0

Ang Kalunus-lunos na Kalagayan ng Edukasyon sa Pilipinas

Posted on Sunday, 31 May 2015



Ang Kalunus-lunos na Kalagayan ng Edukasyon sa Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos

Mismong mga guro ay nagsasabi na maraming kabataan ngayong kahit umabot na sa Grade 3 ay hirap pa ring bumasa at sumulat. Nang interbyuhin ang isang mataas na opisyal ng DepEd tungkol dito, ang paliwanag niya ay: “kasi hindi sila dumaan sa prep at kinder”. Nang marinig ko ito, lumabas sa ilong ko ang kahihigop ko pa lang na kape. Kung mismong isa sa mga namumuno ng DepEd ay may ganoong kahindik-hindik na takbo ng pag-iisip ay talagang wala na ngang maaasahan sa kabuuhan nito ang sistema ng edukasyon ng bansa. Kawawa naman ang mga kabataan!

Nang tanungin naman ang bangag yatang assistant Secretary tungkol sa K to 12 na ayon sa mga teachers ay hindi pa napapaghandaang mabuti, ang sabi niya, kailangan daw talaga ito upang paggradweyt daw ng mga estudyante sa high school ay maaari na silang magtrabaho. Isa pa ring hangal na sagot, dahil kung ang college graduate nga ay hirap makahanap ng trabaho, high school graduate pa kaya? Kung ang iniisip nitong isip-tungaw na tao ay trabahong pang-construction tulad ng paghalo ng semento na isa yata sa ituturo sa K to 12, tanga talaga siya, dahil maski hindi gradweyt ng elementarya ay kaya ang ganitong trabaho. Ang isa pang ituturo yata ay trabahong pang- beauty parlor na kaya naman pag-aralan ng mga tumatambay sa parlor. At, ang isa pa rin ay pagluluto na pwede namang pag-aralan kung papasok sa mga restaurant. Bakit kailangan pang pahirapan sa gastos ang mga magulang?

Yong tungkol naman sa mga textbook na ginawa nang workbook dahil nilagyan ng mga test questions kada katapusan ng chapter, alam pala niya at alam din pala niyang hindi na magagamit ulit ang mga textbooks kaya dagdag gastos talaga para sa mga magulang. Nang tanungin kung may ginagawa ang DepEd tungkol dito, ang sagot-bangag uli ay “kasi yan na ang kalakaran ngayon”. Kung nakamamatay lang ang long distance na pagmumura, siguro ay nangisay na ang opisyal ng DepEd sa dami ng nagmumurang nakikinig sa interbyu!

Mabuti hindi tinanong ng radio announcer yong tungkol naman sa mga libro na sa dami ay halos isang maleta na kaya ini-stroller na lang ng mga bata pagpasok sa klase. Baka ang sagot niya dito ay: “mabuti yang habang bata pa lang ay marunong nang humila ng maleta,  bilang paghanda sa  pagpunta nila sa ibang bansa upang maging katulong o di kaya ay construction worker pagkagradweyt nila sa high school ng K to 12 program”.

Nakakagulat malamang, “normal” lang pala para sa DepEd ang daming 45-50 na mag-aaral bawat kwarto. Kaya pala, yong iba, makaupo lang ay nagdadala ng sariling plastic na upuan, yong iba naman ay nakasalampak sa sahig. At ang lalong hindi pagtatakhan ay kung bakit talaga walang natututuhan ang mga bata dahil hindi natututukan na mabuti ng mga guro….dahil sa dami nila.

Ang pera ng bayan ay binubulsa ng mga kawatan sa pamahalaan. Ang presidente ay nagrereport ng mga kaayusan na daw sa mga paaralan batay sa mga binibigay sa kanya, ngunit ang hindi niya alam, karamihan sa mga ito ay imbento lamang. Ang hindi niya pinapakinggan ay ang mga guro mismo na direktang nakakaalam ng tunay na kalagayan ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Ang malinaw, minadali niya ang pagsabatas ng K to 12 at ang pagpatupad nito upang maisama niya sa kanyang SONA, at para may masabing accomplishment pagbaba niya sa puwesto. Kung sakaling tumuluy-tuloy ang pagpatupad, madadagdag na naman ito sa habang-buhay niyang batik sa katawan, tanda ng kapalpakan niya bilang pangulo, at hindi maitatago sa likod ng isang apelyido na akala niya ay may madyik pa rin ang dating sa mga Pilipino hanggang ngayon.

Discussion

Leave a response