Ang Nanay naming Matapang at Mahilig Mag-ampon
Posted on Thursday, 24 December 2015
Ang
Nanay naming Matapang at Mahilig Mag-ampon
Ni Apolinario Villalobos
Ang pangalan niya ay Angelica pero ang
palayaw niya ay “Ica”. Bunso siya at nag-iisang babae sa kanilang magkakapatid.
Mabait siya pero matapang dahil kahit maliit ay marunong humawak ng itak kaya
sa palengke noong maliit pa ako, kung saan may puwesto kami ng tuyo pero nalugi
kaya nauwi sila ng tatay namin sa paglatag sa lupa ng ukay-ukay, ay
pinangingilagan siya.
Naalala ko noong nasa Grade 1 ako,
nagkagulo sa isang inuman ng tuba malapit sa puwesto namin dahil sa isang
lasing na nagwala. Daanan ang puwesto namin papunta sa inuman ng tuba, kaya halos
naglaglagan ang mga tuyo dahil sa dagsa ng mga taong nagtakbuhan. Sa inis ng
nanay namin, kinuha ang itak na nakatago sa ilalim ng bangko at sinugod ang
nagwawalang lasing. Nang makita siya ay parang nahimasmasan dahil kilala pala
siya nito. Lalong natakot ang lasing nang makita ang itak na hawak ng nanay
namin. Ang may-ari naman ng puwesto ay hindi mahagilap dahil tumakbo daw at
nagtago, kaya ang nanay namin ang nag-utos sa lasing na linisin ang mga kalat
tulad ng nabasag na mga maliit na garapong kung tawagin ay “Bol” na ginagamit
sa pag-inom ng tuba. Ang “Bol” ay tatak ng garapong galing sa America noon at
ang dating laman ay minatamis yata. Antigo na ito ngayon at mahal kung bilhin
sa antique shop.
Nang kumandidato ang nakakatanda niyang
kapatid bilang Vice-Mayor, pati ang pamilya namin ay nadamay sa mga intriga. Sa
inis niya ay nag-research kung sino ang nagpasimuno ng isang intriga at nang
malaman niya ay sinugod sa bahay at hinamon ng away sa kalsada. Binantaan din
niyang huwag nang dumaan sa tapat namin at huwag na huwag daw magpakita sa
kanya. Nagkaroon ng problema ang intrigera dahil ang bahay namin ay nasa tapat
lang ng plasa kaya kung may libreng sine, ay nagtatakip ito ng turban sa ulo at
mukha upang hindi makilala ng nanay namin na mahilig ding manood ng libreng
sine. Ayaw makialam ng nanay namin sa pulitika at ito ang itinanim niya sa
aming isip dahil para sa kanya na naunawaan din namin, sisirain lang ng
pulitika ang magandang samahan ng magkakamag-anak at magkakaibigan na ang isip
ay nakatuon sa hangad na makaupo sa puwesto sa anumang paraan.
Isang gabi ay nakita ko sila ng tatay namin
na nagbibilang ng mga lumang pilak na perang Kastila na matagal na nilang
naipon. Kinabukasan pinalitan ng kumpare nila ang mga pilak na pera ng bago.
Pambayad pala sa naipong utang na dahilan kung bakit wala nang nagdatingang
bagong stock ng mga tuyo galing sa Iloilo. Nalaman ko ring marami pala silang
pinautang ng paninda na hindi nabayaran kaya nalugi ang negosyo. Sa bagay na
ito, hindi ko nakitaan ng tapang ang nanay namin upang maningil dahil sa awa sa
mga umutang…mga kapos din daw kasi tulad naming. Hindi nagtagal, ibinenta nila
ang puwesto namin.
Noong ukay-ukay na ang ibinenta ng magulang
namin, sinubukan din nilang dumayo sa ibang bayan. Isang gabing dumating sila
galing sa dinayong tiyangge, may kasama silang buntis. Sa kuwentong narinig ko
isinama nila ang babaeng nakita nilang palakad-lakad sa palengke ng Tulunan,
ang dinayong bayan nang araw na yon, dahil baka daw “ihulog” ng babae ang anak
niya. Ang “ihulog” ay “ilaglag”sa Tagalog o sa Ingles ay i-“abort”. Pero dahil
bata pa ako ang na-imagine ko ay ang gagawin ng babae na “ihuhulog” ang anak
niya sa bangin! Inampon namin ang babae hanggang sa manganak. Nang umabot na
ang anak niya sa gulang na apat na taon ay pinayagan siya ng nanay namin na
bumalik sa Tulunan.
Isang beses naman, nang naghuhugas ako ng
mga reject na tuyo upang matanggal ang namuong asin ay may nakita akong batang
apat na taong gulang lang yata, umiiyak sa tabi ng public toilet. Nag-iisa lang
siya at ayaw sumagot sa mga tanong ko kaya sinundo ko ang nanay ko. Isinama
niya ang bata sa puwesto namin at inutusan ang kuya ko na maghanap ng pulis sa
palengke upang sabihan na may batang “napulot” at nasa puwesto namin. Hanggang
magsara na kami ng puwesto, ay wala pa ring kumuha sa bata kaya isinama na
namin sa pag-uwi. Araw-araw siyang isinasama sa puwesto upang makita ng kung sino
mang nakakakilala. Nang magdesisyon ang nanay naming ampunin na ang bata ay
saka naman siya nakita ng tiyuhin. Sa pag-uwi nila ay sumama kami ng nanay ko
at nagdala pa kami ng maraming tuyo upang pasalubong sa mga magulang. Nakatira
pala sila sa bulubundukin ng Magon malapit na sa boundary ng South Cotabato,
kaya napasabak kami ng “hiking” na inabot din ng ilang oras dahil napakadalang
pa ang mga sasakyan noon. Nakabalik kami sa palengke bandang hapon na. Inihatid
kami ng tatay ng bata dahil sa bigat ng pinabaon sa aming maraming bayabas at
guyabano.
Nang umuwi naman ang nanay namin galing sa
Bantayan Island (Cebu) mula sa pagdalo sa pista ng nagmimilagro daw na Sto. Niἧo, may
kasama siyang isang batang babae na ulila at limang taong gulang. Naging kapamilya
namin ang bata hanggang sa siya ay isinama uli sa Bantayan noong mag-sasampung
taon gulang na. Hindi na siya naisama pag-uwi ng nanay namin dahil nang makita
daw ang bata ng isang tiyahin ay binawi. Wala namang nagawa ang nanay namin kundi
ang umuwing luhaan.
Hindi lang tao ang nakahiligang ampunin ng
nanay namin dahil nang minsang umuwi siya ay may napulot siyang tuta na
nangangalkal sa basurahan ng isang bakery na nadaanan niya. Hindi pa ako
nag-aaral noon kaya naging kalaro ko ang tuta hanggang sa ito ay lumaki. Ang
pinaka-puwesto ng aso tuwing gabi ay ang balkonahe namin. Isang umaga ay nakita
namin siyang patay at kagat pa ang leeg ng isang asong patay din at ang
bunganga ay umaapaw sa laway, palatandaang ito ay isang asong ulol. Nakaakyat
pala sa balkonahe ang asong ulol at kung hindi napatay ng aso namin ay malamang
na kami ang nabiktima pagbukas namin ng pinto nang umagang yon.
Kung buhay ang nanay namin ngayon, malamang
ay naipagpatayo namin siya ng isang maliit na “halfway home” para sa mga gusto
niyang ampunin kahit pansamantala, pati na rin siguro ng isang maliit ding “pet
shelter”. Pero masaya na rin ako dahil alam kong inampon din siya doon sa
“itaas”.
Discussion