Kung Pangkaraniwang Tao...Weird, Pero Kung Sikat na Tao...Kahanga-hanga!
Posted on Sunday, 6 December 2015
Kung
Pangkaraniwang Tao…Weird,
Pero
Kung Sikat na Tao…Kahanga-hanga!
ni Apolinario Villalobos
Kung ordinaryong tao ang magsuot ng damit
na may butas at kupas, sinasabi ng iba na weird siya at hindi marunong
mag-ayos, pero kung sikat na tao ang gumawa nito, siya ay kahanga-hanga at
dapat tularan. Kung isang ordinaryong tao ang gagamit ng mga herbal alternative
medicines na hindi ginagawa ng iba, ang turing sa kanya ay weird kaya hindi
ginagaya, pero kung artista o sino mang sikat ang gagawa nito, mabilis pa sa
alas-kwatro kung sila ay gayahin.
Kung ang isang pangkaraniwang tao ay
naglalakad patungo sa opisina o eskwela, sinasabi ng iba na poor kasi, walang
pamasahe, kawawa naman, pero kung sikat na tao ang gagawa nito…good for the
health daw kaya tinutularan. Kung ordinaryong misis ang magsasalita tungkol sa
buhay niya o di kaya ay tungkol sa buhay ng iba, ang tawag sa kanya ay
tsismosa, pero kung kilalang tao, lalo na si Kris Aquino ang gagawa nito, tawag
sa kanya ay “taklesa” o walang preno o careless lang.
Ganyan ang ugali ng KARAMIHANG tao,
tumitingin sa panlabas na anyo ng kapwa. Para bang sinasabi nila na kung hindi
simpleng shorts at t-shirt lang ang suot ay ayaw na halos pagkatiwalaan. At
kadalasan din na kung walang alahas na suot, etsa puwera na siya dahil walang
class. At ang pinakamatindi ay ikinahihiya pa ng mga kaanak!
Sa isang sosyal na kainang napuntahan ko,
ang nagpa-party ay nagtalaga ng mga professional receptionists na kasama sa
package ng caterer. May nakasabay akong babaeng may edad na at napaka-ordinaryo
ang suot, simple lang din ang ayos, yon nga lang ay nakasapatos ng lumang klase
na kulay itim, pero wala rin maski mumurahing hikaw man lang. Nagpakilala siya
sa receptionist pero ang apelyido niyang binanggit ay hindi kapareho ng
nagpa-party kaya may pinuntahan sa di-kalayuan, may kinausap na isang babae,
sabay turo sa matandang babae, na nilapitan naman ng kinausap ng receptionist.
Narinig kong tinawag na “auntie” ng lumapit ang matandang babae at halos inakay
palabas ng venue, pinaupo sa isang sofa.
Nang umalis ang tumawag ng “auntie”, nilapitan ko ang matandang babae at
tinanong ko kung kaanu-ano niya ang nagpa- party. Ang sagot niya ay pamangkin
daw, anak ng kapatid niya, at inalagaan daw niya hanggang makaalis papuntang Amerika noong tin-edyer pa lang.
Matagal na daw silang hindi nagkita kaya nang malaman niyang nasa Maynila ito
ay lumuwas pa mula sa Lemery, Batangas!
Bisita lang din ako sa binanggit kong
party, pinilit lang akong isama ng kaibigan ko upang ipakilala sa nagpa-party
at sabi sa akin ay may ipapa-edit daw na blueprint ng librong isinulat niya sa
States. Hindi pa ako nakilala ng nagpa-party dahil hinintay ko pa ang kaibigan
kong kaibigan niya. Naisip kong pagkakataon ko na sanang kumita ng perang
pandagdag ko sa pondong iniipon ng maliit naming grupo para pambili ng mga
regalo sa mga natutulog sa mga bangketa bago magpasko, kaya kahit umiiwas ako
sa mga party ay pinagbigyan ko ang kaibigan ko.
Dahil sa pangyayari, hindi ko na lang
hinintay ang kaibigan ko. Ang matandang babae naman ay nalulungkot at nahalata
kong namumutla kaya tinanong ko kung kumain bago umalis ng Lemery. Sabi niya ay
hindi pa…at sa oras na yon na halos ay alas dose na, talaga namang mamumutla
siya. Sinubukan kong imbitahing kumain sa isang karinderyang nadaanan ko nang
pumunta ako sa venue ng party, at pumayag naman siya. Sa karinderya ay
sinabihan ko siya na unawain na lang ang pamangkin na talagang busy lang. Pagkatapos naming kumain, tinanong ko siya
kung may balak pa siyang magpakita sa
pamangkin niya….sabi niya ay wala na. Dahil mag-aalas dos na ng hapon, tinanong
ko siya kung okey lang na ihatid ko siya sa Lemery…bahala daw ako. Dahil sa
sinabi niya, dali-dali kaming kumuha ng taksi na maghahatid sa amin sa isang
bus terminal sa Pasay na may mga bus na biyaheng Lemery.
Nasa terminal na kami ng bus sa Pasay nang tumawag
ang kaibigan ko upang tanungin kung nasaan na ako. Sabi ko sa kanya, saka ko na
lang siya kakausapin uli para magpaliwanag, dagdag ko pa, kausapin niya ang
kaibigan niya at baka nalulungkot. Pero, sa pagkakataong yon, nagdesisyon na
akong hindi ko na kakausapin ang kaibigan ng kaibigan ko na pamangkin ng
babaeng bago kong kaibigan. Goodbye na lang sa kikitain sana!
Discussion