0

Nang Dahil sa Sobrang Privacy at Kayabangan...(mga kuwentong kapupulutan ng leksiyon)

Posted on Tuesday, 8 December 2015

Nang Dahil sa Sobrang Privacy at Kayabangan…
(mga kuwentong kapupulutan ng leksiyon)
Ni Apolinario Villalobos

Mahalaga sa buhay ng tao ang pakikipagkapwa at ang pagiging simple lang sa buhay. Pwedeng ipagmalaki ang mga biyayang natamo dahil pinaghirapan pero hindi dapat ipagyabang. Ang pagmamalaki ay hindi masyadong mabigat ang dating hindi tulad ng pagyayabang kahit halos pareho lang ang ibig sabihin ng dalawang kataga.

Nagpapakita ng sobrang privacy ang iba kung ayaw nilang lapitan sila ng mga nagso-solicit, o ng mga namumulot ng basurang makikiinom na kumakatok sa gate, o di kaya ay mismong mga kapitbahay na feeling nila ay “poor” at hihingi lang ng walang katapusang tulong . Halos hindi din sila nakikita sa labas ng bahay, dahil wala silang pakialam sa mga kapitbahay, na okey sana kahit papaano, subalit kung haluan ng pagmamataas dahil sila ay nakakaangat sa buhay daw…iba na ang usapan. Ang isang paraan sa pagpapahiwatig na ayaw nilang maistorbo dahil hindi naman daw sila nakikialam sa iba, ay ang pagpapalakas nila ng tugtog. Kung magpa-party naman, ang mga imbitado ay mga taga-ibang lugar, puro may kotse kaya ang kahabaan ng kalye sa tapat nila ay umaapaw sa mga ito. Alam ko ito dahil kuwento ito ng isa kong kaibigan na ganito ang ugali, na nagkaroon ng mga kaibigang nakilala lang niya sa mga party kaya hindi niya gaanong alam ang mga pagkatao.

Ang kaibigan kong ito ay kumakagat sa mga business proposal na inaalok  sa kanya ng mga taong tingin niya ay mayaman naman. Hindi pumasok sa isip niyang siya ay ginagamit lang. At upang ipakita na kahanay siya ng mga ito sa “mataas na lipunan”, kahit walang alam sa golf ay bumili ng mga gamit upang makasabit sa paggo-golf ng mga ito. Puro naman siya sablay sa palo, kaya kadalasan ay nakaka-tatlong kape siya habang nanonood na lang. Paanong hindi sasablay ay mataas lang siya ng one foot sa mga golf clubs! Siya din ang nagkukuwento ng mga “adventure” daw niya pati ang pagsasama niya sa mga casino, sabay tawa.  Pagkatapos ng golf ay naghahatid pa siya sa dalawang kaibigang tamad magmaneho ng kotse nila, pero ang gamit naman ay kotse niya.  Hinihiraman din siya ng mga gamit na kailangan daw sa opisina. Upang ipakitang kaya niyang gumastos, bumibili pa siya ng ibang mga kailangang gamit.

Sa kasamaang palad, bago niya namalayan ay nalusaw na pala ang kanyang mga investment, laspag ang kotse at ang mga gamit na pinahiram para sa opisina ay hindi na naibalik. Naka-apat siya ng “business ventures” na inalok ng mga ka-golf niya, na puro nauwi sa wala. Nang mag-usap kami minsan nalaman ko na ang gusto lang sana niyang mangyari ay “makita” ng ibang tao na siya ay isang “businessman” tulad ng dalawa niyang kapitbahay na may mga puwesto sa mall…kaya ang inipong pera para sa retirement nilang mag-asawa ay halos nasaid. Ngayon ang bahay nila ay nakasangla, may sakit pa silang mag-asawa sa puso dahil sa nervous breakdown. Ang mga dating ka-sosyo at ka-golf ay halos hindi na pumapansin sa kanya. Pinaliwanagan naman daw siya, pero ang sabi ay, “…ganoon talaga sa negosyo, minsan ay sinusuwerte pero kadalasan ay bumabagsak”.  Ang kaibigan ko ay dating manager ng isang multi-national company sa Saudi….na ang kuwento ng buhay ay “from rags to riches”….na kadalasan namang nagreresulta sa pagiging social climber.

