0

Imelda Torres: Ang Babaeng "Barker" o Taga-tawag sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)

Posted on Wednesday, 23 December 2015

Imelda Torres: Ang Babaeng “Barker” o Taga-tawag
sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)
Ni Apolinario Villalobos

Ang “barker” ay taga-tawag ng mga pasahero at taga-sigaw ng destinasyon ng sasakyang pampubliko tulad ng bus, jeepney o van. Siya rin ang namamahala sa maayos na pag-upo ng mga pasahero. Kung minsan, ang tawag sa kanya ay  “dispatcher”, subalit iba sa talagang “dispatcher” sa istasyon ng bus na konektado sa kumpanya. Kung nakapila ang mga jeep o van na itinatawag ng “barker”, siya rin ang taga-kolekta ng pamasahe at kapag inabot na niya sa driver ang nalikom na pera, ay saka pa lang siya aabutan ng bayad sa kanyang serbisyo. Ang bayad naman sa “barker” ay hindi pare-pareho, depende sa dami ng pumipilang sasakyan at lugar ng pilahan. Mayroong inaabutan ng Php20.00 at ang pinakamalaki ay Php30.00.

Ang mga nakapila sa Liwasang Bonifacio ay mga aircon van na biyaheng Sucat (Paraaque) at Alabang (Muntinglupa). Ang pilahang ito ay hawak ni Imelda Torres, 65 na taong gulang. Taong 1972 pa lamang ay nagtatawag na siya dito….panahon ng Martial Law sa ilalim ni Ferdinand Marcos. Nang panahong yon, ang sabi niya, napakaganda ng Manila Metropolitan Theater na tanaw lamang kung saan kami nakaupo. Ngayon, ang paligid nito ay mapanghi dahil ginawang ihian at ang mga dingding na natuklapan na ng pintura ay sinalaula ng mga istambay sa pamamagitan ng pag-spray paint ng pangalan ng gang nila.

Ligtas daw noon ang pamamasyal sa paligid ng liwasan dahil palaging may umaaligid na mga pulis kahit sa gabi. Kahit abutin siya ng dis-oras ng gabi sa pagtatawag, hindi siya natatakot sa paglakad pauwi sa tinitirhan niya sa kalapit lang na Intramuros. Ang kinikita niya ang ikinabuhay niya sa apat niyang anak noong maliliit pa sila. Ngayon, ang isa ay nasa Japan na. Ang iba pa niyang mga anak ay may mga sarili nang pamilya.

Pinakamalinis na kita ni Aling Imelda ay Php200 isang araw. Napapagkasya niya ang halagang ito sa kanyang mga pangangailangan sa araw-araw. Hindi na siya nagluluto dahil mag-isa lang naman siya at sa maghapon ay nasa liwasan siya, kung saan ay maraming karinderya na mura lang ang panindang mga pagkain. Ang tanging luho niya sa katawan ay ang minsanang manicure at pedicure, at ilang alahas na pilak sa mga daliri at braso.

Sa gulang niyang 65, wala nang mahihiling pa si Aling Imelda na kailangang gastusan ng malaking halaga. Masaya siya dahil ang mga anak at apo niya ay nakakakain sa tamang oras, hindi nga lang maluho ang mga pagkain. Ang kalaban lang niya ay ang paminsan-minsang dumadapong sakit tulad ng sipon at lagnat. Ganoon pa man, kahit halos namamalat na siya dahil sa biglang pagkakaroon ng lagnat o sipon ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagtawag, tulad nang umagang nag-usap kami. Sayang din nga naman ang kikitain niya kung palalampasin niya.

Mabuti na lang at pumayag siyang kunan ko ng litrato, pero tinapat ko siya na igagawa ko siya ng kuwento at ilalagay ko sa internet. Natawa siya nang sabihin kong baka mabasa ng anak niya sa Japan ang isusulat ko tungkol sa kanya.

Nang iwanan ko siya upang ituloy ang paglakad papunta sa Avenida (Sta. Cruz), narinig ko uli ang boses niya na tumatawag ng mga pasahero. Habang naglalakad ako, naalala ko ang nanay namin na nagtatawag ng mga mamimili upang lumapit sa mga inilatag niyang ukay-ukay tuwing araw ng tiyangge sa bayan namin, noong maliit pa ako….

Discussion

Leave a response