0

Napansin ko lang...

Posted on Friday, 18 December 2015

Napansin ko lang….
ni Apolinario Villalobos


Bago ako nag-facebook at nagbukas ng iba pang websites, sa email ako umasa sa pagbabahagi ng mga isinulat ko. Napansin ko kasing may nagpapadala sa akin ng mga salawikain, tula/poem, at mga kuwento sa email, kaya naisip ko na baka kumalat din ang mga isinulat ko sa tulong nila. May mga messages pang idinidikit ang mga nagpapadala na: “great essay for our spiritual growth”, “nice essay, please share with friends”, “great message in poetry to help the distressed”, etc. Napansin kong ang mga ipinapadala nila ay isinulat ng mga foreigner. Okey lang yong quotes galing sa Bibliya.  Nagkaroon ako ng ideya na sumubok magpadala sa mga ka-email ng mga ginawa ko – maraming beses…sa awa ng Diyos ay may pumansin at ako ay natuwa – dahil marami sila, more than one…. apat sila!

May isang kaibigan na nag-suggest na gumawa ako ng poem tungkol sa pakikipagkapwa pero ang ilagay kong pangalan bilang author ay ka-email niyang manunulat din pero Amerikano, na pumayag naman pagkatapos marinig ang layunin namin. Bago ko ikinalat, pinadala ko muna sa Amerikano ang poem para sa approval niya. At tulad ng inaasahan, medyo marami ang pumansin at malugod pang nagkomento, ibig sabihin ay binigyan nila ng pansin ang poem dahil siguro foreigner ang sumulat.  Mula noon hindi na ako nagpadala ng mga ginawa ko via email.

Napansin ko rin na habang lumalawak at nagiging prangka ang ibinabahagi ko, unti-unti ring nababawasan ang mga kaibigan ko. Noong mga araw na limitado sa kalikasan, buhay ng tao, at pagtulong sa kapwa na may kasamang spiritual message ang poems, tula, at sanaysay na ibinabahagi ko sa facebook, may” ilang” pumupuri at nagla-like man lang. Yong iba ngang inaasahan kong mga “kaibigan” na makakapansin ay ni hindi nagpaparamdam kung nababasa nila, ganoong may facebook naman sila at naka-public naman ako. Kung sabagay karapatan nilang hindi mag-like o mag-comment kung ayaw nila sa mga isinulat ko lalo pa siguro at natumbok sila ng message kaya guilty at nagalit sa akin. Subalit ang matinding kaplastikan ay kung sabihin nila sa akin kung mag-usap kami sa cellphone o magkita na, “ang galing mo”…para tuloy gusto ko silang sagutin ng, “neknek mo!” Ilan lang naman sila na ganito ang ugaling nabisto ko.

 Nang isama ko sa mga isinusulat ko ang korapsyon sa pulitika at edukasyon, at pagbatikos sa mga pekeng Kristiyano, ang iilan na nga lang na nagla-like ay nawala pa…subali’t sa awa ng Diyos ay napalitan naman ng iilan pa rin, na sa tingin ko ay may mas malawak na pang-unawa. May kapwa ko blogger na tumulong sa akin sa pagbukas ng ibang sites upang malagyan ng mga ibinabahagi ko pagkatapos niyang marinig ang kuwento ko, sayang din naman daw kasi kung sa facebook lang ako maglalagay.

Ang ikinababahala ko lang ay baka lumalaganap na itong sakit sa ugali na gusto kong tawaging “crab mentality syndrome” na laganap din sa mga opisina at umaatake sa mga empleyadong umaasa lang sa paninira ng co-employees at paninipsip sa boss upang umasenso. Isa rin siguro itong sakit na gusto kong tawaging “not me syndrome” na umaatake sa mga mapagkunwaring natumbok na ng pangungunsiyensiya ay deny to death pa rin.

Subalit nauunawaan ko pa rin na ang facebook ay para lang dapat sa mga “photos”. Sa pangalan ng site na “facebook” ay dapat nga lang talaga na para ito sa mga “retrato ng mukha”, pero pinalusutan ng mga gustong mag-share ng quotes kaya ini-frame nila ang mga ito. At, ito ang inaasahan ng ilang mga “viewers”, hindi “readers”. Napansin ko lang naman…kaya titigil na ako at baka may atakehin na sa puso dahil sa sobrang inis!

Discussion

Leave a response