0

Nakakasama ang Pagpuri sa Taong Madaling Lomobo o Lumaki ang Ulo

Posted on Saturday, 19 December 2015

Nakakasama ang Pagpuri sa Taong
Madaling Lomobo o Lumaki ang Ulo
Ni Apolinario Villalobos

Mahalagang tantiyahin ang isang tao bago siya purihin dahil maaaring makakasama pa sa kanya kung may ugali siyang mayabang kaya madaling lomobo o lumaki ang ulo – isang palatandaan ng mahinang pagkatao.  Ito yong taong may itinatagong pangarap na makilala sa ano mang paraan at nag-aabang ng pagkakataon. Sa isang papuri lang, ay para na siyang lobo na biglang lulutang sa hangin, at ang kinikimkim na kayabangan ay biglang umaalagwa. Madalas mangyari ito sa mga taong  may pangarap na pumasok sa larangan ng pulitika, pero sa simula ay pakiyeme pa, kaya hihingi daw muna ng gabay mula sa Diyos.

Hindi madaling maging pinuno, lalo na kapag pulitika ang papasukan dahil marami ang masasakripisyo tulad ng katahimikan at kapakanan ng pamilya. Marami ring katangiang hinahanap sa isang pinuno, tulad ng kakayahan niyang makinig at sumunod sa mga payo, pagiging mapagpakumbaba kaya hindi dapat naaapektuhan ng mga papuri, may mahabang pasensiya, handang gumastos mula sa sariling bulsa nang walang kapalit, malawak ang pang-unawa sa mga pagkakaiba ng iba’t ibang uri ng tao, at may takot sa Diyos kaya hindi sinungaling dahil alam niyang mapaniwala man niya ang kanyang kapwa, ang Diyos na nakakakita ng lahat at sa lahat ng pagkakataon, ay hindi.

Hindi nangangahulugang ang isang tao na maraming kaibigan at palabati ay magiging epektibo nang lider. Hindi dapat na siya ay payuhang pwede nang maging Barangay Chairman o Mayor, halimbawa.  Paano kung marami nga siyang kaibigan ay maigsi naman pala ang pisi ng kanyang pasensiya? Hindi dapat sabihing pwede na siya sa mga  inihalimbawang puwesto sa pulitika kung siya ay matulungin. Paano kung ekstrang pera lang naman ang pinamamahagi niya kaya hindi niya ito pwedeng gawin palagi? Kapag naging Mayor o Barangay Chairman siya, hindi siya tatantanan ng mga nasasakupan para sa kanilang mga pangangailangan mula sa pagtayo bilang ninong o ninang sa binyag at kasal, hanggang sa paburol ng patay! At, halimbawang hindi naman siya mayaman, saan siya kukuha ng perang magagamit kung ang sweldo niya ay kulang pa sa kanyang pamilya?...eh, di sa pangungurakot!

May taong nagiging lider dahil sa “aksidente” o sitwasyong wala na talagang maitutulak na iba. Siya ay itinutulak ng mga gustong gumamit sa kanya, kesyo siya ay may “lahi” naman daw ng “magagaling” na pulitiko, kaya naniwala naman. Dahil napilitan lang at halimbawang binigyan naman ng pagkakataon kaya ibinoto, kapag nakaupo na sa puwesto, maaaring mapadalas ang kanyang “pagdapa” habang “naglakad kahit sa kalsadang wala namang lubak”. Ito ay dahil sa likas na kawalan ng tiwala sa sarili at kaalaman sa pinasok niyang larangan, na nagpipilit kumawala mula sa kanyang pagkatao. Upang mawala ang nerbiyos ay maaari niyang  palipasin ang pressure sa ibang gawain tulad ng paglaro ng games sa kaniyang gadget at panonood ng mga DVD kasama ang pamangkin o mga pinsan, normal man o “special”.

Dahil napasubo na, magiging bantad na rin ang ugali at pagkatao niya kaya mawawalan na rin siya ng takot sa Diyos. Dahil dito, kung magbitaw  siya ng mga kasinungalingan ay aakalaing parang nakikipag-usap lang sa mga bata. Dahil sa panunulsol at pang-uuto sa kanya ng mga taong nakapaligid at gumagamit sa kanya, matututo rin siyang maniwala sa mga hinabi o tinahi-tahing papuri na siya ay magaling!.

Maaaring  magpatung-patong ang mga kapalpakan niya, kaya aasahan din ang pagsampa ng patung-patong na mga kaso laban sa kanya kapag bumaba na siya sa puwesto. Dahil dito ay matatakot siya sa mga multong siya mismo ang gumawa. Gagawa siya ng paraan upang hindi mahatak  nitong mga multo tungo sa loob ng kulungan. Gagawa siya ng paraan upang mailagay sa puwesto ang akala niya ay makakapagligtas sa kanya….isang hero at savior niya na pipilitin rin niyang tumahak sa kalsadang walang lubak at hindi liku-liko…kuno!


Kaya bilang leksiyon, huwag purihin ang hindi karapat-dapat at baka maging presidente lang ang isang taong utu-uto na ay may malambot pang pagkatao! Maaring may bansa o mga bansang nasadlak na sa dusa dahil sa ganitong klaseng tao….maaaring mag-check sa internet! Pwede sigurong gamitin ang mga tag na “no balls”, “no backbone”, “no pakialam”, “pakialam ko sa inyo”, “to hell with you”, o “damn you”.

Discussion

Leave a response