Elena Constantino: Vendor sa Luneta
Posted on Wednesday, 23 December 2015
Elena
Constantino: Vendor sa Luneta
Ni Apolinario Villalobos
Nasumpungan ko ang puwesto ni Aling Elena
(Constantino) isang umagang naglibot ako sa Luneta upang makita ang mga
pagbabago. Madaling araw pa lang ay naglibot na ako kaya natiyempuhan ko ang
mga grupo ng nagsu-zumba. Hindi lang pala isang grupo ang nagsu-zumba, kundi
lima. Nandoon pa rin ang grupo ng mga Intsik na na nagta-tai chi, at ang mga
grupo ng ballroom dancers.
Malinis na ngayon ang mga palikuran ng
Luneta, hindi nangangamoy- ihi tulad noon. Limang piso ang entrance fee. Unang
nagbubukas ang palikuran sa may dako ng kubo ng Security personnel. Ang iba pa
ay matatagpuan sa tapat ng Manila Hotel, likod ng National Historical Institute
at tapat ng Children’s Museum.
Dahil sa pagod ko sa kaiikot, naghanap ako
ng isang tahimik na mapagpahingahan at mabibilhan din ng kape. Ang nasa isip ko
ay isa sa mga “stalls” na nagtitinda ng snacks, at dito ko nakita ang puwesto
ni Aling Elena. Kahit pupungas-pungas pa halos dahil kagigising lang ay ipinaghanda
niya ako ng kape. Marami siyang natirang pagkain tulad ng nilagang itlog at mga
sandwich. Upang mabawasan ang maraming tirang nilagang itlog ay kumain ako ng
tatlo.
Noon pa man ay may isyu na sa mga vendor ng
Luneta. Ilang beses na silang pinagbawalang magtinda sa loob, pinayagan din
bandang huli, pinagbawalan uli, pinayagan na naman, etc. Kung limang beses na
ay meron na sigurong ganitong parang see-saw na desisyon ang National Parks
Development Committee. Sa ngayon, ang upa sa isang stall na ang sukat ay malaki
lang ng kaunti sa isang ordinaryong kariton, binubungan at nilagyan ng
dingding, pinto at bintana ay Php50 isang araw. Subalit sa liit ng puwesto na
sasabitan ng mga chicherya, sa tantiya ko ay hindi aabot sa Php100 isang araw
ang tutubuin ng nagtitinda. Kaya ang ginawa nila, pati si Aling Elena ay
nagkanya-kanyang lagay ng extension na gawa sa telang habong o tarpaulin. Bawal
din daw ang maglagay ng mesa at upuan, pati ang pagluto, maliban lang sa
pagpapakulo ng tubig na pang-kape. Subalit tulad ng isang taong nagigipit,
nagbakasakali na lang sila sa paggawa ng mga ipinagbabawal upang kumita ng
maayos at masambot ang araw-araw na upa.
Inamin ni Aling Elena na ilang beses na rin
siyang naipunan ng bayaring upa kaya lahat ng paraan ay ginawa niya upang
mabayaran ang namamahalang komite sa Luneta. Ang problema niya ay kung panahon
ng tag-ulan, at mga pangkaraniwang araw
mula Lunes hanggang Biyernes kung kaylan ay maswerte na raw siya kung
makabenta ng limang balot ng chicherya. Ang tubo sa isang balot ng chicherya ay
mula piso hanggang limang piso. Kung makabuo siya ng pambayad sa isang araw,
wala na halos natitira para sa kanyang pagkain. Hindi nalalayo ang kalagayan
niya sa mga nagtitinda gamit ang bilao sa bangketa ng mga palengke….gutom din, kaya
wala na talagang magawa si Aling Elena kundi ang magtiyaga. Okey naman daw ang
kinikitang tubo na umaabot sa Php200 isang araw kung weekend, lalo na ngayong
pasko.
Nagulat lang ako nang sabihin niya na may
isa pala siyang apo na pinapaaral sa Mindoro. Nabasa siguro niya ang isip ko
kaya siya na ang nagkusang magsabi na hindi siya pinababayaan ng Diyos dahil
kahit papaano ay nairaraos niya dahil mura lang ang tuition sa probinsiya at
may pinagkikitaan din kahit kaunti ang apo niya na nasa first year college.
Wala siyang gastos sa pamasahe dahil sa maliit na puwesto na rin siya
natutulog. Ganito na raw ang buhay niya sa Manila mula pa noong 1972 pagkatapos
niyang mag-asawa sa gulang na labing-pito.
Mahigit pitumpong taon na si Aling Elena at
marami na rin daw siyang nararamdaman lalo na sa kanyang mga kasu-kasuan
(joints), pero tuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa dahil baka lang daw
magkasakit siya kung siya ay tumigil. Hindi rin siya kikita sa Mindoro dahil
tag-gutom din daw doon at palaging binabaha ang bayan nila.
Upang kumita pa si Aling Elena,
naka-tatlong mugs ako ng kapeng ininom at ang tatlong itlog ay dinagdagan ko pa
ng dalawa, bumili rin ako ng sampung balot ng chicherya na inilagay ko sa bag
para sa mga batang pupuntahan ko. Nang paalis na ako ay may dumating na babaeng
may bitbit na mga nakataling tilapia, nahuli raw sa Manila Bay. Inalok si Aling
Elena na umiling lang dahil nga naman ang kinita ay ang binayad ko pa lang.
Dahil napansin kong nagtitinda din siya ng ulam, ako na lang ang nagbayad upang
mailuto niya agad, mura lang kasi sa halagang Php60 at sabi ng nagtinda ay
tumitimbang daw lahat ng isang kilo.
Mabuti na lang at naantala ang pag-alis ko
dahil sa pagdating ng babaeng nagtinda ng tilapia. Naalala ko tuloy na kunan ng
litrato si Aling Elena na nagpaunlak naman. Mula sa puwesto ni Aling Elena ay
naglakad na ako patungo sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)….
Discussion