Si Eden...matatag na Ina
Posted on Monday, 25 May 2015
Si Eden…Matatag na
Ina
Ni Apolinario Villalobos
Iba’t ibang pagkakataon ang sumusubok sa katatagan ng isang
ina. Nandiyan ang mamatayan ng asawa kaya naiwang mag-isang nagtaguyod sa mga
anak; mabubugbog ng istambay na ay adik
pang asawa subali’t hindi niya maiwan dahil ayaw niyang mawalan ng ama ang
kanyang mga anak; mamasukan sa beer house bilang entertainer upang mabuhay ang
mga anak sa pagkakasala…marami pang iba.
Iba at pambihira ang nangyari kay Eden, wala pang apatnapung
taong gulang na ina. Maganda ang samahan nila ng kanyang asawang
nagta-traysikel hanggang ito’y maputulan ng isang paa dahil sa sakit na
diabetes. Dinoble ni Eden ang pagkayod sa pamamagitan ng paglalabada at
pagpapataya ng “ending”, isang sugal na paborito ng mahihirap dahil sa laki ng
panalo kahit maliit ang taya, pati pagtinda ng banana-cue ay ginawa na rin
niya. Sa kabila ng lahat, talagang kinakapos pa rin sila dahil lima ang
kanilang anak, na ang mga gulang ay mula tatlo hanggang labing-anim na taon.
Tuwing mag-usap kami ng asawa ni Eden
noong buhay pa ito, pabiro itong
nagsasabi na hindi lang kaliwa’t kanan ang mga utang nila, kundi harap at likod
pa. Ang nagpatindi ng pangangailangan nila sa pera ay ang regular check- up at
mahal niyang mga gamot .
Bilang huling hirit sa kapalaran nila, nagdesisyon si Eden
na magtrabaho sa ibang bansa, at pinalad namang makapasok bilang katulong sa
Saudi. Naiwan sa kalinga ng asawang pilay ang mga bata. Maganda ang mga plano na ibinahagi sa akin ng asawa
niya dahil uunahin daw muna nilang bayaran ang mga utang, at saka na sila
mag-iipon ng pangpuhunan sa negosyo. Inaasahan niyang may maiipon sila dahil
dalawang taong kontrata ang nakuha ni Eden. Ang masakit nga lang ay inatake
siya hanggang matuluyan dahil hindi nakainom ng gamot ng kung ilang araw.
Nangyari ang trahedya, tatatlong buwan pa lamang na nakaalis si Eden.
Nagpakatatag ang mga bata na inalalayan ng ilang kamag-anak,
lalo na ng mga kapitbahay na siyang nag-asikaso sa pinaglamayang asawa habang
hinihintay ang desisyon ng amo ni Eden kung papayagan siyang umuwi. Masuwerte
siya at napayagan naman, ibinili pa ng tiket sa eroplano at pinagbakasyon ng
isang buwan upang maasikaso ang pagpalibing sa kanyang asawa. Dahil sa kabaitan
ng amo, hindi maaaring hindi siya bumalik sa Saudi, lalo na at nakatali pa siya
sa kontrata na maaari niyang ikakulong kung kanyang susuwayin.
May isang kamag-anak ang kanyang asawa na nagbigay ng
matitirhan nilang mag-iina. Sa tabi nito nakatira ang bayaw ni Eden na
nagpalakas ng kanyang loob. Magpapadala naman siya ng pera sa isa pang
kamag-anak para sa mga pangangailangan ng mga bata lalo na ng mga nag-aaral.
Nang mag-usap kami ni Eden, nakita ko ang pangamba sa
kanyang mukha na hindi naikubli ng maya’t mayang pagpatak ng luha na pinapahid
niya agad upang hindi makita ng mga bata. Kailangang magpakita siya ng
katatagan upang hindi panghinaan ng loob ang kanyang mga anak. Kinausap na rin
daw niya ang mga ito at nagpasalamat siya dahil kahit sa mura nilang isip,
naintindihan nila ang lahat kaya magtutulungan na lang daw sila at handa silang
magtiis.
Iniwan ni Eden ang kanyang mga anak bago pumutok ang araw
upang makaiwas sa trapik sa pagpunta niya sa airport. Nangyari ang inasahan
niyang iyakan nilang mag-ina bago siya makalabas ng bahay, at dahil tulog pa
ang bunso, siguradong mahihirapan ang mga kapatid sa pagpatigil ng kanyang
pag-iyak paggising nito. Nang huli kaming mag-usap nina Eden at mga anak niyang
tin-edyer, nag-isip na kami ng maraming dahilan na sasabihin sa bunso kung
hahanapin siya nito.
Nakakalungkot isipin na ang ibang ina sa panahon ngayon ay
walang kasiyahan sa kabila ng kasaganaan sa buhay. Ang iba, dahil halos hindi
na alam ang gagawin sa paggastos ng labis na kita ng asawa ay inii-spoil ang
mga anak sa pagbigay ng kanilang mga luho, bukod pa dito ang mga pansarili
nilang kapritso kaya kung anu-anong retoke ang pinapaggagawa sa katawan.
Ang iba naman ay hindi natutong pagkasyahin ang kita ng
asawa sa mga pangangailangan kahit sapat naman sana kung hindi lang dahil sa
kanilang bisyo tulad ng pagsusugal at paglalabas-labas kasama ang mga kumare.
Ang iba ay nagsa-sideline o kumakabit sa mga may pera upang matustusan ang
kanilang luho na hindi kayang suportahan ng kita ng asawa, kaya napapabayaan pa
ang mga anak.
Maraming biyuda tulad ni Eden sa mundo. Subali’t iilan lang
siguro silang may matatag na kalooban. Ang iba ay nagpapakamatay dahil hindi
nila kayang balikatin ang napakabigat na responsibilidad sa kanilang balikat.
Ang iba ay nawawalan ng katinuan sa pag-iisip kaya bumagsak sa ospital ng may
kapansanan sa pag-iisip at ang mga anak ay napapunta sa bahay-ampunan.
Palagay ko ay malalampasan ni Eden at mga anak niya ang mga
pagsubok dahil hindi naman ito ibibigay ng Diyos kung hindi nila makakaya. Sa mga makakabasa, dasal para sa mag-iina ang
hinihiling ko.
Discussion