0

Ang Department of Social Welfare...kaylan kaya magpapakatotoo?

Posted on Sunday, 6 December 2015

Ang Department of Social Welfare
…kaylan kaya magpapakatotoo?
Ni Apolinario Villalobos

Kaylan lang ay bumulaga sa buong Pilipinas ang balita tungkol sa nadiskubreng 20 sakong relief packs na ibinaon sa isang lugar ng Dagami, Leyte na inilaan dapat sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Ang mga relief packs at sako ay may tatak ng DSW at ang masama, mag-iimbistiga daw ang ahensiya pero ang resulta ay ilalabas sa susunod na buwan!...ibig sabihin ay Enero 2016! Ganoon na ba kabagal kung kumilos ang gobyerno? Nang nakawin naman ang mga relief sa isang bodega sa Cebu noong nakaraang taon at nakunan pa ng video, inimbistigahan din daw, pero inabot na ng mahigit isang taon ay wala pa ring narinig tungkol dito. Malinaw na kaya malakas ang loob ng mga kawatan sa gobyerno ay parang may nagkukunsinti sa katiwaliang ito dahil wala man lang napaparusahan…na dapat ay saklaw ng batas tungkol sa “command responsibility”.

Ang pagkasinungaling ng DSW ay lumilitaw na naman dahil sa kabila ng sinasabi ng kalihim nito mismo na si Dinky Soliman na “inililigtas” lang daw nila ang mga batang kalye tuwing may darating na bisita ay malinaw na ganoon na nga….pagsisinungaling lang. Balik na naman sa mga kalye ang mga “batang hamog” sa iba’t ibang kalsada ng Maynila at namemehuwisyo ng mga motorista. At, ngayon dahil pasko, ay nakikipag-patintero pa sa mga sasakyan at humahabol sa mg bus at jeep na kanilang pinagkakarolingan. Nasaan ang katotohanan sa sinasabi ni Soliman na inililigtas ng ahensiya ang mga ito mula sa delikadong kalagayan ng mga kalsada?

Napaga-alaman pa na mismong mga “Street Facilitators”, mga seasonal contract workers ng DSW, na siyang naghahakot ng mga batang kalye tuwing may bisitang darating, hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng allowance sa serbisyo nila noong APEC. Ano ang ginagawa ni Soliman sa pondo ng DSW para sa mga ganitong proyekto?

Marami ang bumabatikos  tungkol sa napakalaking pondo ng DSW at kung anu-anong idinadahilang proyekto na kuwestiyonable naman ang relevance o katuturan. Pinagdududahan ng mga bumabatikos na baka ang malaking pondo ay gagamitin lang para sa kampanya ng mga manok ng administrasyon. Ayaw ko sanang maniwala….subalit ilang buwan na lang eleksiyon na at nagsimula na nga ang paglabasan ng mga ads ng mga kandidato na nangangailangan ng milyon-milyong pondo.






Discussion

Leave a response