Ang Kultura ng Pilipino...at ang mga hindi magandang aspeto nito
Posted on Monday, 18 May 2015
Ang Kultura ng Pilipino
…at ang mga hindi
magandang aspeto nito
Ni Apolinario Villalobos
Bilang Pilipino, ipaglalaban ko ang aking lahi. Subali’t
masakit mang aminin, may ilang aspeto ng ating kultura o pag-uugali, ang
pumipigil sa patuloy sanang pag-asenso natin. Dahil dito, kailangang matuto
tayong tumanggap ng katotohanan upang maiwasto
ang mali.
Ang isa sa mga ugaling ito ay ang madali nating paglimot ng
hindi magandang nakaraan na dapat sana ay nagbibigay sa atin ng gabay sa
kasalukuyan. Halimbawa ay ang nakaraang Martial Law na naging dahilan ng
pagdanak ng dugo dahil sa pagsupil ni Marcos ng mga karapatan, lalo na sa
pamamahayag. Napatalsik nga si Marcos, hindi naman natuldukan ang kaso ng
pagkamatay ni Ninoy Aquino at ng nawalang mga estudyante. At ang sa umpisa na
pagmamatigas ng mga Pilipino na huwag pabalikin ang pamilyang Marcos sa
Pilipinas, kalaunan ay nagkabiglaan na lang dahil, animo sa isang iglap, lahat
sila ay nakabalik na pala! Ang pakikipaglaban ng pamahalaan upang mabawi ang
sinasabing ninakaw ni Marcos na yaman ng bayan, wala ring narating. Ang pagbawi
ay nagsimula sa kapanahunan ni Cory Aquino, at inabot ng mga kompromiso sa
ilalim ng mga pumalit na administrasyon…at ang masakit ay ang sinasabi pang
nangyaring kurakutan!
Mahilig gumaya ang Pilipino. Okey lang sanang gumaya pero
dapat ay may limitasyon sa abot lamang ng makakaya upang hindi malubog sa utang
kung may involve na pera ang panggagaya. Okey rin ito kung ang pakay ay upang
mapahusay o mapaganda kung anong meron ang taong nanggaya, at hindi dahil
lamang sa inggit. May isang kalihim ng
Department of Tourism noon na gumaya sa tourism slogan ng isang bansa sa
Europe, at dahil sa kahihiyan nang mabisto ay nag-resign. Ang lalong napahiya ay
ang Pilipinas. At, ang gobyerno naman, sa kagustuhang makapanggaya sa asenso,
inihanay pa ang bansa sa Tsina at Japan na milya-milya ang layo ng narating.
Inireport lang ng isang survey na may “tiger economy” ang Pilipinas, ganoong
nakakaduda naman, pumalakpak na agad ang mga tenga ng mga taga-gobyerno na
nag-akalang mabobola nila lahat ng mga Pilipino.
Karamihan sa mga Pilipino ay ayaw ng murang bigas, murang
pagkain, murang damit, etc. Ibig
sabihin, may ugali tayong mapagmataas, class, kahit na ang katotohanan ay halos
gumapang na sa kahirapan ang buhay. Kaalinsabay nito, mas gusto ng mga Pilipino
ang imported kaya ultimo toothpick ay imported mula sa Tsina. Umabot pa sa
punto na pati basura ay ini-import na. Sumikip tuloy ang container yard sa
pantalan dahil napuno ng mga container ng basura galing sa Canada, at sa loob
ng maraming taon pa…na hindi naman pinansin ng Customs kung hindi pa pumutok sa
media. Ni hindi nila mahabol ang mga importer. At ang mga nagmamagaling namang
grupong maka-nasyonalismo kuno, sa harap ng Canadian Embassy nag-rally, sa
halip na sa labas ng Bureau of Customs dahil sa kapabayaan nito. Ang
kaswapangan nga naman! Lahat ay gagawin makagawa lang ng ingay upang malagay sa
diyaryo at mahagip ng kamera!
