Ang Pamilyang Pilipino: Misyonaryong Alagad ng Eyukarista
Posted on Tuesday, 8 December 2015
Ang
Pamilyang Pilipino: Misyonaryong Alagad ng Eyukarista
Ni Apolinario Villalobos
Isang matatag na hibla ng pananampalatayang
Kristiyano…ito ang pamilyang Pilipino. At, ang panata ay marubdob na
pagpapalaganap ng Eyukarista, simbolo ni Hesus na nagligtas sa sangkatauhan
mula sa mga minanang kasalanan. Ang malalim na pagkaugat ng pananampalataya sa
bawat tahanan, payak man o nakakariwasa ay bunga ng halos limampung siglong
paghubog ng mga Kastilang prayle sa kanilang mga ninuno. May sangkot mang
karahasan, inunawa na lang dahil sa layuning maka-Diyos, at dahil na rin sa
paniniwala na ang mga nabulagang prayle ang nagkamali noon at hindi ang
simbahan.
Hindi lang Pilipinas ang sinasaklaw ng
taimtim na pananampalataya dahil kahit sa ibayong dagat, saan man nakakarating
ang mga anak, ina, o ama ng isang Pilipinong pamilya bilang dumadayong
manggagawa, kipkip pa rin nila ang Bibliyang pilit pinalulusot sa mga paliparan
at daungan. Sa mga bansang iba ang umiiral na pananampalataya, nagagawa pa rin
nilang magtipon-tipon nang palihim upang ipadama sa isa’t isa na buo ang
katatagan nila bilang mga Kristiyano na hindi nagsasawa sa mga salita ni Hesus.
Marami nang naparusahan, subalit hindi hadlang ang kanilang kamatayan upang ang
pagsamba nila sa Diyos ay mapigilan.
Ang Eyukarista na maituturing na isang
pagtitipon, kung saan ay nasa gitna si Hesus… ay lalong tumatatag at lumalawak
pa ang nilalambungan ng biyaya nito dahil sa pambihirang katangian ng pamilyang
Pilipino. Marami nang hadlang ang kanilang nalampasan sa pag-usad ng panahon na
lalo pang nagpalakas ng kanilang pananampalataya dahil sa paniniwalang walang
makakatalo sa kapangyarihan ng Diyos na siyang naglalang ng lahat sa ibabaw ng
mundo. Hindi sila mahirap akayin dahil sa paniniwala na kung tungo sa kabutihan
ang landas na tatahakin lalo pa at ang gabay ay si Hesus, walang pasubaling
sila ay susunod.
Hindi maiwasan kung may ibang pamilyang
napapalihis ng daan dahil sa umiiral na makabagong panahon, subali’t may mga
pangyayari at pagkakataon na nagpapakita ng pagbabago…at ito ang hangad sa
kanila ng ibang pamilya na sa kanila ay maigting na kumakapit upang hindi
tuluyang maligaw. Ang damayan ay bahagi na ng kultura ng mga Pilipino na
nagpapatatag ng bawat tahanan, at isa rin itong katangian na ginagamit sa paggabay
sa kanilang kapwa upang mapanatili ang katatagan ng pananampalataya. Nagsisilbi
din itong lakas na ginagamit ng bawa’t pamilyang Pilipino upang maakay pabalik
sa tamang landas ang mga naligaw.
Mapalad ako dahil ako ay bahagi ng isang
pamilyang Pilipino na may matatag na pananampalataya sa Panginoon at bahagi ng
pagtitipong Eyukarista… na ang kahalagahan ay pilit kong pinamamahagi sa abot
ng aking makakaya. Hindi man nakakariwasa sa anumang materyal na bagay, hitik
naman ang pagkatao ko ng mga bagay na buong puso kong inaalay sa Kanya. Ang
puso ko ay pinatitibok ng taos kong pananampalataya, at ang aking payak na
karunungan ay umaapaw sa paniniwala sa Kanyang kapangyarihan.
Nagpapasalamat ako dahil itinuring ako ni
Hesus bilang kapatid niya…at sa pagturing na yan ay kasama ang aking pamilya.
Sumasama ang aking kalooban kapag nakakarinig ako ng panlalait kay Hesus ng mga
hindi nakakaunawa sa Kanya. Halos magutay ang aking puso kapag ako ay
nakakakita ng mga sinasadyang paglihis mula sa itinuro niyang tamang daan.
Tinatanong ko ang aking sarili kung bakit sa kabila ng paghirap at kamatayan
Niya sa burol ng Golgota, ay nagagawa pa rin ng ibang siya ay itakwil.
Ganoon pa man, dahil sa nakagisnan ko nang katatagan bilang
katangiang bahagi ng pamilyang Pilipino, naniniwala akong sa abot ng makakaya
ko… namin….at nating lahat, matatamo din ang matagal nang inaasam na kapayapaan
at pagkakaisa na siyang layunin ng Banal na Eyukarista – simbolo ng pagmamahal
ni Hesus sa sangkatauhan at buong mundo!
Discussion