0

Si Rogelia Fuentibaja-Sajota at ang mga Pagsubok sa Kanyang Buhay

Posted on Wednesday, 2 December 2015

Si Rogelia Fuentibaja Sajota at ang mga Pagsubok
Sa Kanyang Buhay
Ni Apolinario Villalobos

Noong tumira ako sa isang subdivision sa Bacoor, Cavite, nadatnan ko na ang pamilya ni Mrs. Sajota na kung tawagin ng malalapit sa kanya ay “Puti” dahil sa mestisahin niyang kutis. Kabubukas lang ng sabdivison namin kaya madalang ang mga bahay, at ang pamilya naman niya ay nasa bandang likuran namin. Noong panahong yon, ang kanyang asawang si Maximo Advincula Sajota, na ang bansag naman ng mga kaibigan ay “Hapon” dahil mukhang Hapon sa kanyang mga singkit na mata, ay nagsasaka ng malawak na palayan bilang “tenant”. Madalas ako sa kanila dahil pinapasyalan ko ang mga kaibigan kong nakatira sa isang entresuwelo na pinapaupahan nila. Malimit din nila akong bigyan ng gulay. Sa kasipagan ni Mrs. Sajota, lahat na lang halos ay ginawa niya upang makatulong sa kanyang asawa. Payak man ang buhay, ay nakakaraos sila.

Nang ginawang subdivision ang palayan ay nabigyan sila ng mga lote bilang bahagi nila ayon sa batas. Sa kasamaang palad, ilang taon pa lang silang napatira sa bagong bahay ay namaalam na si Mr. Sajota, kaya mag-isang tinaguyod ni Mrs. Sajota ang kanyang dalawang anak na sina Perry at Apol na katutuntong pa lang sa high school. Noon na nagsimula ang kanyang halos walang pahingang pagsisikap. Nagtinda siya ng mga ulam at unti-unti ay dinagdagan niya ng ilang kalakal tulad ng karne, gulay at isda, katuwang ang dalawang anak.  Bandang huli ay isinara niya ang maliit na tindahan at tumutok na lang sa karinderya na pinanggalingan ng lahat ng pangangailangan nilang mag-iina, pati na ang pag-aaral ng mga bata.

Kasama sa pagsisikap nilang mag-iina ang paggising sa umaga upang mamalengke. Kadalasan noong umalis ako ng bahay upang pumasok sa trabaho nang madaling araw, ay nasasalubong ko na si Mrs. Sajota na nakabota galing sa palengke na may dalang dalawa at kung minsan ay tatlong bayong ng mga pinamalengkeng iluluto na kailangang ihabol sa almusal ng mga suki. Nakikita ko noon sa mukha niya ang kapaguran at pagkahulog ng katawan subalit hindi ko siya narinig na nagreklamo dahil sa kalagayan niya, o kahit ng kapirasong himutok man lang.

Noong July 30, 1994, nabangga siya ng isang “owner type” na jeep sa Aguinaldo highway, pero himalang nagalusan lang siya. Akala ng mga nakasaksi ay wala na siyang buhay dahil nagtilapunan ang mga dala niya. Nang panahon na yon ay halos wala siyang panahong magsimba dahil kulang pa kung tutuusin ang oras niya para sa pag-asikaso ng maliit na kabuhayan at dalawa niyang anak. Subalit ang nangyaring disgrasya ay parang nagpagulantang sa kanya upang maalimpungatan dahil itinuring niyang milagro ang kanyang pagkaligtas. Kinikilabutan siya kung isipin ang mangyayari sa dalawang anak kung siya ay namatay…kaya naisip siguro niya na kahit pinitik siya ng Diyos ay binigyan pa rin siya ng pagkakataong magbago.

Isang araw ay may nagyaya sa kanyang dumalo sa pagtitipon ng El Shaddai na noon ay sa Luneta pa ginagawa. Paumagahan ang pagtitipon na pinagtiyagaan niya. Nang magkaroon ang El Shaddai ng sariling compound sa Amvil Business Center, San Dionisio, Paraaque, sumunod din sila sa lugar na yon. Naramdaman ni Mrs. Sajota na ang pagsama niya sa El Shaddai ay pagkakataon na ibinigay sa kanya ng Diyos, at tila tama siya dahil mula noon ay bumalik ang katawan niya sa dati at ang nawala sa mukha niya ang mga bakas ng kapaguran, kaya maski ako ay madalas magbiro sa kanya na bumabata siya.

Subalit para yatang sinusubukan ang kanyang katatagan dahil noong Agosto 28, 2009 ay nadisgrasya naman sa motosiklo ang panganay na si Perry. Akala ng mga nakasaksi sa sakuna ay patay na ito dahil halos nayupi ang ulo at halos durog din ang dibdib. Kahit ang pinagdalhang ospital ay nag-akalang hindi rin ito tatagal. Subalit sa kabila ng halos ay kawalan na ng pag-asa dahil sa mala-inutil nang katawan nito ay unti-unting pinanumbalikan pa rin ng lakas, at ang katawang halos durog na ay nabuo uli! Ngayon, kung titingnan si Perry ay walang mag-aakalang halos nadurog ang katawan niya sa isang sakuna.

Kahit ang maliit na negosyo lang ang pinagkikitaan ni Mrs. Sajota, nagawa pa rin niyang mairaos ang pangangailangan nilang mag-iina….at nakakatulong pa siya sa ibang tao kahit papaano sa abot ng kanyang makakaya. Ang ngiti ay hindi nawawala sa kanyang maaliwalas na mukha at hindi nahihiyang magbigkas ng pasasalamat sa Diyos kahit para sa isang maliit na bagay na dapat pasalamatan. Ilang beses na rin siyang nagdasal para sa kapakanan ng mga kamag-anak at kaibigan, lalo na ang mga matagal nang hindi nagkikita….at napagbibigyan naman sa mga pagkakataong hindi inaasahan.

Kasama niya ngayon ang dalawang anak na sina Perry, 35, na may dalawang anak, at ang bunsong si Apol na sa batang gulang na 32 ay biyudo na. Apat silang nagtutulungan, kasama ang kanyang manugang na asawa ni Perry sa bahay na iniwan sa kanila ng namayapang asawa. Itinuloy pa rin nila ang maliit na karinderya sa kanilang bahay pero ang turing dito ni Mrs. Sajota ay hindi “negosyo” subalit isang palipasan ng oras upang siya ay malibang. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay makapagpakita naman ng taos-pusong pasasalamat kay El Shaddai kaya hindi siya pumapalya sa pagdalo ng pagtitipon tuwing Sabado mula alas-kuwatro ng hapon hanggang alas-diyes o alas-onse ng gabi kahit na may kahinaan ang kanyang mga mata. Ang sabi niya sa akin nang huli kaming mag-usap ay, “kung ako ay mamayapa na, ang kailangan ko lang naman ay isang kapirasong hukay”.


Hindi siya namimilit sa paghatak ng iba upang dumalo sa pagtitipon ng El Shaddai. Subalit dahil nakikita sa kanyang katauhan ang magandang resulta ng pagiging simpleng Kristiyano, marami siyang naaakit.  Ang magandang paraan ng kanyang “paghikayat” sa pamamagitan ng kilos at pananalita ay nakaakit na ng marami tungo sa “tamang daan”.

Discussion

Leave a response