Evelyn Borromeo: Buhay at Sigla ng mga Pagtitipon
Posted on Thursday, 31 December 2015
Evelyn
Borromeo: Buhay at Sigla ng mga Pagtitipon
Ni Apolinario Villalobos
Belen ang palayaw niya at kilala siya sa
subdivision nila dahil sa likas na ugaling matulungin. May marinig lang siyang
kuwento tungkol sa isang taong hirap sa pag-submit ng mga papeles sa ano mang
ahensiya ng gobyerno, siya na mismo ang nagkukusa ng kanyang tulong. Kung
mayaman ang nagpapatulong, binibigyan siya ng pamasahe at pang-miryenda, pero
kung kapos sa pera, tinatanggihan niya ang inaabot sa kanya. Nakakarating siya
sa Quezon City, Cubao, Pasay, Maynila, Trece Martirez at humaharap din sa Mayor
ng Bacoor City o kung sino pang opisyal ng lungsod kung kailangan. Kung hindi
nga lang siya anemic ay baka regular din siyang nagdo-donate ng dugo sa mga
nangangailangan.
Kahit babae siya, pinagkatiwala sa kanya ng
Perpetual Village 5 Homeowners’ Association ang pag-asikaso sa basketball court
at mga palaruang pambata sa magkabilang dulo nito. Officially, siya ang
Administrator ng area na yon ng subdivision, kaya kapag may gagamit ng ilaw sa
gabi sa paglaro ng basketball court, siya ang nilalapitan. Dahil saklaw din
niya ang “cluster” na sumasakop sa tatlong kalyeng nakapalibot sa basketball
court, kung may gulo, siya pa rin ang tinatawag. Matapang siya at walang
pinangingilagan, palibhasa ay dating “batang Pasay”. Tawag ng iba sa kanya sa
lugar nila ay “amasona”…subalit ibang pagka-amasona, dahil ang tapang niya ay
ginagamit niya para sa kapakanan ng iba. Hindi siya ang tipong matapang na
bara-bara ang dating.
Naging presidente din siya ng subdivision
nila at noong kanyang kapanuhanan ay marami siyang nagawa upang mapaganda pa
ang kanilang lugar. May mga nag-uudyok sa kanyang tumakbo sa Barangay, pero ang
mga malalapit sa kanya ay nagpayo na huwag na dahil baka magkasakit lang siya lalo
pa at inaasikaso din niya ang kanyang asawang si Nelson na nagpapagaling sa
‘stroke”. Sa totoo lang siguro, ayaw nilang mawala si Belen sa kanilang
subdivision bilang Administrator ng basketball court at Cluster Leader.
Tuwing umaga, ang unang ginagawa niya ay
i-check kung saan nagwo-walking upang mag-exercise ang kanyang asawa, na
malimit ay sa basketball court lang naman. Pagkatapos ay bibili na siya ng pan
de sal at sopas para sa mahal niyang asawa. Sinusubuan din niya ito, subalit
hindi niya pinapakita sa iba (nahuli ko lang siya minsan), dahil hindi siya
“showy” o pakitang-tao sa kanyang pagmamahal dito. Kahit nakakapagtiyaga siya
sa mga simpleng ulam lalo na gulay, pino-problema pa rin niya ang uulamin ng
mga kasama niya sa bahay kaya kung minsan ay napapahiwalay ang ulam niya
mapagbigyan lang iba na ang gusto ay karne.
Maganda ang pagkahubog ng pagkatao ni Belen
dahil ang mga magulang niya ay huwaran sa sipag at pagpapasensiya. Lumaki siya
sa palengke ng Pasay (Libertad market) kaya batak ang katawan niya sa hirap. Noong
nag-aaral pa siya, maaga siyang gumigising upang makatulong muna sa paglatag ng
paninda nila bago siya papasok sa eskwela. Pagkagaling naman sa eskwela diretso
uli siya sa puwesto nila upang tumulong sa pagtinda. Magaling sa diskarte at
sales talk si Belen…madali siyang paniwalaan. Kung nagkataong nakatapos siya ng
pag-aaral, malamang ay maski hanggang puwestong Vice-President sa isang
kumpanya ay kaya niyang pangatawanan. Subalit dahil sa kakapusan ng pera, nauwi
siya sa maagang pag-asawa…kaya parang naka-jackpot ang asawa niya sa kanya.
Buhay at sigla si Belen sa mga pagtitipon
dahil kapag nahalata niyang medyo nagkakahiyaan sa pagsayaw ay pinapangunahan
niya at may halo pang pa-kenkoy na sayaw upang makapagsimula lang ng kasiyahan.
Hindi rin siya maramot dahil ang mga tanim niya sa bakuran ay libre para sa
lahat na makagusto – may kalamansi, kung minsan ay talong at ampalayang ligaw.
Magaling din siyang magluto ng mga kakanin lalo na ng maja blanca at
piche-piche, kaya kung may okasyon sa lugar nila, sa kanya umoorder ng mga
ganito.
Tatlo ang anak ni Belen. Ang panganay na
babae ay nasa Gitnang Silangan kasama ang kanyang asawa at tatlong anak. Ang
pangalawang lalaki naman ay nasa bahay lang at nangangasiwa ng home-based
internet shopping, at ang bunso ay magtatapos na ilang taon na lang mula
ngayon.
Wala nang hinihiling pa si Belen sa Diyos
dahil ayon sa kanya, halos lahat ng pangangailangan niya ay ibinigay na sa
kanya….at ayaw na rin niyang humiling pa para mabigyan naman daw ng pagkakataon
ang iba.
Discussion