Ang Tao, Kalinisan, Pagkain, at Iba Pa
Posted on Wednesday, 9 December 2015
Ang Tao,
Kalinisan, Pagkain, at Iba Pa
Ni Apolinario Villalobos
Hindi maganda sa isang tao ang
sobra-sobrang pagiging malinis, kaya makakita lang ng pagala-galang inosenteng
ipis ay animo naholdap na kung magsisigaw. Hindi masama ang maging malinis sa
paligid, lalo na sa tahanan at katawan. Dapat lang nating alalahanin na lahat
ng bagay, mabuti man, ay may limitasyon, tulad ng pag-inom ng gamot at pagkain.
Ang binabakuna sa katawan ng tao upang magkaroon ito ng panlaban sa virus na
nagiging sanhi ng iba’t ibang uri ng sakit ay virus din, kaya ang unang epekto
nito ay pagkakaroon ng lagnat hanggang “masanay” ang katawan sa pagkakaroon
nito. Ibig sabihin, may mga mikrobyo ding napapakinabangan ng tao, kahit ang
mga ito ay itinuturing na marumi at salot.
May isa akong kaibigan na sa sobrang
kalinisan sa bahay ay palaging pinapansin ang nalulugas na buhok ng kanyang
misis kaya tuwing magsusuklay ito ay sinusundan niya at pinupulot ang mga buhok
na nalalaglag sa sahig. Isang beses sinabihan uli niya ang kanyang misis ng,
“o, marami na namang buhok ang nalugas mula sa ulo mo”. Napuno na yata ang
misis kaya sinagot niya ang mister ng, “mabuti…ipunin mo para maihalo sa
scrambled eggs bukas!”. Pinayuhan ko ang kaibigan ko na hindi tinatanggap sa
korte ang nalulugas na buhok ng asawa na kumakalat sa sahig bilang dahilan ng
annulment ng kasal, nang minsang humingi siya sa akin ng payo. Sa halip ay
sinabihan ko siyang kumbinsihin ang asawang magpakalbo upang maibili niya ng maraming
wig na iba’t iba ang pagkaayos at kulay para umayon sa kanyang mood! Hindi ko
na nakita ang kaibigan ko… sana hindi sinaksak ng misis!
May mag-asawa naman akong kilala na dati ay
bugnutin pero hinayaan ko na lang dahil parehong mahigit 70 na ang edad. Pero
nang makita ko uli ay sila pa ang unang bumati sa akin. Nang tanungin ko kung
ano ang pagbabago sa buhay nila, ang sabi nila, “hindi na kami madalas maglinis
ng bahay”. Noon kasi habang naglilinis sila ng bahay ay minumura nila ang
alikabok, at maghapon silang nakasimangot lalo pa at nakikita nila ang
pagkakalat ng dalawang apo. Nadiskubre din nila na mula noong hindi na sila
madalas maglinis, tuwing umaga ay may dalawa hanggang tatlong ipis silang
nakikita na nagkikisay. Sabi ko sa kanila ay malamang na-“suffocate” o nalason ng
naipong alikabok sa sahig ang mga ipis na ginagapangan nila. Dagdag- paliwanag
ko pa ay, kaya siguro mas gustong manirahan ng ipis sa cabinet at mga sulok ay dahil
wala halos alikabok sa mga ito. Bilang payo, sinabihan ko silang mag-ball room
dancing na rin.
Maraming ospital na hi-tech ang naglilipana
ngayon saan mang panig ng mundo, kasama na diyan ang Pilipinas at nagpapataasan
pa ng singil. Dahil sa kamahalan ng kanilang singil, ang nakakakaya lang
magpa-admit ay mayayaman, na ang kadalasang sakit ay sa puso, kanser at iba pang
sakit na pangmayaman. Subali’t hindi
maipagkakaila na ang mga sakit na nabanggit ay nakukuha rin sa mga “maruming
pagkain”. Ito yong mga pagkaing ipinagbawal na nga ng doctor ay patuloy pa ring
kinakain. Alam na ng lahat kung ano ang mga “maruming” pagkain kaya kalabisan
na kung babanggitin ko pa. Upang pabalik-balik sa mga doktor ang mga pasyente, siyempre
dahil sa kikitain mula sa mahal na konsultasyon, sinasabihan na lang nila ang
mga ito na kumain ng mga dapat ay bawal na pagkain “in moderation”, o hinay-hinay,
o paunti-unti. Obviously, ay upang hindi bigla ang pag-goodbye sa mundo….at
tulad ng nabanggit na, tuloy pa rin ang mahal na konsultasyon!
Ang industriya sa paggawa ng mga pagkaing
dapat ay “moderate” lang daw kung kainin ay tuloy sa paglago at pagkita ng
limpak-limpak upang masupurtahan naman
ang gobyerno sa pamamagitan ng buwis na binabayad nila. Ang ilang mababanggit
na produkto ay processed foods na may salitre o preservative, maraming asin,
food coloring, na tulad ng hot dog, corned beef, bacon, ham, smoked fish, at mga inuming may
kulay at artipisyal na lasa.
Sa puntong ito, gustong ipakita ng mga
Tsino na nangunguna sila sa lahat ng bagay kaya pati ang paggawa ng
nakalalasong artificial na bigas, sotanghon, alak, at pati ang itinanim na ngang
bawang ay inaabunuhan din ng isang uri ng fertilizer na nakakalason sa tao,
upang maging “matibay” at hindi mabulok agad sa imbakan. Ang masama lang, artificial
at nilason na nga ang mga pagkain ay nakikipagsabwatan pa ang mga Tsino sa mga
walang puso at konsiyensiyang mangangalakal sa Pilipinas upang maipuslit ang mga
ito kaya hindi napapatawan ng karampatang buwis. Kung sa bagay, paano nga
namang maipapadaan sa legal na proseso ang mga produktong bawal? Maliban lang siyempre…. kung palulusutin naman
ng mga buwaya at buwitre sa Customs!
Ang
legal namang buwis na nalilikom ay ginagamit ng gobyerno sa mga proyektong
kailangan ng bansa at mga mamamayan sa pangkalahatan. Kaya masasabing may
pakinabang din pala ang paggawa ng pagkaing unti-unting pumapatay sa tao….
isang paraan nga lang ng pagsi-self annihilate o pagpapakamatay.... upang makontrol
ang paglobo ng populasyon…na ang ibang paraan ay giyera, kalamidad tulad ng
bagyo, baha, lindol, at matinding tag-tuyot!
Kung hindi dahil sa nabanggit na mga paraan,
baka pati sa tuktok ng mga bulkan ay may mga condominium at subdivision dahil
sa dami ng mga taong aabutin ng mahigit 100 taong gulang bago mamatay…at baka biglang mawala ang wildlife na magiging
delicacy na rin dahil sa kakulangan ng pagkain…at baka magiging bahagi na rin
ng pagkain ng tao ang minatamis na mga dahon at balat ng kahoy!
Sa Tsina ay delicacy ang talampakan ng oso
o bear. Sana ang magagaling na Tsinong chef ay makadiskubre ng masasarap na
recipe para sa buwaya, buwitre, at hunyango…marami kasi nito sa Pilipinas para
mapandagdag sa pagkain ng mga Pilipinong nagugutom dahil ninanakaw ng mga
walang kaluluwa ang pera ng bayan!
Discussion