Ang Pagmumura at si Duterte
Posted on Tuesday, 1 December 2015
Ang
Pagmumura at si Duterte
Ni Apolinario Villalobos
Dapat mag-ingat kahit kaunti si Duterte
dahil tumitindi ang smear campaign laban sa kanya. Noon ay ang patagong banat
sa kanya laban sa kanyang “pambabae” daw at “salvaging”. Mabuti at siya mismo
ay nagsalita na tungkol sa mga bagay na ito at umamin pa, kaya wala nang mauukilkil
tungkol sa mga ito upang hantarang ibabanat sa kanya. Isa sa mga tinitingnan
ngayon ng mga naninira laban sa kanya ay ang ugali niyang pagmumura. Masama
mang banggitin, may ginagamit na mga taga-media ang mga kalaban niya kaya sa
isang iglap, kalat agad sa buong bansa kung may masambit man siyang pagmumura. Wala
tayong magagawa dahil yan ang kalakaran ng pulitika sa Pilipinas.
Ang malas, “tinuka” niya ang pain na tanong
tungkol sa pagdating ng santo papa, sa pagsagot subalit may kasamang pagmumura.
Pinagpipiyestahan ng mga maninira ang ugali niyang pagmumura at pagiging
prangka. Dahil sa ginagawa niyang pagmumura ay nagiging tactless siya.
May mga taong naging ugali na ang pagmumura
kaya automatiko ang pagsambit ng maaanghang na salita na naging bahagi ng
kanyang bokabularyo. Dapat baguhin ang ganitong pag-uugali na hindi man
dinidekta ng puso ay masama ang epekto lalo sa mga taong banal kuno pero
mahilig namang magbanggit ng “for Christ’s sake” o “for God’s sake” na mas
matinding blasphemy at laban sa isa sa mga kautusan sa Ten Commandments. Ang
mga banal na ito ay nagsa-sign of the cross pa kapag nakarinig ng masama o
nakakita ng masama. Bakit hindi na lang sila maglagay ng busal sa mga tenga o
di kaya ay maglagay ng pantakip sa mga mata na ginagamit ng mga kutsero sa
kanilang kabayo para diretso ang kanilang tingin kapag naglalakad sa kalye?
Pero kung marinig lang sila kung murahin nila ang kapitbahay at kasambahay
kahit pa kararating lang nila mula sa simbahan dahil dumalo sa misa……..nakuuuu!
Upang maipakita ko ang katapatan sa
binabahagi ko tungkol sa pagmumura at upang maging makatotohanan ang mga
sinasabi ko, aaminin kong nakikita ko ang sarili ko kay Duterte dahil naging
bahagi na rin ng pananalita ko ang pagmumura tulad ng “tangna” na pinaiksing
“putang ina”, ang “belatibay” na pinaiksing “latibay” upang hindi masyadong
maanghang pakinggan, at ang pabulong na “..hit” na sana ay “shit”, pero hindi
pa rin nawawala ang “yodiputa”. Tulad ni Duterte, marami rin ang nagalit at
nakadanas din ako ng panlilibak dahil sa pagmumura ko. Ang masakit lang, ang
iba pala sa kanila ay matindi naman palang manira ng kapwa!
Sa mga naging president ng Pilipinas ang
kilala sa pagmumura ay si Manuel L. Quezon na ang ginagamit na kataga ay mula
sa wikang Kastila…maraming nagalit sa kanya noon lalo na ang mga kasama niya sa
gobyerno na karamihan ay nakatikim ng pagmumura mula sa kanya. May dati akong
boss na ang ginagamit na salita ay “Jesus Christ” or “Jessezzzz” sabay hawak sa
kanyang noo…at ngayon ay malamang kasama na niya dahil namayapa na siya. Yong
isang kaibigan ko naman ay paborito ang “damn you” at “go to hell”, patay na
rin siya at malamang ay nandoon na rin siya. Yong isa pa ay “demonyo ka” o di
kaya ay “demonyo” lang kung walang kausap pero nadapa o nauntog o may
nakalimutan sa bahay.
