Baguhin ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki
Posted on Wednesday, 23 December 2015
Baguhin
ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki
Ni Apolinario Villalobos
Taun-taon na lang ay may New Year’s
Resolution ang bawa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit malakas ang loob ng
karamihan sa atin na lumihis ng landas mula unang araw ng Enero hanggang huling
araw ng Disyembre…dahil pwede naman daw magsisi bago matapos ang taon.
Hindi madaling magbago ng ugaling malalim
na ang pagkaugat sa ating pagkatao. Kailangan ang pambihirang disiplina upang
magawa ito o di kaya ay isang milagro. Ang masisisi sa ganitong bagay ay mga
magulang na nagpabaya dahil hindi nila nadisiplina ang kanilang mga anak habang
maliit pa lang sila upang magkaroon ng mga ugaling maipagmamalaki. Ang mga
sumusunod ay ilan lamang sa mga ugaling sumisira ng pagkatao:
·
Ang pagiging batugan na
nagreresulta sa katamaran. Nakaugalian ng karamihan na tuwing weekend ay
gumising ng tanghali. Ang dahilan ay bumabawi lang dahil buong linggo naman daw
ay kayod-kalabaw sila. Dahil sa ganoong pananaw, nahawa sa ganitong ugali ang
mga anak na paglaki ay magpapasa rin ng ganitong maling pananaw sa kanilang mga
anak. May iba diyan na dahil sa pagkabatugan, tapos nang magluto ng tanghalian
ang kapitbahay, sila ay humahagok pa rin sa pagkakatulog.
·
Ang pagiging abusado sa mga
taong tumutulong. Dapat unawain na hindi lahat ng nakakatulong lalo na yong
katamtaman lang naman ang uri ng pamumuhay ay palaging nakakaluwag. Ang mga
kusa nilang naibabahagi ay ekstra lamang kaya hindi palaging meron sila nito.
Ang hirap lang sa ibang naabutan minsan ng tulong, ang gusto ay araw-arawin na
ito ng nakatulong, kaya kapag hindi nangyari ang inaasahan nila, sasama na ang
loob. Kung ang mga mayayaman nga, maliban na lang ang may mga Foundation, ay
minsanan lang kung tumulong, paano pa kaya ang mga nasa “middle class” o yong mga nasa “lower class” subalit may pambihirang
ugaling matulungin?
·
Ang pagiging “sipsip” sa boss.
May mga taong sagad-buto na yata ang pagkamakasarili kaya gumagawa ng lahat ng
paraan upang umangat lang, kahit pa marami silang natatapakan o nasasagasaan.
Ang mga taong ito ay yong klaseng wala naman talagang ibubuga sa trabaho kaya
“sumisipsip” na lang sa boss, na halos umabot sa paghimod sa puwet nito,
ma-promote lang. Unfair ito sa mga kasama nila sa trabaho na karapat-dapat
umangat dahil sa talino at kakayahan.
·
Ang pagiging pekeng makatao at
maka-Diyos. Ang isa pang tawag dito ay kaipukrituhan. Ito ang mga taong umaasa
ng “bayad” o “balik” o “sukli”, kapag nag-abot ng tulong sa kapwa. Ito ang mga
taong palaging may kamera kapag pumunta sa mga evacuation center o mga lugar na
sinalanta ng kalamidad at may mga dala rin namang relief goods. Okey lang kung
malakihang operasyon na tulad ng ginagawa ng DSW o di kaya ay mga NGOs dahil
dapat may maipakita silang patunay na pinamigay nila ang mga donasyon. Subalit
kung kusang “tulong-kaibigan” na hindi naman big-time o malakihan, bakit
kailangan pang magkodakan? Ang mga gumagawa nito ay yong may ambisyon sa
larangan ng pulitika o nangangarap na maging santo o santa.
·
Ang pagiging abusado sa
katawan. Ang pag-aabuso sa katawan ay nagiging sanhi ng pagkasira ng kalusugan.
Ang mga taong abusado sa ganitong bagay ay yong may mga bisyo na kahit alam
nang nakakasama ay tuloy pa rin sila sa ginagawa. Nagpapabaya rin sila
pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa tamang pagkain. Ito ang mga maaarte
na ayaw kumain ng gulay halimbawa, dahil hindi nila gusto ang lasa kahit alam
nilang mahalaga sa kalusugan, kaya sila ay ginagaya ng mga anak na lumaki na
lang sa pagkain ng hot dog at hamburger o piniritong itlog.
·
Ang pagiging bulagsak sa pera.
Ito yong mga taong kung gumastos ay parang wala nang susunod pang mga araw na
paggagastusan, kaya kung suwelduhan sila, ang natatanggap tuwing 15/30 ay sandail
lang nilang nahahawakan….ang resulta - kung may mga emergency na pangangailangan,
hanggang nganga na lang sila!
·
Ang pagiging palamura. Ang
pagmumura ay talagang masama….pagsabihan ba naman halimbawa ang isang tao ng
“puta ang ina mo”, o di kaya ay “anak ka ng puta”. Dapat ay baguhin na itong
ugali. Kung hindi maiiwasan, putulin na lang ang mga linya…halimbawa, sa halip
na “puta ang ina mo” ay sabihin na lang na “…ina mo”, at ang “anak ka ng puta”
ay “….anak ka”. Huwag murahin sa Ingles ang mga walang alam sa wikang ito…huwag
gawing dahilan ang kawalang kaalaman nila sa Ingles upang paliguan sila ng mga
pagmumurang tulad ng, “shit”, “damn it”, “son of a bitch”, etc., dahil baka
murahin ka rin sa dialect na hindi mo alam!
HAPPY NEW YEAR NA LANG SA MAKAKABASA…..LALO
NA ANG NATUMBOK!
Discussion