0

Herson Magtalas: High School Graduate pero Nakapagpatapos ng Dalawang Kapatid sa Two-Year Courses

Posted on Monday, 28 December 2015

Herson Magtalas: High School Graduate pero Nakapagpatapos
Ng Dalawang Kapatid sa Two-Year Courses
Ni Apolinario Villalobos

Nang araw na nakita at nakausap ko si Jaime Mayor, ang matapat na kutsero sa Luneta na iginawa ko ng tula, may lumapit sa akin, si Herson Magtalas. Siya pala ang Checker/Operations Coordinaor nina G. Mayor. Mabuti na lang at nakipag-usap siya sa akin dahil hindi ko nakausap nang matagal si G. Mayor sa dami ng mga turistang gustong sumakay sa kanyang karetela dahil Linggo noon. Pinatunayan ni Herson ang mga nabasa ko noon sa diyaryo tungkol sa pagkatao ni G. Mayor.

Napahaba ang aming usapan hanggang nagtanong ako kung may pamilya na siya. Sinabi niyang binata pa siya sa gulang na 28 na taon. Hindi pa raw siya mag-aasawa hangga’t hindi nakatapos sa pag-aaral ang kanilang bunso. Sa sinabi niya, naging curious ako kaya tumuloy-tuloy ang tanong ko tungkol sa kanyang buhay. Napag-alaman ko na pagka-graduate niya sa high school, hindi na siya nagpatuloy sa pag-aaral, sa halip ay nagtrabaho siya upang makatulong sa kanyang mga magulang. Nang panahong yon ay kutsero na sa Luneta ang kanyang tatay at ang kanyang nanay ay nasa bahay lang. Apat silang magkapatid at siya ang panganay.

Lahat ng pagkakakitaan ay pinasok niya tulad ng pagtitinda ng barbecue sa bangketa, pagpapadyak ng traysikel. Sinuwerte siyang makapasok sa factory sa sahod na 150 pesos/araw. Sa pagawaang yon ng damit siya natutong manahi. Sa kahahanap niya ng kanyang kapalaran, napadayo siya sa Laguna, kung saan ay nagtrabaho naman siya bilang machine operator ng Asia Brewery na ang sahod ay 280 pesos/araw. Nang lumaon pa ay napasok naman siya sa isang restoran bilang kitchen helper na ang sahod ay 300 pesos/araw. Naging salesman din siya ng Shoemart (SM) sa sahod na 380 pesos/araw. Nang napasok siya bilang pahinante o helper ng delivery van ay saka pa lang siya nagkaroon ng minimum na sahod. Tumuloy- tuloy ang pagtanggap niya ng minimum na sahod hanggang sa paglipat siya sa isang printing shop bilang taga-limbag o printer ng mga nakasubo sa computer.

Ano pa nga ba at lahat ng kaya niyang pasukan ay sinusubukan ni Herson na ang hangad ay magkaroon ng maayos na sahod dahil sa ginagawa niyang pagtulong sa kanyang mga magulang upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang nakakabatang tatlong kapatid. Nang makapasok siya sa Castillan Carriage and Tour Services bilang Checker/ Operations Coordinator ay pumirmi na siya dahil sa ahensiyang ito rin nagtagal ang kanyang tatay bilang “rig driver” o kutsero, at dahil na rin sa magandang sahod at kabaitan ng may-ari.

Unang napagtapos ni Herson ang nakababata sa kanya, si Hernea na ang linya ng trabaho ngayon ay Accounting. Sumunod naman si Heycilin na ngayon ay may magandang trabaho sa isang restaurant. Ang bunso nilang kapatid, si Homer, 16 na taong gulang ay nasa first year college at kumukuha ng Information Technology (IT). Sa pag-uusap nilang tatlong magkakapatid, napagkasunduan nilang four-year course na ipakuka kay Homer dahil kaya na nilang tustusan ito.
Sa pangunguna niya, napaayos na rin nila ang kanilang tinitirhan sa Caloocan na dati ay maliit kaya halos hindi sila magkasyang anim. Bilang panganay ay inuuna niya ang kapakanan ng kanyang mga kapatid bago ang sa kanya. Binalikat na niya ang ganitong tungkulin dahil nagkaka-edad na rin ang kanilang mga magulang. Subalit inamin niyang hanggang ngayon ay nagku-kutsero pa rin ang kanyang tatay upang hindi lang manghina dahil nasanay na sa pagbanat ng mga buto.

Ang paglalakbay ni Herson sa laot ng buhay ay pambihira dahil sa murang gulang ay napasabak na sa lahat ng mga pagsubok na angkop lamang sa mga nakakatanda. Sinabi niyang mula’t sapol ay wala na siyang inisip kundi ang kapakanan ng kanyang mga magulang at mga kapatid. Ni wala siyang pagsisisi o pagkalungkot kahit pa nilaktawan niya ang dapat sana ay panahon ng kanyang kabataan. Sa pag-uusap namin ay ilang beses niyang binanggit na ayaw niyang madanasan ng kanyang mga kapatid ang kanyang pinagdaanan kaya siya nagsikap. Mabuti na nga lang daw at ang bunso nila ay nakikipagtulungan naman kaya masikap sa kanyang pag-aaral. Ang ikinatutuwa pa niya, likas yata ang talino sa makabagong teknolohiya dahil kahit first year college pa lang ay nakakapagkumpuni na ng computer.

Larawan ng kasiyahan si Herson habang nag-uusap kami. Marami pa sana akong itatanong subalit dahil ayaw ko siyang masyadong maabala ay nagpaalam na ako subalit, nangakong mag-uusap pa kami tungkol sa operasyon ng kanilang opisina na ayon sa kanya ay marami na ring natulungan, at ang pinaiiral sa mga empleyado ay katapatan tulad ng ginawa ni Jaime Mayor na hindi nasilaw sa salaping naiwan ng turistang Pranses na naging pasahero niya.



Discussion

Leave a response