0

Ang Lumpiang Sariwa ni Flor Enriquez-Francia sa Quiapo

Posted on Thursday, 31 December 2015

Ang Lumpiang Sariwa ni Flor Enriques-Francia
Sa Quaipo
Ni Apolinario Villalobos

Mahigit apatnapung taon nang kilala ang lumpiang sariwa na binebenta ni Flor Enriquez-Francia sa labas ng simbahan ng Quiapo. Subalit ngayon ang nagpatuloy sa pagtinda ay ang kaniyang pamangkin na si Nathaniel. At, kung dati ay sa bilao lang nakalatag ang mga lumpia, ngayon ay nasa kariton na at naka-styro at may balot pang plastic sheet upang masigurong hindi naaalikabukan o madapuan ng langaw.

Una kong natikman ang lumpia noong taong 2002 nang umusyuso ako sa selebrasyon ng kapistahan ng Black Nazarene. Si Flor naman ay nakapuwesto sa hindi kalayuang Avenida dahil ipinagbawal muna ang mga sidewalk vendor sa Plaza Miranda. Sa pag-uusap namin, binanggit niyang basta walang okasyon sa labas ng simbahan ng Quiapo, sa Plaza Miranda siya nagtitinda, kaya nang bumalik ako sa Quiapo makaraan ang ilang linggo ay nakita ko nga siya doon at halos hindi magkandaugaga sa pag-asikaso sa kanyang mga suki. Matagal bago ako nakasingit upang bumili ng dalawang pirasong inilagay niya sa maliit na supot na plastic at nilagyan ng sarsa. Mahirap kainin ang lumpia kung nakatayo at hindi nakalagay sa platito o pinggan. Kailangang hawakan ang supot na parang saging at ang ilabas lang ay ang dulo ng lumpia. Pero kapag sanay na ay madali nang gawin ito.

Nang dumagsa ang iba pang vendor sa labas ng Quiapo church ay hindi ko na nakita si Flor. Inisip ko na lang na baka umuwi na sa probinsiya o baka nagsawa na sa pagtinda ng lumpia. Subalit nang minsang namili ako sa Villalobos St. ay may nasalubong akong lalaking nagtutulak ng maliit na cart at ang laman ay mga lumpiang naka-styro.  Hindi ko siya pinansin dahil inisip kong katulad lang din siya ng ibang naglalako ng pagkain sa lugar na yon.

Sa pagpasok ng huling linggo nitong Disyembre, bumalik ako sa Quiapo kasama ang mga kaibigang balikbayan upang bumili ng mga panalubong nila pagbalik sa America at Canada. Nakita ko uli ang lalaking nagtutulak ng cart na may mga sariwang lumpia. Nagtanong na ako kung inabot niya ang “original” na nagtitinda ng lumpia sa Quiapo. Ikinagulat ko ang kanyang sagot dahil tiyahin pala niya ang tinutukoy kong tindera, at idinagdag pa niya na ang buong pangalan ay Flor Enriquez-Francia. Nasa bahay na lang daw ito at doon niya inihahanda ang mga lumpia na kinakariton naman ni Nathaniel.

Halos isang taon din pala bago naitinda uli ang lumpiang gawa ni Flor at ito ay pinangatawanan na ni Nathaniel na umaming maski anong mangyari sa kanyang tiyahin, ay walang problema dahil naituro na sa kanya ang sekreto sa pagtimpla lalo na ng sarsa. Nakakadalawang hakot ng mga lumpia si Nathaniel hanggang dapit-hapon kaya malaking bagay daw para sa kanilang magtiyahin ang kinikita niya lalo pa at nagkaka-edad na rin ito kaya marami na ring pangangailangan.


Ang ginawa ni Flor ay isang halimbawa ng pagbuhos ng katapatan sa anumang bagay na ginagawa – walang panloloko, kaya lumpia man, na sa paningin ng iba ay napaka-simple, kung hindi naman masarap ay madaling makakalimutan. Ganyan dapat ang ugali ng tao… bukal sa kalooban ang anumang ginagawa maliit man ito o malaki, pansarili man o nakaka-apekta ng kapwa.



Discussion

Leave a response