Ang Aming Nanay...
Posted on Friday, 8 May 2015
Ang Aming Nanay…
Ni Apolinario Villalobos
Nakagisnan ko na ang bisyo ng aming nanay na pagnganga. Sa
gulang niyang wala pang limampu, naipanganak niya kaming labing-isang
magkakapatid, subalit siyam lamang ang buhay. Bihira siyang magsalita, at sa
kanilang dalawa ng aming tatay siya ang taga-disiplina sa amin. Sa aking
paningin, siya ay matapang at napatunayan ito nang minsang sugurin niya ang
puwesto ng larong “pool”, yong parang bilyar, subalit flat na bilog na kahoy
ang tinutumbok ng tako. May nagsumbong kasing naglalaro doon ang isa kong kuya
sa halip na pumasok sa eskwela. Pagpasok daw niya ay kumuha agad siya ng tako
at hinataw ang kuya ko, at nang mabali ito, kumuha pa raw ng isa at iwinasiwas
sa ibang mga nandoon na hindi alam kung saan susuling, habang minumura ang may-ari
ng puwesto. Pinasara daw niya ang puwesto subalit sa awa sa may-ari ay
pinabuksan din makalipas ang ilang araw.
Ang una naming pagtatalo na umabot sa pagpingot niya sa
magkabila kong tenga ay nang tumanggi akong magsuot ng ukay-ukay na long
sleeves at puting polo shirt, na dahil may pagka-synthetic ang material ay
mainit sa katawan. Ayaw ko ring isuot ang malaking sapatos at maluwag na
pantalon ng kuya ko. Ang okasyon ay ang pag-akyat ko sa stage upang masabitan
ng ribbon na pang-third honor noong ako ay grade three. Pinagyabang niya ako sa
mga bumabati sa kanya, na ikinainis ko rin, dapat daw kasi ay first honor ako,
pero dahil kamag-anak namin ang teacher, binigay na lang sa akin ang third
honor para walang masabi ang ibang magulang.
Nang malugi ang negosyo naming tuyo at daing, nagtinda siya
ng ukay-ukay na ang tawag noon ay “relip” mula sa salitang “relief” dahil nga
naman ang mga damit ay “relief goods” na donasyon galing Amerika at unang ibinagsak noon ng mga tiwaling negosyante
sa palengke ng Bambang sa Sta. Cruz, Manila. Kumalat ito hanggang Baguio na
nadagdagan ng mga surplus galing naman sa Subic (Olongapo) at Clark (Pampanga).
Ang mga artista at singer noon ay may mga suking tindero at tindera na alam ang
mga style na gusto nila, kaya kung may bubuksang mga bundle, inuuna nilang
pinipili ang para sa mga ito. Ang nanay ko naman ay sa Bambang lang kumukuha
dahil nandoon ang suki niyang puwedeng utangan.
Dahil sa negosyo naming ukay-ukay, lahat ng damit namin ay galing
na dito. Pinagtitiyagaan niyang i-alter
ang mga damit upang magkasya sa amin. May mga suki siya na pinapatawag sa akin
tuwing may bagong bundle siyang bubuksan upang una silang makapamili, at ang
matira ay binebenta sa palengke at idinadayo pa sa mga tiyangge ng ibang bayan.
Gumigising siya at ang kuya kong hinataw niya ng tako, madaling araw pa lang
upang umabot sa trak na naghahakot ng mga “volantero”, tawag sa mga dumadayo sa
tiyangge ng ibang bayan. Hindi ko sila nakitang humigop man lang ng kape bago
umalis, dala ang malalaking sako ng ukay-ukay. Sumasabay sa kanila ang tatay
namin sa pag-alis ng bahay upang mag-abang sa palengke ng mga kalakal na kanyang
mahahakot bilang kargador, na naging trabaho niya nang malugi ang negosyo
namin.
Dahil sa laki ng pamilya namin, kahit anong sipag ng aming
magulang ay hirap kaming makaangat sa buhay. Ang unang bumigay ay ang aming
tatay na dahil siguro sa sama ng loob ay natutong uminom na nagpadali sa
kanyang buhay, kaya namatay sa sakit na kanser sa atay.
Sa kabila ng lahat hindi pa rin sumuko ang aming nanay na
tumira sa bukid upang makasama sa mga kamag-anak na nagsasaka, kaya napasabak
naman siya sa pagtanim ng palay, mais, at pag-ani na rin ng mga ito. Nagbukas din siya ng maliit
na tindahan na ang mga paninda ay pinapautang niya at ang bayad ay mais o
palay, hindi pera. Ganoon ka-diskarte ang aming nanay. Tuwing Sabado naman ay
binibisita ko siya at dahil kapos sa pamasahe, sinasabayan ko ang ang pagsikat
ng araw kung lakarin ko ang ilang kilometrong layo mula sa aming bayan,
hanggang sa bukid na tinitirhan niya. Lakad din ang ginagawa ko kung ako ay
uuwi na sa bayan, madaling araw pa lang ng Lunes upang maghanda sa pagpasok sa
eskwela.
Noon ko napansin ang madalas na pagtali ng nanay namin ng
malaking panyo sa kanyang sikmura. Akala ko ay normal lang yon tuwing umaga. May
iniinda na pala siyang sakit na nagpapahirap sa kanya dahil sa kirot na naging
sanhi pa ng kanyang pagsusuka kung minsan. Dahil sa kakapusan ng pera, sa
arbularyo siya dinadala ng mga kapatid ko kung atakehin siya ng sakit.
Isang hapong umuwi ako mula sa eskwela, sinalubong ako ng
kalaro kong kapitbahay namin na nagsabing kailangan ko raw magmadali upang “umabot pa ako”. Hindi ko siya naintindihan,
subalit pagdating ko sa amin, nagulat ako dahil maraming tao, yon pala,
kararating lang ng kapatid ko kasama ang bangkay ng aming nanay na natuluyan
habang ginagamot ng arbularyo. Nasa kalagitnaan ako ng first year high school
noon, at wala pang isang taon ang nakalipas nang mamatay ang aming tatay.
Namatay ang nanay namin sa sakit na kanser sa matris.
Bilang paggunita sa Buwan ng mga Ina, itong payak na
pag-alala lamang ang kaya kong magawa dahil hindi ko naman kayang ibalik ang
kanyang buhay upang maski papaano sana ay maipatikim ko sa kanya bilang ganti,
ang ginhawang bunga ng kanyang pagsisikap katuwang ang aming tatay.
Sa isang banda, ang panawagan ko naman sa mga mambabasa na
may mga magulang pa, kahit tatay o nanay man lang…mahalin ninyo sila....dahil sila
ang bukod-tanging kayamanan sa ating buhay na walang katumbas…o di man, ay buhay lamang natin ang katumbas. Kung
hindi dahil sa kanila, wala tayo sa mundong ito….
Discussion