Ang Hamunan nina Roxas at Duterte ay Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas
Posted on Tuesday, 15 December 2015
Ang
Hamunan nina Roxas at Duterte
ay
Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas
ni Apolinario Villalobos
Ang namumukod-tanging katangian ng pulitika
sa Pilipinas ay pagiging marumi nito. Ang mga kandidato ay nagbabatuhan ng mga
putik. Kaya may kasabihan sa Pilipinas na kung ayaw mong mabisto ang katauhan
mo ay huwag kang pumasok sa pulitika. Ang dahilan noong-noon pa ng mga
pulitiko, na “pagtulong sa kapwa” ang dahilan ng pagpasok nila sa pulitika ay
pinagtatawanan na ngayon. Sinasabi pa ng iba na ang pulitika ay isa sa mga
larangan kung saan ay yayaman ang isang tao – na unfair naman sa mga talagang
walang intensiyong mangurakot….ng malaki. Tanggap naman ang 10% na komisyon na
ang tawag noon pa man ay “for the boys”, na ayaw pa ngang tanggapin ng iba dahil
nakakahiya sa sinumpaan nilang tungkulin. Ang masama lang kasi sa ibang nanalo
at nakaupo na sa puwesto, hindi lang 70% ang gustong kurakutin, kundi 100%
dahil ang project ay hanggang papel lang!
Hindi sana umabot sa hamunan ang dalawang
kandidato sa pagka-pangulo ng bansa kung hindi sana pinakialaman ni Roxas ang
nananahimik na Davao City. Alam naman niyang alagang-alaga ito ni Duterte pati
na ng mga Davaweἧo, pati ng mga taong nakatira sa mga bayang nakapaligid dito. Kung
papansinin, nagpakumbaba pa nga si Duterte nang punahin ang pagmumura niya at
tinanggap pa ang “lecture” ng Obispo sa Davao City. Ito ay pakita lang na okey
sa kanyang punahin ang mga personal niyang pagkakamali sa mata ng mga
moralista, pero ang kantihin ang inaalagaan niyang katahimikan sa Davao na kung
ilang taon din niyang nilinis at pinatahimik ay maituturing na “below the
belt”.
Nang gantihan naman ni Duterte si Roxas
tungkol sa nakakadudang pag-graduate niya sa hindi naman gaanong kilalang
eskwelahan sa Amerika, pumalag din siya. Ngayon ay nagsisisi siya dahil pati
ang kredibilidad niya sa larangan ng edukasyon na isa sa mga pinagmamalaki niya
ay nalagay sa balag ng alanganin. Dahil sa panggagalaiti niya, marami tuloy ay
nagsasabing baka nga totoong hanggang kodakan lang ang pag-graduate niya sa Amerika.
Ang daming maaaring ipaliwanag ni Roxas sa
mga tao upang magkaroon ng linaw ang mga isyu na may kinalaman din sa
sinasandalan niyang presidente ng Pilipinas…bakit hindi na lang niya dito ituon
ang kanyang effort sa pangangampanya? Bakit kailangang siraan pa niya si
Duterte na nananahimik na nga? Mag-concentrate na lang sana siya sa “tuwid na
daan” na pinangako niyang ipagpapatuloy, para marami pang mahatak kung sakali.
Huwag na niyang pakialaman si Duterte na ang kapalaran ay nasa kamay ng
COMELEC. Sa ginagawa niya, halatang ninenerbiyos siya dahil malakas ang hatak
pareho ni Duterte at Poe. Mukhang pumalpak na naman ang campaign machinery na
tumutulak kay Roxas.
Sa interbyu kay Duterte sa isang radio
station sa Manila tungkol sa kanyang pagkandidato, nakiusap siya sa mga
sumusuporta sa kanya na maging mahinahon at itigil na ang pagbabanta ng
“rebolusyon” kung siya ay ma-disqualify. Bukambibig niya ang pagtanggap ng
disqualification kung ito ang desisyon
ng COMELEC, kaya sinabi pa niya na kung maaari ay ituon din ng mga sumusuporta
sa kanya ang atensiyon nila sa ibang mga kandidato, upang makapili sila ng
karapat-dapat kung sakali ngang siya ay ma-disqualify. Pinapakita ni Duterte na
hindi siya sakim, dahil ang gusto lamang niya ay maging realistic ang mga
supporter niya batay sa mga umiiral na sitwasyon. Sa isang banda, malinaw pa
rin ang pahayag niya na hindi siya umuurong sa pagtakbo bilang presidente ng
Pilipinas.
Discussion