Ang Malaking Puso ni Baby Eugenio...may karinderya sa Fort Santiago (Intramuros, Manila)
Posted on Wednesday, 30 December 2015
Ang
Malaking Puso ni Baby Eugenio
…may
karinderya sa Fort Santiago (Intramuros)
Ni Apolinario Villalobos
Sa unang tingin, aakalaing suplada si Baby
dahil tisayin ang mukha at halos hindi ngumingiti, subalit kapag nakausap na ay
saka pa lang makikita ang tunay niyang pagkatao – malumanay magsalita at hindi
man ngumingiti ng todo ay madadama sa kanyang pananalita ang kababaan ng loob.
Nang umagang napasyal ako sa Fort Santiago,
napadaan muna ako sa kanyang karinderya sa gate ng parking lot at habang
nagkakape ako ay biglang napunta ang usapan namin tungkol sa buhay, lalo na ang
kanyang mga karanasan sa pagpalipat-lipat ng puwesto. Ayon sa kanya, dati ay
isa siyang typical na sidewalk vendor dahil nagtitinda siya sa mga maluluwag na
puwesto tulad ng nasa likod ng Immigration Bureau, Ancar Building, gilid ng
Jollibee at UPL Building, hanggang sa natiyempuhan niya ang puwesto sa gate ng
parking lot ng Fort Santiago. Nalula ako nang sabihin niyang 46,000 pesos ang
upa niya sa isang buwan sa puwesto. Upang makahabol sa bayarin, maliban sa
pagluluto ng mga ulam, tsitserya, kape, soft drinks, at biscuit, ay
pinangasiwaan na rin niya ang pag-asikaso sa parking lot.
Habang tinutulungan siya ng hipag niyang si
Bing sa pagluluto at pagsisilbi sa mga customer, tumutulong naman si Arbi na
anak ni Bing sa pag-asikaso sa parking lot. Pero kapag kasagsagan na ng
pagsilbi ng pagkain at iba pang mga gawain sa karinderya ay saka naglalabasan
ang iba pang umaalalay kay Baby.
Mabuti na lang at medyo nakuha ko ang
kalooban at tiwala ni Baby kaya maluwag siyang nagkuwento tungkol sa buhay
niya. Ang asawa na dati ay nagtatrabaho sa National Treasury, ngayon ay
nagpapahinga na lang sa bahay dahil humina ang katawan at nagpapa-dialysis
isang beses isang linggo. Sa kabuuhan, dalawampu’t apat ang nasa kalinga ni
Baby – mga tinutulungan niya at bilang ganti ay tumutulong din sa kanya. Anim
dati ang anak niya, subalit namatay ang panganay na kambal, kaya ang natira ay
apat.
Labing-siyam na taong gulang si Baby ng
mag-asawa. Tubong Masantol, Pampanga, siya ay nakipagsapalaran sa Maynila
hanggang sa magkaroon ng pamilya. Ang nakakabilib ay ang ibinahagi niya sa
aking kuwento tungkol sa mga taga-ibang probinsiyang nakipagsapalaran sa
Maynila na ang iba ay mga seafarer na umistambay habang naghihintay ng tawag
mula sa inaaplayang manning agency para sumakay sa barko, at kanyang kinalinga.
Sa Intramuros ay marami ang ganitong mga nakikipagsapalaran sa Maynila dahil
hindi kalayuan sa Fort Santiago ay ang opisina ng union nila. Marami ring mga
manning agencies ng seafarers sa loob ng Intramuros. Upang makalibre sa tirahan
at pagkain ay tumutulong-tulong sila sa karinderya, hanggang sa sila ay
makasakay ng barko. Ang ibang seafarers na galing sa probinsiya ay napansin
kong umiistambay naman sa Luneta o di kaya ay sa isang lugar na itinalaga sa
kanila, sa labas ng National Library of the Philippines.
Ano pa nga ba at ang karinderya ni Baby ay
mistulang “halfway home” o “bahay-kalinga” ng mga probinsiyanong seafarers.
Hindi na maalala ni Baby kung ilan na ang kanyang natulungan na ang ibang
nakakaalala sa kanyang kabutihan ay bumabalik upang magpasalamat, subalit ang
iba naman ay tuluyang nakalimot sa minsan ay tinirhan nilang karinderya sa Fort
Santiago. Nangyari ang ganitong pagkakawanggawa sa loob ng limang taon hanggang
ngayon, sapul nang siya ay mapapuwesto sa bukana ng Fort Santiago.
Para kay Baby, na ngayon ay 58 taong
gulang, pangkaraniwan na sa kanya ang pag-alalay sa kapwa o maging maluwag sa
kanilang pangangailangan. Napatunayan ko ito nang biglang may lumapit sa kanya
upang magtanong kung pwede silang kumain sa karinderya subalit hindi bibili ng
pagkain dahil may baon sila. Walang patumpik-tumpik na pumayag si Baby, kahit
pa sinabi ng nagpaalam na dalawampu sila. Ibig sabihin ay gagamitin nila lahat
ng mesa at silya, kaya walang magagamit ang mga kostumer. Pero bale-wala kay
Baby ang lahat…okey pa rin sa kanya. Mabuti na lang at napansin ng hipag niya
na ang porma ng grupo ay parang sasali sa programa para kay Jose Rizal dahil
nang araw na yon, December 30, ay paggunita ng kanyang kamatayan, kaya
iminungkahi niya sa lider ng grupo na upang hindi sila mahirapan ay sa
piknikan, sa loob na mismo ng Fort Santiago sila kumain dahil mas presko at
marami ring mesa at upuan, at ang lalong mahalaga ay ilang hakbang na lang sila
sa lugar na pagdadausan ng programa kung saan sila ay kasali.
Ibinahagi ni Baby na hindi man siya mayaman
sa pera, ay mayaman naman siya sa pakisama. Natutuwa na siya sa sitwasyon
niyang ganoon. Mahalaga sa kanya ang pagtulong sa kapwa bilang pasasalamat sa
Diyos dahil sa ibinigay sa kanyang mga biyaya. Nakapagpundar na silang
mag-asawa ng isang bahay na katamtaman lang ang laki sa Molino, Bacoor City
(Cavite).
Discussion