0

Ang Buhay sa Lansangan

Posted on Wednesday, 16 December 2015

Ang Buhay sa Lansangan
Ni Apolinario Villalobos

Kung pagmasdan silang pinagkaitan ng rangya
Di maiwasang may maramdaman tayong awa
Nakapaa at nagtutulak ng kariton kung minsan
Basang sisiw naman sila, kapag inabutan ng ulan.

Abala palagi sa pangangalakal o sa  pamamasura
Wala sa isip nila ang sumilong upang magpahinga
Habol ay makarami ng mga mapupulot  at maiipon
Hindi alintana pagbabadya ng masamang panahon.

Sa mga nadadampot na styrophor galing sa Jollibee
Bigay ay saya dahil may matitikmang tirang ispageti
Kahit iilang hibla lamang na may kulapol pang ketsap
Sa maingat na pagsubo, dama’y  abot-langit na sarap.

Gula-gulanit ang suot na kamiseta, at nanggigitata pa
Ang damit naman, kung di masikip, ay maluwag siya
Kung pantalon naman, walang zipper, at butas –butas
Subali’t hindi alintana, may maisuot lang, kahi’t kupas.

Kapos sa mga ginhawa na dulot ay  materyal na pera
Puso namang may nakakasilaw na busilak ay meron sila
Walang hiling kundi matiwasay na umaga sa paggising -
Kahi’t mahapdi ang tiyan dahil sa gutom, di dumadaing.

May mga bagay, dapat nating mapulot sa mga ugali nila
Pampitik sa atin upang gumising at magbubukas ng mata
Gaya ng hindi maging sakim at mapag-imbot sa kapwa
Bagkus, maghintay at magpasalamat sa bigay na biyaya!





Discussion

Leave a response