Yon namang isa kong kilala ay mahilig magpakita ng mga biyaya, ibig sabihin ay mayabang. Setyembre pa lang ay nagtodo na sa paglagay ng mga Christmas lights sa loob at labas ng bahay na dati na niyang ginagawa.  Kahit masikip na ang bahay, ay may Christmas tree pa rin na umabot ang taas sa kisame. Nang pumunta ako sa kanila sa Pasay isang gabi ng Oktubre, nakita kong halos naglalagablab na ang bahay nila sa dami ng Christmas bulbs. Nagpayo uli ako na baka masunog sila. Ang sagot sa akin ay hayaan na lang dahil mura lang naman daw ang pagkabili ng mga Christmas bulbs at mabuti nga dahil napapansin agad ang bahay nila.

Makalipas ang dalawang linggo, nang pasyalan ko uli, nagulat ako dahil mahigit kalahati ng bahay nila ay naging uling. Ang kaibigan ko naman at pamilya niya ay nakikitira na lang ngayon sa isang pinsan na binabayaran niya ng tatlong libong piso isang buwan para sa isang entresuwelo o extension ng bahay – sa isang slum area malapit sa kanila.  

Yong isa pang kuwento ng kayabangan at sobrang privacy ay tungkol naman sa isang pamilya na feeling mayaman na, kahit hindi pa naman. Malakas magpatugtog kaya hanggang sa ikaapat na bahay mula sa kanila ay abot ang ingay na animo ay galing sa isang videoke unit. Gusto yatang ipabatid na palaging may party sa kanila. Hindi rin sila nakikisama sa mga kapitbahay.

Isang araw ay pinasok sila ng mga magnanakaw. Ang nakita ng isang kapitabahay ay nakaparadang mamahaling kotse at van sa labas nila at naririnig pa rin ang malakas na tugtog. Sunod na nakita naman ay tatlong lalaki na disente ang mga ayos at mukha na lumabas ng bahay at may mga bitbit na gamit.  Hindi sila pinansin ng mga kapitbahay, kahit nakailang beses sila ng hakot ng iba’t ibang gamit sa van. Bandang huli, nakita silang lumabas ng pinto na halos pasigaw pang “nagpaalam” sa kung sino man sa loob ng bahay.

Nalaman na lang mga kapitbahay na may nangyari palang nakawan nang dumating ang nanay ng kasambahay ng may–ari ng tinutukoy kong bahay. Pabalik-balik na pala ito at inabot na ng hapon sa katatawag sa gate pero hindi pinagbubuksan. Dahil nag-alalang baka ikinulong ng mga amo ang anak niya, tulad ng mga kuwentong napapanood sa TV, humingi ito ng tulong sa Barangay. Ang ginawa ng isang Barangay tanod ay umakyat sa pader na lampas-tao at sumilip sa bintana, pero nagulat siya dahil hindi nakakandado ang pinto nang subukan niya itong buksan. Nang pumasok siya, naghinala siya na pinagnakawan ang bahay dahil halata ang mga pinagtanggalan ng mga appliances, may mga kawad pa kasing naiwan. Ang mga miyembro naman ng pamilya na nakagapos at may mga tape sa bibig ay pinagsisiksikan na parang sardinas sa banyo. Ang anak na dalagita ay nakita sa isang kwarto at nalamang na-rape pala! Ang hinala ng mga taga-barangay ay pinalitan ng mga magnanakaw ang kandado ng gate upang hindi mabuksan ng sasaklolo kaya nai-lock nila ito nang sila ay umalis.


Ang hirap lang sa iba nating kapwa nilalang ng Diyos, nang magkaroon ng pera ay “feeling secured” na kaya para sa kanila ay hindi na nila kailangan ang tulong ng ibang tao. Ang dasal ko….sana ay magbago sila ngayong pasko….Amen?

Discussion

Leave a response