Ang Laptop kong Bungi...ka-partner ko sa pagbatikos at pagpuri
Posted on Friday, 25 December 2015
Ang
Laptop Kong Bungi
…ka-partner
ko sa pagbatikos at pagpuri
Ni Apolinario Villalobos
Wala siyang teklado para sa letrang “M”
subalit subok ang tibay dahil kahit bahayan ng langgam ang mga kalamnan ay
hindi sumusurender maski pa maghapong gamitin. Ilang taon din siyang nagtiis sa
pagtipa ko sa teklado ng kanyang mga letra at simbolo, yon nga lang, pagdating
sa bunging bahagi para sa letrang “M” ay kailangang maingat ang aking
pagpindot. Malaki ang utang na loob ko sa laptop na ito dahil lahat ng mga
saloobin ko ay kinakaya niyang ipunin…i-absorb, kaya siguro kung mayroon lang
siyang bituka baka palagi siyang nagsusuka, o di kaya kung may puso, ay matagal
na siyang na-heart attack. Kahit halos mamuwalan na siya sa mga pinapakain kong
nakakasuka at nakaka-heart attack na mga isyu, ay hindi siya nanghihina man
lang.
Ang problema lang ay ang colonial niyang
mentality dahil may mga salitang Pilipino na pinagpipilitan niyang baybayin sa
Ingles kaya kailangan kong basahin nang paulit-ulit ang mga naisulat niya upang
ang “namin” ay hindi maging “naming”, o di kaya ang “hindi maging” ay hindi
maging “hind imaging”, ang “letra” ay hindi maging “letre”, at marami pang
ibang salitang Pilipino na tinatarantado niya….sutil kasi.
Minsan ko na rin siyang nadunggol dahil sa
sobrang antok nang bumagsak ang noo ko sa kanya, subalit hindi siya nagreklamo
kahit sa pamamagitan ng pag-kuryente man lang sa akin. Nalaman kong nasaktan ko
siya nang maramdaman ko sa aking pisngi ang kanyang pag-overheat makalipas ang
dalawang oras ng pagkakatulog. Literally, I slept on my laptop! Siguro kung
nakakatawa lang ang butiki ay hinalakhakan na ako dahil sa hindi kalayuan ay
may nakita akong dalawa na halos hindi gumagalaw dahil siguro nagulat, pero
nagpulasan nang tiningnan ko sila ng masama.
Hindi mitsa ng buhay ko ang aking mahal na
laptop dahil old-fashion siya, luma na kasi, kaya kahit bitbitin ko siyang
hubad, ibig sabihin ay hindi nakalagay sa bag, walang magkaka-interes. Parang
babae rin na dahil naitatago ng pagka-old fashion ang kanyang ganda, siya ay
malayo sa posibilidad na magahasa! Kaya ang mga babae ay hindi dapat magpakita
ng motibo o pag-anyaya upang magahasa…magpaka-simple o magpaka-old fashion din
kahit minsan….maliban na lang ang mga desperada!
Para ring tao ang aking laptop na
nag-undergo ng operasyon at pagtapal dahil marami na rin siyang diperensiya
maliban sa pagkabungi. Ang dating ayaw pumermanenteng pagtayo ng screen kaya
nilalagyan ko pa ng suporta sa likod, ay naremedyuhan ng isang doktor ng mga
laptop – may ginalaw sa kasu-kasuan o joints nito kaya nakakatayo na ngayon
nang tiyeso. Ang dating sugat sa gilid dahil nabasag ay natapalan na rin ng
karton kaya ngayon ay buo na siya – good as new!
Ang kuwento ng laptop ko ay maihahalintulad
din sa kuwento ng alagang hayop na pinagkakautangan dapat ng loob ng nag-aalaga
dahil sa dulot nilang therapeutic relief, o di kaya ay iba pang bagay na
napakinabangan para sa araw-araw na pamumuhay. May utang na loob tayo sa
kanila. Hindi sila dapat binabale-wala nang basta-basta pagkatapos pagsawaan o
kapag nagkaroon ng bago, lalo na ngayong pasko.
Hindi din dapat ganyan ang mag-asawa na
pagkalipas ng maraming taon ay basta na lang makaramdam ng pagkasawa sa isa’t
isa, kaya nagkakanya-kanya na sa pagrampa upang maghanap ng ibang mapagparausan.
O di kaya ay ibang mga anak na pagkatapos iluwal ng ina at palakihin ng ama ay
walang pakundangan kung sila ay balewalain o ikahiya sa ibang tao dahil walang
pinag-aralan o di kaya ay hindi maganda o guwapo tulad ng mga magulang ng mga
kaibigan nila, o di kaya ay amoy pawis dahil sa pagtinda sa palengke, hindi
tulad ng magulang ng classmate nila na nagtatrabaho sa aircon na opisina.
Pairalin natin ang utang na loob. Magbago
tayo….bilang pasalubong sa bagong taong 2016!
Discussion