Sobra sa pagiging masayahin ang mga Pilipino, kaya noong
panahon ni Marcos ginamit ito ng todo. Upang hindi maramdaman at mapansin ang
mga problema noon ay maraming pakulo ang pinaggagawa ng gobyerno upang mabaling
sa larangan ng musika, pagandahan at show business ang atensiyon ng mga tao.
Dahil nakasanayan na, ngayon, ang mga mahahalagang isyu na dapat seryosohing
pag-usapan upang maramdaman ang mga kahalagahan ay hindi pinapansin dahil mas
gusto pa ng mga Pilipinong manood ng mga Korean nobela sa TV, o makinig ng mga
tsismis sa radyo. Ang mga usapin tungkol sa West Philippine Sea, ang mga ilegal
na pagmimina ng mga dayuhan sa Pilipinas, ang isyu ng K-12, illegal logging,
katiwalian ng mga Binay, gutom, kawalan ng trabaho, at iba pa ay halos wala sa kanilang kamuwangan.
Madaling magsawa ang mga Pilipino, kaya ang madalas sabihin
ng mga masasamang pulitiko na binabatikos ng ilang grupo ay “magsasawa din
sila”. Noong bago pa lang sumabog ang mga isyu laban sa mga Binay at iba pang
mga eskandalo sa gobyerno na may kinalaman sa pork barrel at PDAF, ang mga ito
ay malimit na laman ng mga diyaryo, tinatalakay sa radyo at TV, pinag-uusapan
sa mga terminal ng sasakyan, kahit sa inuman at barber shop. Kalaunan, kahit na
tuloy pa rin ang mga hearing tungkol sa mga kaso, iisang maliit na istasyon na
lamang ng TV ang tumututok…ni isang radio station ay hindi na pumansin – puro
nagsawa na. Sa madaling salita, magaling lang sa simula ang mga Pilipino –
isang ningas cogon na pag-uugali.
Naipagpatuloy ng ibang bansa sa Asya ang kanilang
pagka-exotic, kaya pagdating sa turismo, wala sa kalingkingan nila ang
Pilipinas. Hirap ang Pilipinas sa pagmintina ng mga historic landmark at
pag-ayos ng mga likas na pasyalan upang makaakit ng mga turista. Gusto natin ay
magkaroon ng mga 5-star resorts at hotels sa mga lugar na ito, tulad ng
nangyari sa Boracay na ngayon ay nilulumot na ang mga dalampasigan dahil sa
tumagas na mga septic tank ng mga hotel at restaurants.
Totoong, may mga lugar tayong popular sa internet tulad ng
Underground River ng Palawan at Vigan. Subalit dapat alalahanin na kaya sila
napahanay sa listahan ng mga popular na mga destinasyon ay dahil sa botohan sa
internet na ang karamihan sa gumawa ay mga Pilipino din…popularity contest
kasi, kaya pinagkitaan din ng grupong may pakana dahil sa mga advertisements na
nailathala nila. Ang batayan dapat ay ang aktwal na dami ng mga bumisitang
turista na siyang nangyayari sa ibang bansa sa Asya tulad ng Vietnam, Cambodia,
Thailand at maski Burma. Ang milyong bisita na ipinagmamalaki ng Department of
Tourism ng Pilipinas sa panahon ngayon, ay matagal nang nirereport ng ibang
bansa sa Asya, na dumadagsa sa kanila.
Ang “pakikisama” na maganda sana ang hangarin tulad ng
“bayanihan” ay inabuso nang ito ay iugnay sa “utang na loob” at ginamit sa
pulitika. Kaya ang mga iniluklok halimbawa ng mga nanalong opisyal sa iba’t
ibang puwesto dahil sa pakikisama at utang na loob sa mga taong tumulong sa kanila sa panahon ng
eleksiyon ay nagdulot ng hindi matawarang pinsala sa pamahalaan at bansa.
Kung may mga negatibo, marami ding positibo sa ating kultura,
pero ginagamit ba natin ang mga ito sa tamang paraan upang tayo ay umasenso?
Discussion