0

Bakit Hindi Pwedeng Paghiwalayin ang Ispiritwal at Materyal na mga Bagay sa Tao

Posted on Sunday, 20 December 2015

Bakt Hindi Pwedeng Paghiwalayin
Ang Ispiritwal at Materyal na mga Bagay sa Tao
Ni Apolinario Villalobos

Kaipokrituhang sabihin na dapat paghiwalayin ang mga bagay na ispiritwal at materyal sa buhay ng tao. Ang dalawa ay mga bahagi ng tao. Sa isang banda, maaari lamang mangyari ito - ang paghiwalay ng ispiritu ng tao sa kanyang katawan kung siya ay patay na. Ang tinutumbok ko rito ay mahirap ipaunawa sa isang tao ang mga salita ng Diyos kung siya ay gutom. Ang taong kung ilang araw nang gutom ay kadalasang nawawala sa sarili o di kaya ay hinihimatay dahil sa kahinaan ng katawan, kaya paano niyang mapapakinggan ang mga salita ng Diyos? Paanong mapapalakad ang isang tao patungo sa simbahan o religious rally kung nanghihina ang kanyang mga tuhod dahil sa gutom at upang matiis ay namimilipit na lang sa isang tabi? Common sense lang…dapat busugin muna ang katawan ng tao bago siya magkaroon ng hinahon nang sa ganoon ay pwede na siyang makinig ng mga salita ng Diyos dahil hindi na maingay ang kanyang bituka!

Ang hihilig magsabi ng mga pastor o pari o kung sino mang hangal na “okey lang basta busog ang ispiritu ng tao ng mga salita ng Diyos kahit gutom ang katawan”. Sila kaya ang gutumin ng ilang araw? Masasabi pa kaya nila ang mga kahangalang linya na nabanggit?...o di kaya ay makakaya pa kaya nilang magbukas ng bibliya dahil nagkakanda-duling na sila sa gutom?

Hindi dapat ipangalandakan ng mga “spokespersons” ng mga simbahang Kristiyano ang ginawa ni Hesus na pag-aayuno ng 40 na araw sa disyerto. Sabihin mang totoo ito, dapat hindi i-encourage ng simbahan ang pag-aayuno nang ganoon na lang. Dapat ay may kasamang pasubali na ang gagawa nito ay mag-ingat o magpakunsulta muna sa doktor.

Ang pinagpipilitan ko dito ay: dapat hindi gutom ang katawan ng tao kung siya ay makikinig sa salita ng Diyos. Dagdag pa rito, dapat makialam ang mga simbahan sa mga isyu na magiging dahilan ng pagkagutom ng mga tao, tulad ng kapabayaan ng DSW na mas gusto pang mabulok ang mga inabuloy na pagkain para sa mga sinalanta ng kalamidad, kesa ipamahagi agad. Dapat din silang makialam sa pamamagitan ng pagpuna sa mga kurakot sa pamahalaan. Hindi sila dapat dumistansiya sa mga problema ng mga kasapi nila pagdating sa kahit isyu man lang ng pagkain. Kapag patuloy silang hindi makikialam ay para na rin silang buwitre na nakatanghod sa isang tao habang ito ay unti-unting namamatay dahil sa gutom!

Kung sasabihin ng mga pilosopo na bawal makialam ang mga simbahan sa mga bagay na nabanggit dahil ito ang nakasaad sa Saligang Batas….aba, eh di dapat ay wala na ring eleksiyon dahil ang pagboto sa mga kandidato ay isang paraan ng pakikialam ng mga simbahan sa pulitika sa  pamamagitan ng mga kasapi nila!

Dahil lahat ng mga kasapi at opisyal ng lahat ng simbahan maliban na lang sa mga sektang hindi naniniwala sa eleksiyon, ang nagluklok sa mga opisyal sa pamahalaan, may karapatan silang magreklamo kung ang mga ito ay nagkamali, lalo pa at naging korap. Ang ibang sekta ay may mga programa sa radio at TV. Bakit hindi gamitin ang mga ito sa pagpuna sa mga korap na mga opisyal upang sila ay “masindak”, sa halip na puro na lang mga linya sa bibliya ang inuulit ng kung ilang libong beses ng mga nagsasalita na may kasama pang sigaw at kumpas, at paninira ng ibang sekta?


Ang payak kong interpretasyon sa nakasaad sa Saligang Batas na bawal ay ang pagtakbo ng mga opisyal ng simbahan para sa anumang puwesto sa gobyerno. Dapat unawaing may obligasyon ang mga opisyal ng mga simbahan na tumulong sa mga tao upang sila ay iligtas mula sa anumang kapahamakan habang sila ay nabubuhay sa ibabaw ng mundo….hindi lang mula sa hatak ng demonyo!

Discussion

Leave a response