ng mga turista. Gusto natin ay magkaroon ng mga 5-star resorts at hotels sa mga lugar na ito, tulad ng nangyari sa Boracay na ngayon ay nilulumot na ang mga dalampasigan dahil sa tumagas na mga septic tank ng mga hotel at restaurants. 

Totoong, may mga lugar tayong popular sa internet tulad ng Underground River ng Palawan at Vigan. Subalit dapat alalahanin na kaya sila napahanay sa listahan ng mga popular na mga destinasyon ay dahil sa botohan sa internet na ang karamihan sa gumawa ay mga Pilipino din…popularity contest kasi, kaya pinagkitaan din ng grupong may pakana dahil sa mga advertisements na nailathala nila. Ang batayan dapat ay ang aktwal na dami ng mga bumisitang turista na siyang nangyayari sa ibang bansa sa Asya tulad ng Vietnam, Cambodia, Thailand at maski Burma. Ang milyong bisita na ipinagmamalaki ng Department of Tourism ng Pilipinas sa panahon ngayon, ay matagal nang nirereport ng ibang bansa sa Asya, na dumadagsa sa kanila.

Ang “pakikisama” na maganda sana ang hangarin tulad ng “bayanihan” ay inabuso nang ito ay iugnay sa “utang na loob” at ginamit sa pulitika. Kaya ang mga iniluklok halimbawa ng mga nanalong opisyal sa iba’t ibang puwesto dahil sa pakikisama at utang na loob  sa mga taong tumulong sa kanila sa panahon ng eleksiyon ay nagdulot ng hindi matawarang pinsala sa pamahalaan at bansa.

Kung may mga negatibo, marami ding positibo sa ating kultura, pero ginagamit ba natin ang mga ito sa tamang paraan upang tayo ay umasenso?