Ang pagmumura ay isang paraan upang lumuwag
ang naninikip na dibdib ng isang taong galit. Sa halip na lakas ang gamitin
niya sa pamamagitan ng pagsuntok sa kausap o manira ng anumang gamit na
mahawakan ay dinadaan na lang niya sa pagmumura. May nasimulan naman sa Japan na pantanggal ng
tension na sanhi ng paninikip ng dibdib, at ito ay ang pagsigaw kahit halos
namamaos na. Subalit may paraan na ngayon upang mapalitan ang ganitong uri ng
paglabas ng galit, sa pamamagitan ng paghinga ng malalim o “deep breathing”. Sa
kamalasan, may isa akong kaibigan na sa sobran galit ay pinilit ang sunud-sunod
na deep breathing kaya hinimatay dahil na-choke…kinapos ng hangin! Ayaw kong
mahimatay tulad niya.
Ang problema sa kultura natin na may
pagka-colonial pa rin, kapag ang pagmumura ay ginawa sa English o Kastila,
parang wala lang ang epekto, pero kung ang pagmumura ay ginawa na sa Pilipino,
ang nakakarinig, lalo na mga banal daw ay para nang natapunan ng ipot ng pusa
sa mukha. Hindi ko sinasabing hindi masama ang pagmumura. Subalit dapat ay
maghinay-hinay sa paghusga sa mga taong nagmumura. Mabuti nga lumabas ang
masamang salita lang mula sa kanya, hindi tulad ng ibang nagbabanal-banalan na
ang masamang ugali ay nagkakaugat sa puso nila at diwa kaya habang tumagatal ay
yumayabong pa. Ang pagmumura namang inilalabas ay walang pagkakataong yumabong
dahil….yon nga, ibinuga na ng bibig!
Narinig ang tape tungkol sa pagmumura ni
Duterte sa santo papa, kaya malinaw na ginawa nga niya. Isa itong maituturing
na “tactlessness” o kawalan ng pasubali o ugaling bara-bara sa salitang
kanto….na talagang mali. Subalit si Duterte ay kilala sa paghalo ng mga biro sa
kanyang pananalita, kaya malamang, para sa kanya ay joke ang sinabi niya….pero
joke na masama o hindi nararapat dahil si Francs bilang pinakamataas na lider
ng simbahang Katoliko ay tinuturing na banal kay tinawag na “santo papa”.
Kilalal sa pagbiro ang mga Bisaya, na kahit
maanghang sa pandinig ay hindi naman bukal sa kalooban ng nagsabi, tulad ng
pabirong “gi-atay ka” o “lilinti-an ka” na
ang mga kahulugan ay ayaw ko na lang sabihin. Mabuti na rin ang ginawang
pagpuna kay Duterte, para hindi isipin ng santo papa na tino-tolerate ng mga
Pilipino ang ganitong ugali…at baka hindi na siya magsalita ng blessing sa
Pilipino tuwing mamintana upang magbasbas sa mga taong nag-aabang sa kanya.
Pero, sa isang banda, kung papipiliin ako
sa pagitan ng isang taong nagmumura subalit ang layunin ay magkaroon ng
pagbabago sa isang sistema ng gobyerno na may makapal na kulapol ng korapsyon
at may napatanuyan na, at sa isang taong namang dahilan ng kagutuman at
kahirapan ng buong bayan dahil sa kawalan ng malasakit, kahit hindi pa nagmumura
at animo ay larawan ng pagkabanal at pagka-santo na pagkukunwari lang pala….ang
pipiliin ko ay ang nagmumura!
Ang ginawa ni Duterte kahit pa maituturing
na joke ay patunay sa binitiwan niyang babala noon na kung maging presidente
siya ay wala siyang sasantuhin….kaya humanda na sila!
Discussion