Dapat Magkaroon ng Inventory ng mga Relief Goods na hindi pa naipamudmod
Posted on Monday, 18 May 2015
Dapat Magkaroon ng
Inventory ng mga Relief Goods
na hindi pa
Naipapamudmod
ni Apolinario Villalobos
Ngayon pa lamang, dapat ay magkaroon na ng inventory ng
lahat ng mga relief goods na nakaembak sa mga bodega ng DSW at local government
units, na hindi pa naipapamudmod. Mahalaga ding i-check ang mga ginagamit na
bag kung may pangalan o mukha ng mga lokal na opisyal na dapat ay bawal. Ang
mga listahan ay dapat ilathala sa mga pahayagan upang malaman ng mga tao. Mahalaga
ang hakbang na ito upang hindi magamit ang mga relief goods na pang give-away o
regalo ng mga ganid na opisyal na tatakbo sa darating na halalan. Ang ganito ay
maaaring mangyari upang masupurthan ang mga kandidato ng administrasyon. Ang
imbertaryo ay dapat gawin ng COA.
Ang isa pang dahilan kung bakit kailangan imbentaryuhin ang
mga relief goods ay ang kumakalat na balitang sa ilang bayan sa Mindanao, may
mga binebenta daw na murang mantika, asukal, at iba pang mga items na madalas
isinasama sa mga relief bags. Kung matatandaan, mayroong karinderya noon sa
Tacloban na nabistong bumili ng ilang sakong bigas na dapat sana ay para sa mga
disaster victims ng bagyong Yolanda. Sinundan ito ng balitang “ninakaw” daw ang
mga relief goods na nakaembak sa isang bodega sa Cebu, at na-video pa nga. Wala
na ring balita sa resulta ng imbestigasyon kung may natanggal dahil sa
kapabayaan o kutsabahan.
Sa Cebu pa rin noon, pinagbawalan ang mga reporter na kumuha
ng retrato ng mga dumarating na relief goods galing sa ibang bansa…bakit?
Nabulgar din na nililipat ang mga relief goods galing sa mga international
donors dahil pinapalitan ng mga local na mga relief items…pero buong tapang na
pinabulaanan pa rin ng mga ahensiyang pinagdudahan tulad ng DSW.
Kung gusto ng gobyerno na mabawasan man lang ang pagdududa ng
taong bayan tungkol sa bagay na ito, dapat ay huwag na itong maghintay na
kalampagin pa bilang paalala ng mga grupong nagbabantay sa kapakanan ng bayan
at mga Pilipino….isang bagay na nakakahiya!
Discussion